Biyernes, Nobyembre 25, 2016

Lectionary Sunday School - Pamumuhay sa Liwanag ng Diyos (Romans 13:11-14) Nov. 27, 2016



11 Gawin ninyo ito, dahil alam ninyong panahon na upang gumising kayo. Ang pagliligtas sa atin ay higit nang malapit ngayon kaysa noong tayo'y unang sumampalataya sa Panginoon. 12 Namamaalam na ang gabi at malapit nang lumiwanag. Layuan na natin ang lahat ng masasamang gawain at italaga natin ang sarili sa paggawa ng mabuti. 13 Mamuhay tayo sa liwanag at huwag gugulin ang panahon sa magulong pagsasaya at paglalasing, kalaswaan at kahalayan, sa alitan at inggitan. 14 Ang Panginoong Jesu-Cristo ang paghariin ninyo sa inyong buhay at huwag ninyong sundin ang mga hilig ng laman.

Gising Na!

Mayroon akong isang birong kwento.

Mayroong isang nanay na makulit na ginigising ang kanyang anak para magsimba. Ngunit nagtutulog-tulugan ang anak at ayaw tumayo. Lalong nangulit ang nanay, "Anak! Gising na! Umaga na at Linggo ngayon, magsimba ka!"

Sagot ng anak, "Ayokong magsimba 'nay!"

Lalong nagputak ang nanay, "Anak! Gumising ka. Kailangan ko pa bang ipaliwanag sa iyo kung bakit kailangan kang magsimba?
Una, matanda ka na! FORTY YEARS OLD KA NA!
Pangalawa, IKAW ANG PASTOR NG KAPILYA!
GUMISING KA! PASTOR!"

Ang paggising na kinakailangan ngayon ay hindi lamang sa mga pastor, ito ay para sa lahat. Kailangan nating aminin na matagal na pagtulog ang ating ginawa bilang iglesia at bilang isang bansa. Ang pagtulog na tinutukoy ng Apostol Pablo ay tungkol sa kawalan ng pag-ibig sa kapwa (v. 8-10). At ang nagiging bunga ng kawalan ng pag-ibig ay pagsuway sa mga utos ng Diyos.

At kapag tayong mga Kristiano mismo ang sumusuway sa mga utos ng Diyos, ang ating liwanag ay natatakpan. Tuwing nangingibabaw ang kasalanan sa buhay ng mga mananampalataya, ang patotoo ng iglesia ay napupulaan. Dahil dito, nasisira ang impluensya ng iglesia upang mabago ang lipunan.

Gising! Tulog na Iglesia.

Maraming iglesia ang tulog dahil maimbing silang nakakulong sa loob ng apat na sulok ng simbahan. At dahil wala ng magawa ang mga nasa loob nito, ang mga miembro ay nag-aaaway away, habang ang pastor ay napipilitang magkamot na lang ng likod ng mga miembro, para hindi naman sila magtampo, at hindi rin siya paalisin sa destino. Walang gawain ng misyon, walang naitatatag na bagong iglesia, walang bagong miembro - at ang lahat ay nagsisisihan sa loob ng simbahan.

Maraming ginaganap na meetings - pero walang ministeryo ng ebanghelismo at paghayo sa labas ng simbahan.
Maraming pera ang hanap sa simbahan, ngunit ang kaligtasang espiritual ng mga tao ay nakakaligtaan.

Ito ay ang larawan ng isang simbahang tulog. Wala ng misyon, wala naring ambisyon na palaganapin ang kaharian ng Diyos sa mundo.

Kailangan na ang paggising dahil "panahon na" wika ng apostol sa ating aralin. At aralin natin kung bakit.

1. Ang pagliligtas sa atin ay higit nang malapit ngayon kaysa noong tayo'y unang sumampalataya sa Panginoon (v.11).

Sinasabi ng apsotol na kailangan nating unawain ang takbo ng panahon, dahil ang araw ng pagliligtas ay malapit na.

Pagkatapos nating tanggapin ang personal na kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoong Jesus, hindi makakabuti kung mananatili tayo sa dating antas ng ating pagka-kristiano at walang paglago sa ating buhay espiritual. Sa Hebreo 6:1, sinasbi rin ang ganito,

"Kaya't iwanan na natin ang mga panimulang aralin tungkol kay Cristo at magpatuloy na tayo sa mga araling para sa mga may sapat na pang-unawa na."
Sa mga pagsulong ng mga panahon, kailangan natin ang pag-unlad sa pananampalataya dahil palapit na ang araw ng Panginoon.

2. Namamaalam na ang gabi at malapit nang lumiwanag. Layuan na natin ang lahat ng masasamang gawain at italaga natin ang sarili sa paggawa ng mabuti. (v. 12).

Ang bukang liwayway ay tanda ng pagdating ng paghahari ng Diyos. Isang masamang panaginip kung mapag-iiwanan ang iglesia sa pagkilos ng Diyos. Nakakatakot isipin, na habang nagliligtas ang Panginoon, ay may mga Kristiano pa rin na nakakapit sa kasalanan sa halip na gumagawa ng kabutihan. Ang tunay na pakikilahok sa iglesia ng Diyos ay may dalawang mahalagang sangkap;

a. Intentional at aktibong paglayo sa lahat ng masasamang gawain.

Kahit ang Biblia ay nagsasabing dapat sawayin (resist) ang Diablo. Ang bawat Kristiano ay dapat maging aktibo sa pakikibaka sa kasalanan. Ang kasalanan ay hindi aalisin kung iiwasan lamang, ito ay kailangang labanan.

b. Italaga natin ang sarili sa paggawa ng mabuti.

Ang talatang ito ay malinaw na tuntunin tulad ng payo ni John Wesley para sa mga Metodistang Kristiano. Hind papasa ang mga Krstianong walang aktibong pakikilahok sa gawain ng Diyos.
3. Mamuhay tayo sa liwanag at huwag gugulin ang panahon sa magulong pagsasaya at paglalasing, kalaswaan at kahalayan, sa alitan at inggitan (v. 13).

Ang sanlibutang ay nagsasabi na ang tagumpay ay nakakamit kapag malaya mo ng nagagawa ang lahat ng gusto mo. Ngunit ang Kristianong tagumpay ay kapag nagagawa na natin ang kalooban ng Diyos. Ang batayan ng ating tagumpay para sa Diyos ay nakasalalay sa ating paggamit ng ating buhay at lakas. Kung ginugugol natin ang ating oras sa mga "magulong pagsasaya, paglalasing, kalaswaan at kahalayan, alitan at inggitan" nangangahulugan lamang na hindi tayo aktibong namumuhay sa liwanag, kundi aktibong namumuhay sa kadiliman.

4. Ang Panginoong Jesu-Cristo ang paghariin ninyo sa inyong buhay at huwag ninyong sundin ang mga hilig ng laman (v.14).

Ang pamumuhay sa liwanang ng Diyos ay nagpapatunay kung sino ang naghahari sa ating buhay. May dalawang maaring pagpilian kung sino ang ating susundin;

a. Susundin ba natin ang hilig ng ating laman?

Ito ay ang maluwang na daan ng buhay. Madali ang mamuhay sa tukso - ngunit ang kasunod nito ay pagdurusa. Masarap din ang mamuhay sa kasalanan - ngunit ang dulo nito ay parusang walang katapusan. Ayon sa Roma 8:7-8,

"Kaya nga, kapag sinusunod ng tao ang mga hilig ng laman, siya'y nagiging kaaway ng Diyos sapagkat hindi niya sinusunod ang batas ng Diyos, at talaga namang hindi niya kayang sundin ito. At ang nabubuhay ayon sa hilig ng laman ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos."

b. Magpapasakop ba tayo sa paghahari ng ating Panginoong Jesus?

Ito ang tamang pasya para sa mga nagnanais gumising sa katotohanan. Kailangan natin piliin ang Diyos at magsakop sa kanyang kapangyarihan ng ating Panginoong Jesus. Maging si Apostol Santiago ay malinaw na nagsabi (4:7-10)

" Kaya nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayuan kayo nito. 8 Lumapit kayo sa Diyos at lalapit siya sa inyo. Linisin ninyo ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan! Linisin ninyo ang inyong puso, kayong pabagu-bago ang isip. 9 Maghinagpis kayo, umiyak at tumangis! Palitan ninyo ng pagluha ang inyong tawanan, at ng kalungkutan ang inyong kagalakan! 10 Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon at itataas niya kayo."

Sabado, Nobyembre 19, 2016

Pagkilala sa Panginoong Jesus (Colossians 1:11-20) Sunday School - Nov. 20, 2016

Pagkilala sa Panginoong Jesus
Colossians 1:11-20

May kwento tungkol sa isang food distribution center sa mga nasalanta ng bagyo, habang nakapila ang marami upang humingi ng pagkain.

     Isang mama ang nasa huli ng pila. Malapit ng maubos ang relief goods. Alam ng lalaking ito na kailangan pa rin niyang pumila, dahil tatlong araw ng hindi kumakain ang kanyang pamilya. Nanatili pa rin siya sa pila, kahit nakikita niyang paubos na ang pinamimigay na relief goods.

    Hanggang nakarating sa isang binatang nasa harapan niya ang huling bag ng groceries. Ibig sabihin, wala siyang makukuhang pagkain para sa kanyang pamilya. Nanlumo ang lalaki sa sobrang lungkot. Nasa isa pang bayan kasi ang susunod na relief distribution center. Kailangan pa siyang maglakad ng limang kilometro para makarating sa pilahan doon.

     Ngunit, bigla - ibinigay ng binatang nauna ang kanyang stab sa lalaki. Nakipalit siya ng lugar sa mama sa kanyang likuran. Halos hindi makapaniwala ang lalaki sa ginawa ng binata. Inuna ng binata ang kanyang kapwa. Mas mahalaga para sa kanya ang kaligtasan ng iba, bago ang sarili.
Ganyan din ang ginawa ng Panginoong Jesus. Nakipalit siya ng lugar sa atin, upang tayo ay maligtas.

Ang Suliranin sa Colosas

Karaniwan sa mga sulat ni Pablo, tumutugon siya upang sagutin ang mga maling turo sa mga iglesia. Sa Colosas, may nagtuturo na ang Panginoong Jesus daw ay isa lamang sa mga pagpapakilala ng Diyos. Para sa kanila, marami ang kapahayagan (emanations) ng Diyos, at iba-iba ang pagpapakilala ng Diyos. Para sa kanila, marami o iba-iba ang daan patungo sa Diyos. Para kay Pablo, iisa lamang ang pagpapakilala ng Diyos - walang iba kundi ang Panginoong Jesus.

Sino Nga Ba si Jesus?

1. Siya ang ating Tagapagligtas at inilipat niya tayo (v. 13). Ang larawan dito ay isang mandirigma na nagligtas ng kanyang nasasakupan mula sa mga sumakop at inilipat ang mga bihag mula sa pagka-alipin pabalik sa kanilang bansa.

2. Si Cristo ang larawan ng Diyos na di-nakikita. (v.15)
Isang katotohanan na malinaw sa Biblia ay ang pagka-diyos ni Cristo. Sinasabi ng iba na si Jesus daw ay "larawan lamang ng Diyos" at hindi siya ng Diyos mismo, ngunit pagdating sa verse 19, sinasabi po ang ganito, "Sapagkat minarapat ng Diyos na ang buo niyang kalikasan ay manatili sa Anak."
Sa Hebreo 1:8, tinawag na "Diyos" ng Ama ang Panginoong Jesus. Ayon sa Filipos 2:6, siya ay likas at tunay na Diyos. Ang Panginoong Jesus at ang Ama ay iisa (Juan 10:30).

3. Siya ang panganay na anak at pangunahin sa lahat ng mga nilikha.
Ang pagiging "panganay" ay tumutukoy sa kanyang kapangyarihan at importansya. Ito ay tungkol sa kanyang "supremacy". At dahil nauna siya sa lahat ng nilikha, hindi siya kabilang sa mga nilikha ng Diyos, ibig sabihin, siya mismo ang Diyos. Sa simula pa, naroon na si Jesus bilang Salita (Jn. 1:1).

4. Siya ang Lumikha. Sapagkat sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, nakikita man o hindi, pati ang mga espirituwal na kapangyarihan, paghahari, pamamahala, at pamumuno. Ang lahat ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya.

5. Siya ang Lumikha at nagpapanatili sa kaayusan ng lahat. Siya ang una sa lahat, at ang buong sansinukob ay nananatiling nasa kaayusan sa pamamagitan niya.

6. Siya ang ulo ng iglesya na kanyang katawan.

Pinili ng Diyos na magsimula ulit ang pananampalataya sa kanya sa pamamagitan ng pagdating ng Panginoong Jesus dito sa lupa. Sa pamamagitan ng Panginoong Jesus, ang Diyos ay nagkatawang tao upang ang sinumang mananalig sa kanya ay maliligtas.

Ang lupon ng mga mananalig ay nagkakatipon bilang iglesia. Ngunit ang pinuno ng iglesia ay hindi tao, kundi si Cristo mismo. Ito ang dahilan kung bakit wala tayong "pope" bilang evangelical Christians, ang tungkuling ito ay sa Panginoong Jesus mismo at hidni ito dapat ibinibigay sa tao, bilang ulo ng iglesia.

Isa pa, tayong lahat na sumasampalataya sa Panginoong Jesus ay bahagi gn iglesia. Walang denominasyon o sekta na dapat mag-angkin na sila lamang ang maliligtas. Tayong lahat ay bahagi lamang ng katawan ni Cristo Jesus na siyang ulo.

7. Siya ang unang binuhay mula sa mga patay, upang siya'y maging pangunahin sa lahat.
Sa plano ng Diyos na buhaying muli ang mga patay, ang katibayan ang muling pagkabuhay ng Panginoon mismo. Ipinapakita na ang Diyos ay hindi maaring hawakan ng kamatayan. Ang Diyos ang ma hawak sa kamatayan. At ang sinumang sasampalataya sa Panginoon ay magwawagi sa kamatayan.

8. Siya lamang ang daan upang makipagkasundo tayo sa Ama.
At sa pamamagitan ng Anak, niloob ng Diyos na ang lahat ng bagay, maging sa langit o sa lupa, ay makipagkasundo sa kanya; pakikipagkasundo sa pamamagitan ng pag-aalay ng Anak ng kanyang dugo sa krus.(v. 20).

Para kay Pablo, wala ng iba pang kapahayagan ang Diyos kundi sa pamamagitan ng Panginoong Jesus. Malinaw din ito sa pahayag ng Panginoong Jesus, "Sumagot si Jesus, Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko." - Juan 14:6

Linggo, Nobyembre 13, 2016

Bawal ang Tamad! (2 Thessalonians 3:6-13)

Bawal ang Tamad na Kristiano!
2 Thessalonians 3:6-13

"Bawal ang Tamad!" Ang katamaran ay parang sakit na kapag hindi nasugpo, ay nagiging malala. Ito ay parang mikrobyo sa katawan na maaring magdala ng sakit hanggang maging malubha. Kung masusugpo ito ng maaga, magiging mabuti ang bunga nito sa buong iglesia, ang katawan ng Panginoon.

Ang Ugat ng Problema

May mga alagad sa Tessalonica na pagkatapos nakapakinig ng mensahe ni Pablo tungkol sa muling pagdating ng Panginoong Jesus. Dahil dito, iniwan nila ang kanilang trabaho, tinigil nila ang mga gawain ng misyon, nanatili na lamang sila na walang ginagawa, at umasa na lamang na pakakainin sila ng iglesia.

Ang katamarang ito ay naging daan pa para sa paninira at maling turo na nauwi sa pagkabahala. Hindi lamang sila naging tamad kundi, naging masuwayin ang mga ito sa apostol. Ang mga taong ito ang nagkakalat ng maling turo na binabanggit sa 2 Tess. 2:2.

Maling Pagkaunawa (Misinterpretations) at Maling Gawa (Misapplication)

Ginawang dahilan ng mga taong ito ang sinabi ng mga apostol na darating ng muli ang Panginoong Jesus. Tulad ng ibana pilit hinuhulaan ang petsa ng muling pagdating ng Panginoon, ang mga taong ito na naging problema ni Pablo sa Tessalonica. Dahil mali ang kanilang pagkaunawa, iginigiit nila na hindi na kailangan ang trabaho.

Dahil mali ang kanilang pagkaunawa, nagbunga ito ng maling gawa. Sila ay naging batugan, at masuwayin. Wala silang inatupag kundi siraan ang iba, habang naniniwala na sila ay maliligtas pagdating ng paghuhukom.

Ang Ugat  ng Katamaran

Tulad ng isang bagay na hindi nagagamit, ang isip at katawan ng tao ay maaring kalawangin. Hanggang hirap na itong gamitin. May ilang dahilan kung bakit may mga taong nagiging tamad;

1. kawalan ng layunin sa buhay (lack of goal in life). Dahil wala silang inaasam na layunin, wala rin silang gustong gawin. Ang "goal" ng mga Kristiano ay gawing alagad ng Panginoong Jesus ang ibang tao, at hindi tama na naghihintay lang tayo sa muling pagdating ng Panginoon. Kabaligtaran naman nito ang masyadong marami ang gustong maabot sa buhay. May iba na walang "focus" sa dami ng gusto pero wala ring natatapos na trabaho.

“Sow a thought, reap an action; sow an action, reap a habit; sow a habit, reap a character; sow a character, reap a destiny.” (Stephen R. Covey, The 7 Habits of Highly Effective People)

2. kawalan ng disiplina at talino sa paggawa (lack of discipline and wisdom).

Maraming masisipag ang nabibigo dahil hindi nagbubunga ang kanilang pagsisikap. Ngunit minsan, ang dahilan ay ang kawalan nila ng disiplina. Ang kanilang paggawa ay sinisimulan at hindi natatapos.

May iba naman, hindi nila pinagbubuti ang kanilang ginagawa. Kuntento sila sa mababang kalidad ng trabaho kaya hindi sila umaasenso. Sabi sa Kawikaan 22:29, “Alam ba ninyo kung sino ang pinaglilingkuran ng mga mahusay magtrabaho? Sila'y naglilingkod sa mga hari, hindi sa mga alipin.”

Mayroon din namang masipag ngunit kulang sa talino. Dahil dito, hindi nagiging mabunga ang paggawa dahil kulang sa paraan at kaalaman. Sabi nga sa Mangangaral 10:15, "Ang pagpapagod ng mangmang ang nagpapahina sa kanya, at hindi man lamang niya alam ang daan papunta sa bayan niya."

3. Kawalan ng pag-asa (lack of hope)
May mga tao rin na napapako sa maling paniniwala na "wala ring mangyayari sa kanilang buhay" kahit magsikap pa sila. Ang ganitong kawalang ng pag-asa ay nagiging sanhi ng katamaran.

May mga tao rin na tamad dahil nakaugalian na nila ang ganitong uri ng buhay at sanay na sila dito. Sabi nga ni Lao Tzu, "Watch your habit, it may become your character." Ang mga nakaugalian (habit) ay maaring maging pagkatao (character).

Pagtutuwid ni Pablo

1. Upang hindi maging tamad, huwag makisama sa mga taong tamad.
Sabi sa verse 6, "Mga kapatid, iniuutos namin sa inyo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo na layuan ninyo ang sinumang kapatid na tamad at ayaw sumunod sa mga itinuro namin sa inyo."

2. Tumulad sa mga taong matagumpay at masisipag. May halimbawa sa sarili si Pablo, para siya tularan ng iba:

a. Hindi kami nakikain kaninuman nang walang bayad.
b. Nagtrabaho kami araw-gabi upang hindi makabigat kaninuman sa inyo. Ginawa namin ito hindi dahil sa wala kaming karapatan sa inyong tulong, kundi upang kayo'y bigyan ng halimbawang dapat tularan.

3. Tuwiran niyang iniutos na, "Huwag ninyong pakainin ang sinumang ayaw magtrabaho."

4. Mga kapatid, huwag kayong magsasawa sa paggawa ng mabuti.

Ugaling Kristiano ang Pagiging Masipag

Nais ng Diyos na tayo ay maging matagumpay. Ang tagumpay ay nakakamit sa tamang sangkap ng pangarap, disiplina, talino at sipag.

1. Pangarap - gawin mong malinaw ang iyong pangarap (goal in life). Hindi pa huli para mangarap. Si Sanders na nagsimula sa KFC Fried Chicken ay edad 60 ng simulan niya ang kanyang business.

2. Disiplina - Kung maari, lahat ng iyong ginagawa ay ituon mo sa katuparan ng iyong goal. Isang halimbawa dito ang tenor singer na si Pavarotti. Siya ay teacher at singer noong una, ngunit ang payo ng kanyang ama, ituon niya ang sarili sa pag-awit kung talagang nais niyang magtagumpay. At ganun nga ang kanyang ginawa, siya ay nagtagumpay.

3. Talino - ang pag-aaral ay walang katapusan. Kailangan tayong matuto hanggat kaya natin. Alamin ang mga paraan para maabot mo ang iyong goal. Mag-aral sa karanasan ng iba, makinig at makisalamuha sa mga matagumpay na tao.

4. Sipag - magbasa, mag-excercise, mag-aral ng mga bagong bagay at huwag pababayaang maging kalawangin ang isip at katawan. Manatiling produktibo at hangarin ang mataas na kalidad sa paggawa.

Maging Mabungang Kristiano

Nakikila tayo dahil sa ating bunga.  ito ang mga resulta ng ating paggawa dito sa mundo.  Si John Wesley ay may turo tungkol sa ating paggamit ng ating lakas at talino.

1. Work all you can, save all you can and give all you can.

2. Take care of your family needs and mind your own business.

3. Support the missions of your church. Be productive as an evangelist. Keep winning souls for Christ.

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...