Martes, Oktubre 25, 2016

Patotoo ng Iglesia (2 Tess. 1:1-4, 11-12) Sunday School Oct. 30, 2016

Mabuting Patotoo ng Iglesia
2 Thess. 1:1-4, 11-12

Si Steve Sjogren, may akda ng "Changing the World Through Kindness, pp. 103-104 (Regal, 2005)" ay isang pastor na may kwento tungkol sa dalawa niyang kapit-bahay. Isang Kristiano at isang hindi. Nagreklamo ang hindi Kristiano, at naging malaki ang sama ng loob nito sa mga Kristiano. Ang dahilan, "Idenemanda ako ng ating kapit-bahay dahil sa isang puno sa pagitan ng aming mga bakuran. At hindi man ako kinausap bago siya pumunta ng abogado." At tanong niya, "Bakit hindi yata kami mahal ng mga Kristiano?"

Isang puna ni Mahatma Gandhi tungkol sa mga Kristiano sa kanyang panahon, "Kung naging mabuti lamang ang mga Kristiano sa aming mga taga-India, lahat ng Indiano ay Kristiano na ngayon." Dagdag pa niya, "I love Jesus but I hate you Christians!"

Marahil nasasaktan tayo sa mga ganitong puna sa mga Kristiano, ngunit may bagay na dapat nating aralin kung paano tayo nakikilala bilang tunay na alagad ng Panginoong Jesus.

Paalala sa Iglesia
Hindi naman nagkulang ang Panginoon sa pagbibigay paalala sa iglesia. Sabi ng Panginoon sa Mateo 5:13, "Kayo ang asin ng sangkatauhan. Ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Hindi ba wala na itong kabuluhan kundi ang itapon at tapakan ng mga tao?"

Paalala rin ni Apostol Pablo ang ganito, sa Efeso 5:15-17,
"Kaya't mag-ingat kayo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino at di tulad ng mga mangmang. 16 Samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon na kayo'y makagawa ng mabuti sapagkat punung-puno ng kasamaan ang daigdig ngayon. 17 Huwag kayong maging hangal. Unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon."

Ang kabuoang patotoo ng iglesia ay mahalaga. Patuloy pa ni Apostol Pablo,  "Kayo'y mga hinirang ng Diyos, kaya't hindi dapat mabanggit man lamang na kayo'y nakikiapid o gumagawa ng anumang uri ng kahalayan o pag-iimbot." - (Efeso 5:3)

Tesalonica: Modelong Iglesia
Ang iglesia sa Tesalonica ay mabuting halimbawa na dapat tularan ng mga simbahan sa ating panahon. Aralin natin ang mabuti nilang halimbawa.

1. Sapagkat patuloy na tumatatag ang inyong pananampalataya kay Cristo. Ang pagiging Kristiano sa panahon na iyon ay hindi madali. Marami ang banta sa paglago sa pananampalataya. Ngunit napagtagumpayan nila ang mga ito;

a. Ang banta ng karahasan sa mga Kristiano. Ang bawat kaanib ng iglesia nang unang panahon ay handang magbuwis ng buhay para sa iglesia. Ngunit patuloy na tumatatag ang mga Kristiano sa Tesalonica sa gitna ng panganib ng kamatayan.

b. Naroon din ang banta ng mga maraming katuruan mula sa mga bulaang mangangaral. Ang maling doktrina ay madalas nagpapahina sa pananampalataya ng marami. Ngunit kapag ang mga Kristiano ay masipag sa pag-aral ng Salita ng Diyos - lalonng tumatatag ang kanilang pananampalataya.

2. Sapagkat lalong nagiging maalab ang kanilang pagmamahalan sa isa't isa. Sila ay iglesiang nagkakaisa. Ang ganitong patotoo ay nararanasan ng mga iglesiang marunong magpatawad at marunong tumalikod sa sarili upang unahin ang mga kasama sa iglesia.
3. Dahil sa kanilang pagtitiis at pananampalataya, sa gitna ng mga pag-uusig at mga kahirapang dinaranas. Ikinukulong, ipinapako sa krus, pinapakain sa mga leon o kaya ay pinupugutan ng ulo. Ang ganitong karanasan ay karaniwang nangyayari sa mga unang Kristiano. Ang pagiging Kristiano noon ay itinuturing na mababang uri ng pagkatao, na parang kriminal.

Ayon mismo kay Tacitus, isang historian na nakasaksi sa paghihirap ng mga unang Kristiano ang nagsabi ng ganito, " Sila (ang mga Kristiano) ay pinapatay at dinuduro, binabalatan ng buhay at pinapakain sa mga mababangis na hayop, ipinapakos a mga krus at sinisilaban tuwing gabi, upang maging ilaw sa dilim sa mga daan."

Ang mga katangiang ito ay hindi nakakamit sa pamamagitan ng salita lamang. Ito ay nagagawa bunga ng sakripisyo ng mga Kristiano alang-alang sa pagkakaisa para sa Panginoon.

Ang Iglesia sa Ating Panahon

May ilang kahinaan ang iglesia sa ating panahon na sumisira sa kanyang patotoo.

1. Sobrang tradisyunal, maraming iglesia ang nagiging makaluma at hindi na ito maunawaan ng mga bagong henerasyon. Ang iglesia ay kailangang maging "relevant" sa ating panahon. Ibig sabihin, kailangan itong makatugon sa mga hamon ng ating panahon bilang katawan ni Cristo.

2. Watak-watak ang iglesia Kristiana. Sa sobrang dami ng mga grupong Kristiano, na iba-iba ang turo, nalilito na ang marami kung alin ang totoo. Kailangang gumawa ng paraan ang mga simbahang Kristiano para magkaisa.

3. Sirang patotoo ng mga Kristiano sa karaniwang pamumuhay. Walang perfectong simbahan, ngunit kailangan parin tayong magsikap upang maging mabuting halimbawa tayo sa mga hindi mananampalataya.

4. Hindi nakikita ang tamang lugar at tungkulin ng simbahan sa pamayanan. Maraming Kristianong simbahan ang walang ministeryo sa kanilang pamayanan. Dahil dito, sarili na lamang ng simbahan ang kanyang inaalagaan sa halip na maglingkod sa pamayanan, lalo sa mga mahihirap.

Sukatan ng Matagumpay na Iglesia

Wala sa laki ng offering, o laki ng budget, hindi rin sa laki ng sweldo ng pastor, o sa dami ng mga meetings na nagagawa, o activities o ganda ng gusaling simbahan ang sukatan ng matagumpay na iglesia.

Ang sukatan ay nasa dami ng mga naliligtas at nagiging disipulo ni Cristo. Ang utos ng Panginoon ay "gawing alagad ang lahat ng tao", may budget man tayo o wala. May church building man o wala. Upang makagawa tayo ng maraming alagad;

1. maging mabuti tayong alagad ni Cristo - maging aktibo sa mga Nurture Ministries ng iglesia tulad ng Sunday School at Worship

2. pag-aralan nating magbahagi ng Salita ng Diyos o matuto ng personal evangelism - makibahagi sa Witness Programs ng iglesia, at mag-anyaya ng ibang kakilala sa iglesia

3. sumali sa mga ministeryo ng iglesia sa Outreach - tulad ng feeding, hospital ministry, pagbibigay ng mga damit at iba pa.

4. Maging mabuting patotoo sa personal na buhay. Ang mabuting patotoo ng iglesia ay sama-sama at personal ding tungkulin.

Sabado, Oktubre 15, 2016

Pamumuhay Ayon sa Salita ng Diyos (Sunday School 2 Timothy 3:14-4:5)

Pamumuhay Ayon sa Salita ng Diyos
2 Timothy 3:14-4:5

Ang Salita ng Diyos ay mahalagang regalong mula sa Panginoon.  Ang Biblia ay gabay sa buhay upang hindi tayo maligaw.  Hindi na tayo kailangang magbaka-sakali - dahil sa Biblia, alam na natin agad ang mga dapat gawin upang magtagumpay at maging masaya.  Alam na natin ang sekreto ng buhay na may kahulugan.  Ang kailangan lamang ay ang magbasa at sumunod sa Salita ng Diyos.

Ang Natutunan Na Natin (What We Have Learned So Far...)

Marami sa atin ay tulad ni Timothy.  Natuto tayo mula pa sa Sunday School  noong bata pa.  Naging  kabataan at tinanggap natin ang Panginoong Jesus bilang ating Tagapagligtas.  Ngayon, tumatanda na ang marami sa atin at patuloy pa rin tayong nagbabasa at nag-aaral ng Salita ng Diyos.  Ngunit madalas may isang kulang sa ating ginagawa - nagkukulang tayo sa application.    Kailangan nating ipinamumuhay ang ating mga nababasa.

True learning = reading + understanding + application

Kapag walang application, ito ay walang silbing pag-aaral.  Tulad ito ng babala ni Apostol Santiago sa 1:22, “Do not merely listen to the word, and so deceive yourselves. Do what it says.”

Ang Biblia
Ano nga ba ang Biblia para sa atin? Bakit kailangan itong matutunan mula pagkabata hanggang pagtanda?

1. Ito ang Salita ng Diyos - ito ay Banal na Kasulatan na dapat igalang at sundin.  Malinaw   ito ayon sa 1 Tess. 2:13 (basahin po natin).

2. Tinuturuan tayo ng Biblia kung paano maligtas, v. 15 - hindi ang Biblia ang ating sinasampalatayanan, kundi ang Panginoong Jesus.  At ito ang turo ng Biblia upang magkamit tayo ng buhay na walang hanggan.

3.  Naglalaman ito ng katotohanan, v. 16 - maaasahan ang mga nilalaman ng Biblia.  Sabi mismo ng Panginoong Jesus sa Juan 17:17, “Ang Salita mo O Panginoon ay katotohanan.”

4.  Ito ay may malaking pakinabang, v. 16b. Naglalaman ito ng tamang doktrina, mga pagtutuwid at mga turo tungo sa matuwid na pamumuhay.

5. Inihahanda tayo ng Biblia sa ating paglilingkod bilang alagad ng Panginoon, v. 17.   Ang Biblia ay pinag-aaralan upang sundin at ibahagi sa iba.   Nais ng Diyos na “maligtas ang lahat ng tao at maka-alam ng katotohanan” (1 Tim. 2:4).   At mangyayari lamang ito kung magbabahagi tayo ng salita ng Diyos namakikita sa ating halimbawa’t gawa at maririnig sa ating salita.

Dalawang Mahalagang Tungkulin Natin

1. Palaging maging handa upang ibahagi ang Salita ng Diyos, (4:2).   Sabi rin ni Apostol Pablo sa Efeso 6:15, “Isuot ninyo palagi ang panyapak ng Balita ng Kapayapaan”.  Ito ay kahandaan ng bawat Kristiano sa pagbabahagi ng Salita ng Diyos sa iba.

Tungkulin ito ng bawat Kristiano.  Hindi tayo tagapakinig lamang ng Salita, dapat natin itong unawain, sundin at ibahagi.

2. Mamuhay bilang isang Ebanghelista, (4:5) -  ang ministry ay hindi gawain ng mga professional pastors at deaconesses.  Sa Biblia, ang gawain ng pangangaral at ebanghelismo ay gawain ng lahat ng Kristiano.  

Paano Ito Gagawin?

1. Siguraduhin mo ang iyong kaligtasang espiritual - siguraduhing tinanggap mo na ang Panginoong Jesus bilang iyong Tagapagligtas at Panginoon.  Matutulungan mo ang iba para maligtas kung alam mong ligtas ka na.

2. Ibahagi mo ang iyong kaligtasang espiritual. Magsaulo ng ilang talata mula sa Biblia tungkol sa kasiguruhan ng kaligtasan.
Halimbawa:
a. John 3:16
b. Roma 3:23; 6:23; 10:9
c. Efeso 2:8-9
d. 1 Juan 5:13

3. Tulungang manalangin ang binabahaginan ng pagtanggap sa Panginoong Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas.

4. Gabayan ang binahaginan upang maging miembro ng iglesia sa pamamagitan ng Bautismo ng Pananampalataya.

5.  Patuloy na gabayan mo ang bagong kapatid sa pagdalo sa mga gawain ng ating iglesia.

Mga Tanong sa Talakayan:
1. Ano ang epekto ng pag-aaral sa Biblia na walang pagsunod sa gawa? Bakit kailangang iwaksi ang ganitong pag-aaral na walang application?

2. Bakit kailangang matuto ang lahat upang manghikayat sa pananampalataya?  Ano pa ang dapat nating gawin upang gumawa ng “promotion” sa ating iglesia?

3. Ano sa palagay mo ang mga bagay na dapat nating palakasin upang maging kaakit-akit ang iglesia sa ibang tao sa ating komunidad?  Paano nakakatulong ang sama-samang patotoo ng pagkakaisa, kabutihan at sipag sa pagdalo sa mga gawain?

4. Ano pa ang iyong maipapayo upang umunlad ang ating iglesia sa bilang at kalidad?

Sabado, Oktubre 8, 2016

Ang Mapagpasalamat na Samaritano (Lucas 17:11-19)


Marami ang mga awiting sumikat sa mga iglesia tungkol sa pasasalamt. Nariyan ang "Give Thanks" na pinasikat ninDon Moen. Sa Kapampangan, matagal ng sikat ang awitin "Ding Apulung Masakit" na maaring nilikha pa ng mga sinaunang Metodista. (Ang Sampung Maysakit) ay awiting hango mula sa ating teksto. 

Gusto kong ipauna sa inyo na napakarami ng mga bagay na dapat nating ipagpasalamat sa Diyos. 

Kahapon, pinatawag ako ng  isang kapatid ang may kanser. Hirap na siyang huminga at alam ng marami na siya ay maaring pumanaw anumang oras. Sa kalagayan niya (hirap na siyang magsalita) - wala siyang sinabi kundi ang magpasalamat.  Maaring sasabihin natin - dapat nagreklamo siya dahil sa dami ng panalangin para sa kanya - hindi siya gumaling.  

Walang duda na siya ay tumanggap ng kagalingan.  Kagalingang espiritual.  Kailangan tayong maging mapagpasalamat. We have a lot of things to thank for.,.

1. Naligtas na tayo - Roma 8:24
2. Tagapagmana tayo ng kalangitan
3. Pinatawad na tayo mula sa ating mga kasalanan
4. Binago na tayo - at binihisan ng bagong pagkatao. 

now if you are still living in sin, at hindi mo pa tinanggap ang kaligtasan mo, e talagang, hindi ka nga mabubuhay sa pasasalamat. 

Bakit Nag-iisang nagpasalamat ang Samaritano? 

1. His thanksgiving is a product of his healing. 

Ang mga gumagaling ay pinagaling upang magpasalamat. 

Naaalala ninyo yung biyenan ni Apostol Pedro. Pinagaling siya ni Jesus. Pagbangon, pinaglingkuran niya ang Panginoon at mga alagad.  Maraming pinagagaling ngayon ang Panginoon. Paggaling- takbo agad sa SM!  Doon nagse-celebrate ng kanilang kagalingan. Doon gumagastos ng libo-libong piso. 

Pero nagbigay ng thanksgiving offering - bente pesos! 

But this guy, after receiving the blessing of being healed. He went to the Lord to give thanks. He understands, that the one responsible for his healing is none other than JESUS!

2. Let me go now to our second point. He returned to Jesus because he was a Samaritan and not a Jew.

Sa una, inisip ng Panginoon na lahat ng maysakit na ito ay mga Judio. Kaya ng gumaling, sabi ng Panginoon, "Pumunta kayo sa pari, para bigyan kayo ng katibayan na wala na kayong sakit." 

Ang sabi kasi ng Kasulatan, "Kapag magaling kana, balik kana sa iyong ,ganreligious duties."  Kapag magaling kana, maging relihiyoso ka. But friends, let this be a warning. It is ok to be religious. It is fine - kahit maging "dagang kapilya" tayo. Yung lagi ka na lang sa church. Dito ka na naglalagi, dito ka na kumakain. Sa church ka na naliligo. 

Noon ganyan ako, lagi ako sa church. Sabi ng nanay ko, "DOON KA NA LANG KAYA TUMIRA SA CHURCH!"  Ayun, nagpastor tuloy ako. 

Mabuti ang lagi tayo sa church. Be religious. Do your religious duty. 

But his guy did more than becoming religious. He went not to the temple but to JESUS.
He did, not - only his religious duty but his spiritual duty.  DO NOT JUST GO TO CHURCH - GO TO CHRIST! 

While Paul was still called Saul, is an excellent example.

Read from Acts 9. Saul - had his religion, but he did not have God! He was religious but he does not know the God of his religion. Having religion without God is nothing. Para kang lata na wala ng gatas. 

Alam ninyo yung Darigold na condensed milk. Pinalaki ako sa Darigold.  Sabi ng nanay ko, ang aking dede noong bata ako ay bote ng Coke, nilagyan ng tsupon, tinali ng rubber band.  Ang gatas ko, ay Darigold na sinangkapan ng tubig poso. 

Nang 10 years old na ako, gusto ko pa rin ng Darigold.  Kaya ang ginagawa ko, yung gatas na nasa lata, sinisipsip ko. Patago iyon, kasi yung gatas, ginagamit yun na pangkape noong maliliit pa kami. 

Isang araw, patago akong pumunta sa lalagyan ng gatas para sipsipin ang marasap na Darigold. Paghawak ko - walang laman! Pagsipsip ko- walang laman!  At pinamamasdan pala ako ng kuya ko, sabi niya, "Naubos ko na!" 

Wala ng laman. Ang relihiyon na wala ang Panginoon ay parang latang walang laman. 

Noon naunawaan ni Saulo, na kailangan niya si Jesu-Cristo. Kulang ang relihiyon mo, kung hindi mo pa tinanggap si Cristo. 

3. Lastly he went back to Christ to receive the verification of his total healing. 

Verify your total salvation. We give thanks, overflowing thanks - because we are receipients of overflowing blessings from God. 

Basahin natin ang verse 17. There is a huge revelation on this verse. 

17 Jesus asked, "Were not all ten cleansed? Where are the other nine? 18 Was no one found to return and give praise to God except this foreigner?"  19 Then he said to him, "Rise and go; your faith has made you well." (NIV)

a. He succeeded in giving praise to God, because he went back to Jesus after his healing. 
b. He was made totally well, that is - physical and spiritual healing because he had faith.





Ano ang Ebanghelyo Ayon sa Iyo? (Lectionary Sunday School - October 9, 2016)

Ano ang Ebanghelyo Ayon sa Iyo?
2 Timoteo 2:8-15

Memory Verse: "Remember Jesus Christ, raised from the dead, a descendant of David--that is my gospel." (2:8)

Isang lumang kwento, ngunit gusto kong ulitin sa ating aralin ang tungkol sa pag-uusap ng magkakaibigang pastor. Ang sabi ng isa, "Ang lagi kong ginagamit na Gospel ay yung ayon kay San Mateo. Madali itong unawain at gusto ko ang paraan niya ng pagkukwento sa buhay ng Panginoon."

At sabi naman ng isa pa, "I prefer the Gospel According to Saint Mark. Mas nauna kasi ito sa lahat."
At isa pa ay nagsabi, "I prefer the Gospel According to Luke..."  Ngunit ang panghuli ay may kakaibang sinabi, sabi niya, "Alam ninyo mga kasama, I prefer the GOSPEL ACCORDING TO MY MOTHER. Nakita ko kasi sa buhay ng aking ina ang ebanghelyo. Nakilala ko ang Panginoong Jesus dahil sa kanyang buhay at halimbawa."

Ano ang ating Ebanghelyo?
Ang ating pananampalataya na nakikita sa ating buhay na halimbawa ay ang ating ebanghelyo. Tayo ang mga Biblia na nababasa ng mga tao. Minsang sinabi ni Mahatma Gandhi, "Kung nagpakatotoo lang sa pagka-Kristiano ang mga English (na sumakop sa kanila noon), naging Kristiano na sana ang buong India."

Ang Ebanghelyo ng ating buhay ay malinaw na maipapahayag natin kung nakikita sa atin ang apat na binabanggit ni Pablo: 1) right doctrine, 2) clear conviction, 3) zealous proclamation, and 4) actual life demonstration.

1. Right doctrine, sa pamamagitan ng paniniwala sa tamang  doktrina - sinabi ng apostol, sa talatang 8, “Alalahanin mo si Jesu-Cristo, ang muling binuhay at nagmula sa angkan ni David. Ito ang Magandang Balitang ipinapangaral ko.” Sa talatang ito, may dalawang mahalagang doktrinang binabanggit:

a. si Cristo ay muling nabuhay - sa 1 Cor 15:14, sinabi ni    Pablo na ang muling pagkabuhay ng Panginoong    Jesus ay ang saligan ng kanyang pangangaral.  
b. si Cristo ay nagmula sa angkan ni David - ito naman   ay tumutukoy sa pagiging Messias o Tagapagligtas   ng ating Panginoong Jesus.

Mahalaga na tama ang ating pinaniniwalaang doktrina at kung hindi ay mamamali rin ang ating ebanghelyo. Wrong doctrine will definitely result to wrong gospel. Halimbawa dito ay ang pangangaral ng isang pastor na siya raw ang “tagapagligtas at anak ng Diyos”, tinuturo niya sa television na dapat siyang sampalatayanan upang maligtas ang ibang tao.

Sa v. 17, binabanggit din ang mga bulaang tagapagturo sa mga iglesia noon, na nagliligaw sa mga tao. Ito ay halimbawa ng maling doktrina na nagbunga ng maling ebanghelyo.

2. Clear Convictions - sa pamamagitan ng malinaw na pinaninindigan  (v.9) - ang patotoo ni Pablo ay nakita sa kanyang paghihirap habang nakabilanggo.  Ngunit kahit nabilanggo, patuloy siya sa pagsulat sa mga Kristiano upang ipahayag ang Salita ng Diyos.  Sa ganitong paraan, “hindi nabilanggo ang Salita ng Diyos”.

Minsang sinabi ni Martin Luther, “The blood of the martyrs is the seed of the church.”  Ang ebanghelyo ay lalong naging mabunga dahil  handa ang mga tunay na Kristiano sa pagbubuwis ng  buhay, maibahagi lamang ang Salita ng Diyos.

3.  Zealous Proclamation of the Gospel - sa pamamagitan ng literal at marubdob na pagbabahagi ng Ebanghelyo   para maligtas ang ibang tao (v. 10) -  Sabi ni Pablo sa 1 Cor. 9:16, “Sapagkat iyan ay tungkuling iniatang sa akin, sumpain ako kung hindi ko ipangaral ang Magandang Balita!”

Alam ni Pablo na mahalaga ang Ebanghelyo para sa kaligtasan ng marami.  Ngunit kung hindi maipapahayag ang ebanghelyo, marami ang mapapahamak na kaluluwa sa impierno.

4. Actual Life Demonstration. -  Sa pamamagitan ng ating mabuting halimbawa (v. 15) - Payo ni Pablo kay Timoteo, “Sikapin mong maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, isang manggagawang walang dapat ikahiya at tapat na nagtuturo ng katotohanan.”

Ang mabuting halimbawa sa buhay ay higit na mabisa kaysa sampung sermon.  Ang pananampalatayang hindi nakikita sa gawa ay walang kabuluhan!

Ang apat na ito ay lubhang mahalaga upang maipahayag natin ang ebanghelyo ng ating buhay.

Para sa iyo kapatid, ano ang ebanghelyo ng iyong buhay?












Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...