Biyernes, Hulyo 29, 2016

Lectionary Sunday School Lesson: Colosas 3:1-11 (July31, 2016)

Dati at Bagong Buhay
Colosas 3:1-11

May kwento tungkol sa isang matandang miembro ng simbahan na nagiging munting problema sa kanilang kapilya. Kung umawit ang lalaking ito ay sobrang lakas at medyo sintonado ang kanyang boses. Marami ang hindi natutuwa sa kanyang pagkanta ng mga himno. Kung kaya, kinausap ng ibang miembro ang pastor para kausapin siya na kung maari hinaan niya ang kanyang boses tuwing umaawit.

Nakarating ang pastor sa bahay ng miembro - maputik at barung-barong ang kanyang bahay. Tulad ng dati - lumang damit ang suot ng miembro - dala ng kanyang kahirapan sa buhay. Subalit masaya siyang nadatnan ng kanyang bisita.
Gamit ang diplomasyang pananalita, kunwaring tinanong ng pastor ang miembro, "Tatay, Nanding - napansin ko na tuwing nagsisimba tayo, mukhang excited ka sa pag-awit ng mga papuri sa Diyos?"

Agad sumagot ang matanda, "Opo naman pastor! Lagi ko kasing iniisip kung ano ang naghihintay para sa akin sa langit!

Iniisip ko po na titira ako sa isang palasyo pagdating ng araw!  Magdadamit din ako ng magara pagharap ko sa Panginoon!  Nakikita po ninyo ang sombrero kong ito na sira-sira, pastor? Papalitan po iyan ng korona ng Diyos!

Kaya, hindi ko po mapigilan ang sarili ko pagdating sa pag-awit sa pananambahan. GUSTO KO PONG MAGPURI SA DIYOS!

At naunawaan ng pastor kung bakit ganoon kung kumanta ng himno si Mang Nanding. Habang nananambahan, nakatanaw sa langit ang matanda ng buong pananampalataya na siya ay makakasama ng Diyos balang araw.

A. Ang Pagiging Kristiano ay Pagkakaroon ng Bagong Pananaw  (A New Perspective)

Ayon sa talatang isa, "Binuhay kayong muli na kasama ni Cristo, kaya't ang pagtuunan ninyo ng isip ay ang mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Diyos."
Ang tunay na Kristiano ay nabubuhay sa kasalukuyan, ngunit nakatingin sa hinaharap. Nakatayo tayo sa lupa, ngunit nakatanaw tayo sa langit. May dalawang yugto ang ating buhay. Ang unang yugto ay dito sa lupa, at ito ay isang pansamantalang buhay. Ang ikalawang yugto ay sa langit, at doon, tayo ay may buhay na walang hanggan.

Mula nang tanggapin natin ang Panginoon ng ating buhay, nagsimula na tayong magkaroon ng bagong pananaw. Mula sa kadiliman, tungo sa liwanag. Mula sa kasalanan, lumalago tayo ngayon sa kabanalan. Ito ay puno ng posibilidad at pag-asa dahil binago ito ng kabutihan ng Diyos. Ito ay buhay na may bagong kahulugan - upang umibig at maglingkod sa kapwa.
Pagkatapos natin sa buhay dito, may nakahandang isa pang buhay na makalangit. Hindi pa man, nadarama na natin ang kagalakang ibubunga nito. Gamit ang mata ng pananampalataya, inaasahan natin ang gantimpalang inihanda ng Diyos doon sa kalangitan.

B. Ang Pagkakaroon ng Bagong Layunin sa Buhay
(A New Purpose)

Dati tayong nasisiyahan sa kasalanan. Nasisiyahan tayo sa mali dahil akala natin ito ay tama. May dalawang panlilinlang (deception) ang kasalanan.

a. inaakala natin na ang pagiging makasarili ay para sa sariling kapakanan o paghahanap lamang ng kasiyahan ng sarili (tulad ng pagnanasang makalaman, ang pakikiapid, kahalayan, mahalay na simbuyo ng damdamin, masasamang nasa) - kaya ginagawa natin ang mga ito. Ngunit ang totoo, ito ay nagbubunga ng kasiraan at pagkawasak ng buhay.

b. inaakala din natin na ang kasakiman ay pagsariling kasalanan lamang - ngunit ito ay isang uri ng pagsamba sa mga diyus-diyosan (idolatry).

Sabi sa v. 5, "Kaya't dapat nang mawala sa inyo ang mga pagnanasang makalaman, ang pakikiapid, kahalayan, mahalay na simbuyo ng damdamin, masasamang nasa, at ang kasakiman na isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan."

Ang dahilan kung bakit naging pagsamba sa diyos-diyusan ang kasakiman ay dahil ito ay nakapagbibigay luwalhati sa kasamaan. Ito ay ang nais ni Satanas na ating gawin, upang unahin natin ang sarili, hanggang makalimutan na natin ang Diyos.

Kapag naging Kristiano na ang isang tao, Diyos na ang nauuna sa kanyang buhay. Nagbabago pati ang kanyang priorities, dati ang sariling kapakanan, ngayon, ay ang kalooban ng Diyos.

C. Ang Pagiging Kristiano ay Pagkakaroon ng Bagong Buhay ( A New Life)
Ang totoong buhay Kristiano ay may tatlong antas;

a. unang antas ay ang pagtalikod sa kasalanan.

Sabi sa talatang 8-9, "Ngunit ngayon, itakwil na ninyo ang lahat ng galit, poot, at sama ng loob. Iwasan na ninyo ang panlalait at malaswang pananalita. Huwag kayong magsisinungaling sa isa't isa, sapagkat hinubad na ninyo ang dati ninyong pagkatao, pati ang mga gawa nito."

Hindi natin maaring yakapin ng sabay ang Diyos at ang kasalanan. Kailangan ay iisa lang ang ating pipiliin.

b. pangalawa ay ang pagsusuot ng bagong pagkatao.

Sabi sa talatang 10, "Isinuot ninyo ang bagong pagkatao na patuloy na nababago at nagiging kalarawan ng Diyos na lumikha sa inyo, upang lalo ninyo siyang makilala." Sa ibang talata sa Biblia, ito ay tinatawag na "muling kapanganakan" (Jn.3:3) o kaya ay pagiging "bagong nilalang" (2 Cor. 5:17).

c. ang pangatlo ay ang patuloy na pagunlad sa kabanalan na "nagiging kalarawan ng Diyos". Habang lumalalim ang ating "pagkilala sa Diyos", tayo ay binabago ng Panginoon hanggang lubusang makita sa ating buhay ang wangis ng Panginoon.

Kristianismo:  Ang Ating Relihiyon Kay Cristo

Ang Kristianismo ay ang tanging relihiyong itinatag ng Panginoong Jesus upang makaranas tayo ng bagong buhay. Marami ang nagtuturo na ang pagiging Kristiano ay "hindi relihiyon" kundi "relasyon sa Panginoong Jesus". Ang maling katuruang ito ay nagiging dahilan upang hindi maging tapat (loyal) ang marami sa kanilang kina-aaniban Christian denomination. Sinasabi nila na hindi kailangan ang pananatiling tapat sa samahang pangrelihiyon, kung kaya marami ang palipat-lipat ng sekta. Sinasabi ng Biblia na,

"Hindi maikakaila na napakadakila ng hiwaga ng ating relihiyon: Siya'y nahayag nang maging tao, pinatunayang matuwid ng Espiritu, at nakita ng mga anghel. Ipinangaral sa mga Hentil, pinaniwalaan ng lahat, at itinaas sa kalangitan." (1 Tim. 3:16).
Ayon din sa Santiago 1:26-27, ang salitang relihiyon ay hindi masama, sa halip ito ay tumutukoy sa tamang doktrina tungkol sa Panginoong Jesus at matibay na samahang Kristiano.

Ang Kristianismo kung gayon ay relihiyon. Ito ay samahan ng mga taong binago at naligtas bunga ng kanilang pananalig sa Panginoong Jesus. Sa relihiyong Kristiano, nabubuklod ang ibat-ibang uri ng tao sa pagkapantay-pantay at pag-kakaisa. Nawawala ang diskriminasyon, at pagkakahati sa pagitan ng kanyang mga kaanib dahil lamang sa kulay ng balat, antas ng pamumuhay at kultura.

Sabi ng talatang 11, "Kaya't sa kalagayang ito, wala nang pagkakaiba ang Griego at ang Judio, ang tuli at ang di-tuli, ang dayuhan at ang mabangis na tao, ang alipin at ang malaya. Ngunit si Cristo ang pinakamahalaga sa lahat, at siya'y nasa inyong lahat."

Linggo, Hulyo 17, 2016

Lectionary Sunday School (Colosas 2:6-15) - July 24, 2016

Wastong Pamumuhay Bilang Kristiano
Colossians 2:6-15

Nakikila ang tunay na relihiyong Kristiano sa uri ng buhay mayroon ang mga kaanib nito. Upang mas makilala tayo bilang tunay na relihiyong Kristiano, tungkulin nating lahat na kaanib ng ating iglesia ang magpakatotoo sa ating pananampalataya.  Dahil ang kasiraan ng isa ay maaring maging kasiraan ng iba. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi ng apostol sa talatang 6-7, “Sapagkat tinanggap na ninyo si Cristo Jesus bilang Panginoon, mamuhay kayo sa paraang karapat-dapat sa kanya.  Magpakatatag kayo at patuloy na lumago sa pagkakilala sa kanya. Magpakatibay kayo sa pananampalatayang itinuro sa inyo, at lagi kayong magpasalamat sa Diyos.”

Ang Buhay Natin ang Tanging Ebidensya

May isang miembro sa isang iglesia na dating nagpasasa sa ibat-ibang uri ng bisyo.  Habang lango sa alak, nagmaneho siya ng motorsiklo at naaksidente.  Wasak ang katawan at mukha, binigyan  siya ng 40% tsansang mabuhay ng mga doktor. Pagkatapos ng maraming panalangin ng iglesia, nakaligtas siya sa panganib at gumaling.  Minsan, nagpatotoo ang kapatid na ito sa oras ng pagsamba.  Isinalaysay niya ang kabutihan ng Diyos kung paano siya pinatawad at binago ng Panginoon.  At sabi niya, “Totoo po lahat ng sinabi ko sa inyo.  Ako po ay ebidensya na buhay ang Diyos.”

Kung sinasabi nating tunay na relihiyong Kristiano ang ating iglesia, hahanapin ng mga tao ang katibayan sa ating personal na buhay. Kaya dapat makita sa atin, kung ano tayo noon, at sino tayo ngayon  bilang mga anak ng Diyos. Sabi sa talatang 10, “Kaya't kayo'y ganap na sa pamamagitan ng inyong pakikipag-isa sa kanya.” Tulad din ng sabi ni Apostol Pablo sa 1 Cor. 5:17, “Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago.”

Ang Katibayan ng Ating Bautismong Kristiano

Ang bautismo ay makabuluhang ritual, subalit madalas ay inaabuso dahil sa maling pagkaunawa dito. Marami ang mga magulang na nagpapabautismo sa kanilang anak, ngunit hindi naman nila hinuhubog ang mga bata sa pananampalatayang Kristiano. Dahil dito, ang bautismo ay nawawalang ng saysay.  Ngunit ayon sa talatang 12,  “Sa pamamagitan ng bautismo, nailibing kayong kasama ni Cristo at muli rin kayong nabuhay na kasama niya dahil sa inyong pananalig sa kapangyarihan ng Diyos na muling bumuhay sa kanya.”  

Ang katibayan na Tayo ay Binago Na.

Ang bautismo, sa tunay nitong kahulugan ay ang pagkilos ng kapangyarihan ng Diyos na bumabago sa buhay ng isang makasalanan tungo sa kaligtasan.  Kung kaya, kung ipamumuhay lamang natin ang ating bautismo, at kung talagang makikita sa ating buhay na tayo ay binago ng Diyos, hindi na magdududa ang ibang tao sa ating pagka-Kristiano. Patuloy ni  Pablo sa Roma 6:4, “Samakatuwid, tayo'y namatay na at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo upang kung paanong binuhay muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo rin ay magkaroon ng panibagong buhay.”

Ang Katibayan na Tayo ay Pinatawad Na.

Ang bawat Kristiano ay nilinis na ng Panginoong Jesus ng kanyang dugo.  Ngayong pinatawad na tayo, hindi na kailangan pa ang bumalik  tayo sa pagkakasala.  Sabi nga ni Apostol Pablo sa Roma 6:1-2,
“Ano ngayon ang sasabihin natin? Patuloy ba tayong magkakasala upang sumagana sa atin ang kagandahang-loob ng Diyos? Hinding-hindi! Tayo'y patay na sa kasalanan, paano pa tayo mamumuhay sa pagkakasala?”

Ang ebidensya ng ating tinanggap na bautismo, kapatawaran at bagong bagong buhay dahil sa ating pananampalataya ay dapat makita sa ating buhay.  Kung tatalikuran natin ang Panginoon pagkatapos nating maranasan ang bagong buhay at babalik din pala tayo sa kasalanan, ayon kay Apostol Pedro, wala tayong pinagkaiba sa mga aso at baboy. Mula sa 2Pedro 2:22, ay ganito ang nasusulat, “Angkop na angkop sa nangyari sa kanila ang mga kasabihang: "Ugali ng aso, matapos sumuka ay muling kinakain ang nailuwa na,"  at, "Ito namang baboy, paliguan mo man, pilit na babalik sa dating lubluban."

Maliban sa pagtatawan na tayo at yuyurakan pa ng mga hindi mananampalataya, ang ating relihiyon ay hindi magiging kaakit-akit kung sinasabi nating tayo ay sa Panginoon, ngunit hindi naman ito nakikita sa ating buhay.

Walang perfectong Kristiano.  Ngunit mahalaga na mapatunayan natin na tayo ay nagsisikap tungo sa banal na pamumuhay.  Dahil pinili po tayo ng Diyos upang magpakabanal.

Ang Ebidensya ng Tagumpay ng Panginoon sa Ating Buhay
Ang tagumpay ng Panginoon ay nakikita sa buhay, ugali at maging sa maliliit na kilos ng isang totoong Kristiano.  Napagtagumpayan na ng Panginoon ang pagwasak sa kapangyarihan ng masama (v. 15).  Ngunit ang tagumpay na ito ay  dapat makita sa ating buhay, kung talagang kabahagi tayo sa pagliligtas ng Diyos.   Ang pananatiling lublob sa kasalanan ay katibayan na wala pa ang isang tao sa panig ng Diyos. Sabi ng verse 13, “Kayong dating patay dahil sa kasalanan, kayong mga Hentil na hindi nasasakop ng Kautusan ay binuhay ng Diyos na kasama ni Cristo. Pinatawad niya ang ating mga kasalanan.”

Mga Tanong sa Talakayan:

1. Ano ang pagbabagong tinutukoy ng Biblia ayon sa 2 Cor. 5:17?  Paano naganap ang pagbabago sa iyong buhay mula ng tanggapin mo ang Panginoon?
2. May relihiyon na walang pagbabagong buhay  at may tunay na relihiyong Kristiano na may pagbabagong buhay.  Ano ang pinakaiba ng dalawa? Kung susuriin mo ang iyong sarili ng taimtim, alin ang relihiyon mo sa dalawa?
3. Ano ang tunay na relihiyon ayon sa 1 Tim. 3:16 at James 1:27?

Sabado, Hulyo 16, 2016

Lectionary Sunday School: Colosians 1:15-28, July 17, 2016

Tunay na Relihiyon
Colossians 1:15-28

Ang iglesia ay dapat mamuhay ayon sa katotohanang nasasaad sa Biblia.   Ang saligan ng iglesia ng Diyos ay ang katotohanang ayon sa Salita ng Diyos.  Dahil dito, mahalaga na ang mga kaanib ng isang tunay na iglesia ng Panginoon ay naka-aalam ng kanyang mga doktrinang naayon sa Biblia.

Dahil ang mga taga-Colosas ay nabitag ng maling doktrina na nagsasabing dapat daw sambahin ang mga espiritu, maliban sa tunay na Diyos, sila ngayon ay itinuwid ni Pablo.   May tatlong mahalagang  doktrinang binanggit si Pablo na batayan ng tunay na relihiyon; wastong doktrina tungkol kay Cristo, tamang doktrina ng kaligtasan at tamang doktrina ng paglilingkod.

1. Wastong Doktrina Tungkol Kay Cristo
Ayon sa v. 19-20, Sapagkat minarapat ng Diyos na ang buo niyang kalikasan ay manatili sa Anak, at sa pamamagitan ng Anak, niloob ng Diyos na ang lahat ng bagay, maging sa langit o sa lupa, ay makipagkasundo sa kanya; pakikipagkasundo sa pamamagitan ng pag-aalay ng Anak ng kanyang dugo sa krus.

a. Ang Panginoong Jesus ay ang iisang Diyos (v. 19) - ang larawan ng Diyos na hindi nakikita.  Sapat na ang mga katagang ito upang patunayan na siya ang Diyos na dapat sambahin.
b. Siya ang tanging Tagapagligtas (v.20).Basahin din ang Gawa 4:12.

Sa tamang doktrina tungkol kay Cristo nakikilala ang tunay na relihiyon.  Malinaw itong ipinapahayag ng Biblia ayon 1 Timoteo 3:16. “ Hindi maikakaila na napakadakila ng hiwaga ng ating relihiyon: Siya'y nahayag nang maging tao, pinatunayang matuwid ng Espiritu, at nakita ng mga anghel. Ipinangaral sa mga Hentil, pinaniwalaan ng lahat, at itinaas sa kalangitan.”
Sabi pa ng Gal. 2:9, “Sapagkat likas kay Cristo ang buong pagka-diyos kahit na siya'y nagkatawang-tao.”

Kapag sinasabi ng ibang turo na si Jesus ay tao lamang, at ikinakaila nila na siya ay hindi naging tao, ang relihiyong ito ay huwad.  Ang tunay na relihiyon ay kumikilala na ang Anak at Ama ay iisa (Jn10:30).

2. Tamang Doktrina sa Kaligtasan
22 Ngunit sa pamamagitan ng pagkamatay ni Cristo, kayo ay ginawang kaibigan ng Diyos, nang sa gayon ay maiharap niya kayong banal, walang kapintasan at walang dungis. 23 Subalit kailangan ninyong manatiling tapat at matatag sa inyong pananampalataya at huwag pabayaang mawala ang pag-asang dulot ng Magandang Balita na inyong narinig.

Naliligtas ang lahat ng tao sa pamamagitan lamang ng pananalig sa Panginoong Jesus.  Dahil sa pananalig, binibihisan tayo ng Diyos ng bagong buhay na walang kapintasan (pinatawad) at may kabanalan.

Ngunit ito ay may kasamang babala sa talatang 23. Na, “ kailangan ninyong manatiling tapat at matatag sa inyong pananampalataya at huwag pabayaang mawala ang pag-asang dulot ng Magandang Balita na inyong narinig.”

Tulad ng talatang ito, sinasabi ng apostol na maaring mawala ang kaligtasang nakamit kapag ang isang Kristiano ay nagpabaya at muling nahulog sa buhay makasalanan.  Sa turo ng Panginoon sa Juan 15:2, “Kahit ang mga sangang nakakabit sa puno na hindi nagbubunga ay inaalis ng Diyos, at ihahagis sa apoy.”

Kahit sa ating panahon, dapat pa rin tayong mag-ingat sa pagsusuri sa mga doktrina ng mga nagsasabing “ang kaligtasan ay hindi nawawala, na sila lang ang maliligtas, na sila ang tunay na simbahang Kristiano na itinatag ni Cristo ngunit ayaw nilang kilalang Diyos ang Panginoong Jesus, at wala raw kaligtasan sa labas ng kanilang iglesia”.   Ang ganitong turo ay mula sa mga huwad na relihiyon.

3. Tamang Doktrina sa Paglilingkod
 25 “Ako'y naging lingkod nito nang piliin ako ng Diyos upang ipahayag sa inyo ang kanyang salita,”

Ang buhay Kristiano ay paglilingkod sa kapwa alang-alang sa Diyos. Inilalagay ng tunay na naglilingkod ang kapangyarihan sa kamay ng Diyos. Ang maaring maging kabaligtaran nito ay huwad na paglilingkod, ang paghanap ng pansariling kapangyarihan, salapi at papuri ng tao para sa sariling kapakanan. Sa huwad na paglilingkod, inilalagay ng tao ang kapangyarihan sa kanyang sariling kamay.

Ang buong iglesia ay dapat mamuhay sa tunay na paglilingkod sa Diyos.  At kung hindi, ang iglesia ay magiging talamak sa maling paggamit ng kapangyarihan, at salapi.   Hindi ito ang layunin ng Panginoon sa pagtatatag ng iglesia.

Ang tamang modelo ng paglilingkod ay ang halimbawa ng Panginoong Jesus na tinularan ni Pablo at ng iba pang mga apostol.  Ang sabi ng Biblia, bagamat siya ay Diyos, hindi siya nanatiling kapantay ng Diyos, kundi namuhay siya bilang alipin (Filipos 2:1-10).

Ang pagiging tunay na Kristiano ay sukatan ng pagpapakababa sa paglilingkod at hindi pataasan ng posisyon para magkamit ng kapangyarihan.  Sa ganitong paraan natin napapatunayan na tayo ay nasa tunay na iglesia ng Diyos.  Aralin natin ang mga sinasabi ng Biblia;

a. ang tunay na relihiyong Kristiano ay nakikilala sa pagtulong sa  mga mahihirap, ulila at mga balo -  Santiago 1:27

b. ang tunay na relihiyon ay kalayaan upang maglingkod - Galacia 5:13, “Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya.  Ngunit huwag naman ninyong gamitin ang inyong kalayaan upang masunod ang hilig ng laman, kundi maglingkod kayo sa isa't isa sa diwa ng pag-ibig.”

Tanong sa Talakayan

1. Bakit mahalaga ang pagkilala sa Panginoong Jesus bilang Diyos na naging tao para maging isang tunay na relihiyong Kristiano?  Ano ang nakasulat sa Juan 8:24b, “Kung hindi kayo  maniniwalang Ako'y Ako Nga, mamamatay nga kayo nang hindi pa napapatawad sa inyong mga kasalanan.”
2. Dahil ang tunay na relihiyong Kristiano ay may tamang doktrina ng kaligtasan, paano mo naranasan ang kasiguruhan ng kaligtasan?   Paano natatamo ang kaligtasan ayon sa Gawa 16:31 at Roma  10:9?
3. Bakit mahalaga ang paglilingkod bilang batayan ng tunay na relihiyong Kristiano ayon sa Santiago 1:27?  Bakit hindi sasapat ang pagsamba lamang para maging ganap na Kristiano? 

Sabado, Hulyo 9, 2016

Lectionary Sunday School - Colosas 1:1-14 (July 10, 2016)

Isang Modelong Iglesia
Colosas 1:1-14

Maaring sabihin ng iba na ang modelong iglesia ay yung malaki ang gusali, may pinakamaraming miembro at mayaman sa pananalapi. Sa Biblia, hindi ito ang pamantayan  ng Diyos sa matagumpay na iglesia.

Ang iglesia sa Colosas ay pinapurihan dahil sa pananampalataya at pag-ibig nito.

Pananampalataya at Pag-ibig (v.4)

Ang iglesiang ito ay huwaran dahil sa pananampalataya nila na may kalakip na gawa - sumasampalataya sila sa Panginoong Jesus kasabay ng kanilang pagmamahal sa kanilang kapwa.

Natutunan nila ito sa kanilang pastor, si Epafras, isang tunay na lingkod ng Diyos na hindi lamang nagtuturo ng doctrina kundi pa naman, ang application ng mga tamang turo, kalakip ng tamang gawa.  Tulad ng sabi ni Apostol  Santiago, “Ang pananampalatayang walang gawa ay patay”.

Ang pananampalatayang walang gawa at maitutulad sa pag-aaral ng theorya na walang actual training. Kapag alam ng Kristiano ang kanyang doktrina ngunit wala itong tuwirang gamit sa kanyang buhay.

Sa kabilang banda, ang puro gawa na walang  pundasyong pananampalataya sa biyaya ng Diyos ay bunga lamang ng tiwala ng tao sa sariling kabutihan (at hindi mula sa Diyos).

Dahil dito, ang iglesia sa Colosas ay tumanggap ng papuri, bunga ng tagumpay ng iglesia sa pagpapalawig ng Mabuting Balita sa mas maraming tao.

Ang Panalangin ni Pablo Para sa Iglesia

Ang kagalakang nadama ni Pablo dahil sa mabuting balitang nagaganap sa iglesia ng Colosas  ay nagbunsod lalo upang idalangin niya ang iglesia.   Aralin natin ang mga panalanging ito ng apostol;

1. Sana’y ipaunawa niya sa inyo nang lubusan ang kanyang kalooban (v.9)
Sa gabay ng Espiritu Santo, dalangin niyana maunawaan nawa ng iglesia ang kalooban ng Diyos sa halip na kalooban ng tao ang masunod sa iglesia. Sa ganitong paraan, ang iglesia ay “sasagana sa lahat ng uri ng mabubuting gawa”(v.10).

Sa madaling salita, kapag alam ng iglesia ang kalooban ng Diyos, madali itong makatutugon, sa pamamagitan ng tamang pagkilos.

Malaking kamalian kapag ang iglesia ay hindi na sumasangguni sa Espiritu Santo  sa pananalangin.  Tandaan, ang sobrang tiwala sa sariling galing ng tao ay ang pangunahing pumapatay sa iglesia.

2.  Ikalawang panalangin ay; “patatagin niya kayo sa tulong ng kanyang dakilang kapangyarihan” (v.11).

Maraming pagsubok na sinasagupa ang iglesia.  Dalangin ng apostol na “magtiis silang masaya at magtiyaga sa lahat ng bagay” (v.11)

3.  Panghuli, sinabihan sila na maging mapagpasalamat sa Diyos, a) dahil kabahagi sila sa mga pangako ng Diyos, b) naligtas na sila sa kadiliman, c) malaya na sila dahil sa kapatawaran ng Diyos sa kasalanan.

Sa bahaging ito, hinihikayat ng apostol ang iglesia na tumanaw ng malaking utang na  loob sa Diyos bilang basehan ng kanilang paglilingkod.  Na dahil sa napakalaking ginawa ng Diyos sa kanilang buhay, (ang kaligtasan, at kalayaang bunga ng pagpapatawad ng Diyos) nawa'y gagawin nila ang lahat ng paglilingkod bunga ng kanilang pasasalamat.

Mga Tanong:

1. Paano nagiging epektibo ang iglesia sa pagiging balanse ng pananalig at gawa dahil sa pag-ibig?
2. Ano ang batayan mo sa pagiging matagumpay ng iglesia lokal?
3. Ano sa palagay mo ang mga dapat pa nating idalangin sa Diyos tungkol sa ating iglesia lokal?
4. Ano ang sekretong nakikita sa paglago ng iglesia sa Colosas na maari nating tularan?
5. Paano natin nalalaman ang kalooban ng Diyos para sa iglesia?  
















Sabado, Hulyo 2, 2016

Lectionary Tagalog (Luke 10:1-11, 16-20) - Outline Message July 3, 2016

Therefore GO!

2 Kings 5:1-14; Galatians 6:(1-6), 7-16; Luke 10:1-11, 16-20

1.) Nasa Pagsunod ang Kagalingan (2 Kings 5:1-14) 

Si Naaman ay sinugo ng Hari ng Aram upang hanapin  ang kanyang  kagalingan.  Nang mabalitaan niyang ang makapagpapagaling sa kanya ay ang propeta ng Israel na si Eliseo. 

Nang makaharap ang Hari ng Israel, sinugo ng Hari ng Israel si Naaman sa propetang si Eliseo. 

Sinugo ni Eliseo ang kanyang alipin upang utusang maligo si Naaman sa Ilog Jordan.  

a) ang pananampalataya ay pagsunod
b)  ang pananampalataya ay pagpapasakop
c) ang pananampalataya ay pagtitiwala

2. ) Sinusugo ang mga Alagad (Luke 10:1-11, 16-20) 

Ang pagsugo ng Panginoon sa 70 alagad ay mahalagang maunawaan ng iglesia sa ating panahon. 

a) tayo ay tinawag
b) tayo ay sinusugo ng Panginoon
c) tayo ay may misyon. 

Sunday School : Galatia 6:1-10 (July 3, 2016)

Katangian  ng Iglesiang Kristiano
Galatia 6:1-10

Ang tunay na iglesia ay ang katawan ni Cristo. Ito ay ang kalipunan ng lahat ng mga Kristiano sa buong mundo na tinawag at pinili ng Diyos upang maging ilaw at asin ng sanlibutan.

Ang iglesia ay may mga natatanging katangian na siyang pagkilanlan sa bilang katawan ng Panginoong Jesus. Ang mga katangiang ito ang nais palakasin ni apostol Pablo sa iglesia sa Galacia. Tunghayan ang mga ito, aralin at sikaping ipatupad natin sila sa ating iglesia.

Mga Katangian ng Iglesia ng Panginoong Jesus

1. May Pinatutupad na Disiplina ang Iglesia, v. 1
Mahalaga kapag ang iglesia ay kumikilos ayon sa Salita ng Diyos. Walang perfectong simbahan, subalit ang sinasabi ng Biblia na dapat nating ituwid ang mga kamalian at hindi tayo dapat na nagbubulag-bulagan sa mga kamaliang maaring sumira sa iglesia ng Panginoon. Mahalaga ang pagtutuwid sa mga pagkakamaling moral at espiritual. Dahil sa mga pag-pagpapaalala, nakatutulong ang iglesia tungo sa kaligtasan ng mga tao. Ang layunin ay tumulong sa nagkasala at hindi manghusga ng kapwa. Ayon sa Panginoon sa Mateo 18:15-17, ang mga kapatirang nagkakasala ay dapat kausapin at ituwid.

Tulad ng isang sakit, ang kawalan ng pagtutuwid sa mga kamalian at kasalanan ay nagbubunga ng mas malaking problema. Kung ang isang tao ay may appendicitis halimbawa, kapag nagpunta sa doctor, ang manggagamot ay karaniwang nagbibigay ng prescription. Kung sakaling hindi uubra ang gamot, ay mangangailangan ng operasyon. Ang susunod na gagawin ay ang pag-aalis ng appendix upang hindi na makapanira ito sa ibang bahagi ng katawan.  Ang pagtutuwid ay kapahayagan ng malasakit. Ngunit kung ang isang kaanib ay hindi nakikinig sa turo ng Biblia at hindi tumatanggap ng pagtutuwid, siya na mismo ang manangot sa kanyang kasalanan sa Diyos.

2. Nagtutulungan ang mga kaanib, vv.2-3
Ayon sa Panginoong Jesus, malalaman ng iba na tayo ay alagad niya kung nagmamahalan tayo. Ang tunay na pagmamahalan ay nakikita sa pagkak-isa, pagtutulungan at malasakit sa kapwa Kristiano.

3. Nagsusuri sa sarili ang bawat isa, v.4-5

Dahil kabahagi tayo sa iglesia ng Diyos, inaasahan na ang bawat isa ay manatiling umuunlad sa pananampalataya. Ang sarili ngayon ang susuriin ng bawat Kristiano at hindi ang ibang tao. Hindi natin tungkulin ang hatulan ang iba. Ang taong laging namumuna sa gawain ng iba ay hindi uunlad sa kanyang pakikitungo sa kapwa.
Ang ating tungkulin ay ang suriin ang sarili kung karapat-dapat tayo sa ating paglilingkod sa Diyos. Lalong hindi tayo binibigyan ng karapat ng Panginoon na hatulan ang ating kapwa Kristiano.

4. May malasakit sa mga manggagawa
Ayonsa 1 Tim. 5:18, “Sapagkat sinasabi ng kasulatan, "Huwag mong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik." Nasusulat din, "Ang manggagawa ay karapat-dapat bayaran."

Habang hinihiling sa mga mangagawang simbahan na pagbutihin nila ang kanilang mga gawain, hinihiling din naman sa mga kapulungan na suportahan nila ang kanilang mga pastor at deaconesa. Kailangan ng mga manggagawa ang panalangin, encouragement at suportang financial.

5. Nadarama ang Pangunguna ng Banal na Espiritu
Ngunit ang sumusunod naman sa Espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan.”

Ang buhay at kalakasan ng iglesia ay nasa ilalim ng biyaya ng Diyos. Kung hindi rin ang Diyos ang siyang tunay na nangunguna sa iglesia, ang iglesia ay magiging mahina, at unti-unting mamamatay.  Ang iglesia pinangungunahan ng Espiritu ay;

a. mapanalangin
b. nagkaka-isa
c. may kaligtasan ang mga kaanib
d. nakikita sa mga miembro at mga nangunguna ang mga bunga ng Espiritu.
e. nagbabahagi ng Salita ng Diyos
f. umuunlad sa bilang at kabanalan ang mga kaanib

6. Hindi nagsasawa sa pagggawa ng mabuti sa iba.
Ang iglesia ang asin at ilaw ng sanlibutan. Kung walang kabutihang nagagawa ang iglesia sa kanyang pamayanang kinatatayuan, ito ay mawawalan ng impluensya sa kanyang kinalalagyan. Ang iglesiang walang naitutulong sa kanyang pamayanan, lalo sa kapwa miembro ay karaniwang hindi pinapansin at hindi pinahahalagaan.

Mas mabuti kung ang iglesia ay laging may ministeryo para sa mga kapatiran sa pananampalataya at gayun din sa mga hindi pa kaanib sa iglesia. Sa ganitong paraan, napapatunayan natin na tayo ay tunay na relihiyong Kristiano.

Tanong sa Talakayan:
1. Ano sa palagay mo ang tamang paraan upang ituwid ang isang nagkakasalang kapatid sa paraang hindi mahuhulog sa pagkakasala ang iba?

2. Ano pa ang kabutihang maari nating gawin upang ang iglesia ay
maging ilaw sa lugar na kanyang kinatatayuan?

3. Ano pa ang dapat nating gawin upang mapatunayan natin na tayo nga ay tunay na relihiyong Kristiano?


Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...