Huwebes, Hunyo 25, 2015

Pagbubulay Tungkol sa Panalangin

 Pagbubulay Tungkol sa Panalangin
Mateo 7:7-8

7"Humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. 8 Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan.

Ang panalangin ay mahalaga dahil ito ay isang mahalagang dugtungan ng ating kaugnayan sa Diyos. Ang lahat ng sangkap nito tulad ng pasasalamat, pagpupuri, pagtatanong sa kalooban ng Diyos at iba pa, ay kapahayagan na tayo ay nakadepende sa Diyos. Kinikilala natin sa pananalangin na wala nga tayong magagawa kung hindi tayo tutulungan ng Diyos.

Ang panalangin ay may mga antas.

ANTAS NG PANALANGING HUMIHINGI
Ang unang antas ay ang paghingi (ask). Ito ang pinakamadaling antas ng panalangin. Sa paghingi, hinihiling natin na gawaran nawa tayo ng Diyos ng mga bagay na malaya niyang ipinagkakaloob. Ang mga hinihingi ay mga biyayang kaloob ng Diyos ng libre para sa lahat.

Sino nga ba ang mga humihingi sa Diyos ng biyaya? Ang mga matuwid at mga makasalanan ay parehong dumadalangin ng ganitong uri ng panalangin. Kung ang mga ibon nga ay pinakakain ng Diyos araw-araw, maging para sa mga makasalanan ay pinasisikat ng Diyos ang araw. Malayang makakalapit ang mga humingi sa Diyos, at hindi sila mabibigo sa kanilang paghingi ng biyaya sa Diyos.

ANTAS NG PANALANGING NAGHAHANAP
Ang panalanging ito ay panalanging may paghahanap dahil ang idinadalangin ay hindi mahanap. Kailangan dito ang dagdag na paggawa. Ito ay mga pananalangin na may kasamang pagkilos.

Halimbawa, idinadalangin mo ba sa Diyos na mapuno sana ang mga upuan ng inyong iglesia dahil wala ang mga miembro? Maganda iyan! Ngunit katulong ka ba ng inyong pastor upang hanapin sila?

May mga panalangin talaga na pagkatapos mong dumulog sa Diyos, hindi niya agad-agad ipapakita ang sagot. Dahil ikaw ang maghahanap sa tugon. Ang kasagutan ay ipinagkaloob na. Ngunit katulad ito ng isang regalo, na nakabalot nang ibigay sa iyo. Kailangan mong kumilos upang makita mo ang sagot ng Diyos.

Marami pang bagay ang nangangailangan ng panalanging naghahanap. Tulad ng pagkakaisa at pag-unlad ng iglesia, panalangin para sa kaligtasang espiritual ng iyong pamilya at mga kapitbahay.

May kwento tungkol sa isang Kristianong babae na laging nananalangin para sa kaligtasang espiritual ng kanyang asawa. Lagi siyang umiiyak sa paglapit sa altar upang makakilala sa Panginoon ang asawa niya. Sa loob ng ilang buwan ng pananalangin, hindi niya nakita ang sagot, kaya nagtanong siya sa Diyos. "Panginoon, bakit hangga ngayon hindi pa rin ma-SAVE ang asawa ko? Bakit naglalasing parin? Bakit hindi mo ako pakinggan Lord?"
Tumugon daw si Lord, "Anak, matagal na akong sumagot sa panalangin mo. Ang hinihintay ko naman ay ikaw, kung kailan mo ibabahagi ang ebanghelyo sa asawa mo!!?? Kailan mo ba siya isasama sa church???"

Ito ay katulad ng minsang sinabi ni Martin Luther, "Pray as if everything depends on God, then work as if everything depends on you."

ANTAS NG PANALANGING KUMAKATOK
Ang kinakatok na pinto ay sarado na. Ang tawag ng iba sa uri ng panalanging ito ay "persevering prayer". Ito ay uri ng panalangin para sa mga sitwasyong nangangailangan ng sakrispisyo. Minsan, matinding sakrispisyo. Hindi ito dahil matigas ang puso ng Diyos. Kundi dahil sa tindi ng pangangailangan dapat tugunan ng Diyos sa pamamagitan ng ating pagkilos. Tandaan na tayo ang kamay at paa ng Diyos sa mundo.
May kwento ang Panginoong Jesus, tungkol sa isang lalaki na may dumating na bisita ng hatinggabi. Dahil wala itong maipakain sa bisita, lumapit siya sa kanyang kaibigan upang humingi ng tinapay. Ngunit sarado na ang pinto at tulog na ang pamilya ng kanyang kaibigan.

Ang isa pang kwento ng Panginoon ay tungkol sa isang abogado na hindi tinantanan ng isang ginang. Hindi rin tumigil ang babae sa pagkatok hanggang nakuha niya ang katugunan sa kanyang kahilingan.

May kwento tungkol sa isang babae mula sa South Korea na dumadalangin para maipagawa ang kanilang simbahan. Ngunit wala ng pondong salapi ang simbahan, kung kaya hindi naipagpatuloy ang pagawain. Ang ginawa ng babae, ibinenta niya ang kanyang mga mata sa isang hospital! Dahil ang halaga ng kanyang mga mata ay sapat upang matapos ang pagpapagawa ng simbahan. Nang tanungin siya ng doctor kung bakit ibinebenta niya ang kanyang mga mata, sinasabi niya sa doctor na ito ay para sa kanilang simbahan. Naantig ang damdamin ng doctor sa ginawa ng babae at hindi na natuloy ang operasyon upang kunin ang mga mata ng babae. Ang doctor na ang sumagot sa pangangailangan ng simbahan upang matapos ang pagawain. Miembro din pala ang doctor sa simbahang iyon.

May pagkakataon na ang ating kahandaan upang magsakripisyo, upang matupad ang kalooban ng Diyos, ang siyang katuparan ng ating sariling panalangin. May panalanging nangangailangan ng matinding pag-aayuno (Marcos 9:29). Maraming bayani ang humiling ng kalayaan ng kanilang bansa, at kinailangan silang magbuwis ng buhay para sa katuparan nito. Ang pagkatok ay maaaring ulit-ulit na sakrispisyo ng mga Kristiano upang mangyari ang kalooban ng Diyos dito sa lupa na para ng sa langit.

Anong antas na ang iyong pananalangin?

Nananatili ka ba sa antas ng paghingi? Magtiwala na ipagkakaloob ng Diyos ang iyong mga kailangan.  Marunong ka na bang maghanap? Kumikilos ka na ba para makita mo ang nakatagong bunga ng iyong mga panalangin?  Kaya  mo na bang kumatok? Handa ka bang kalimutan ang sarili, makita mo lamang ang kasagutan ng iyong panalangin?
Humingi, maghanap, kumatok. nakahandang tumugon ang Diyos sa panalangin.

1 komento:

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...