SIMBANG GABI 2023
Reclaiming the Gifts of Christmas (Pag-angkin sa mga Biyaya ng Pasko)
Ang mga biyaya ng Pasko ay mga kaloob ng Diyos sa atin sa pamamagitan ni Jesus na ating Panginoon at Tagapagligtas. Siya ang Diyos na nagkatawang tao upang maipakilala ang Diyos sa kabuoan. Ayon sa Biblia, “The fullness of God dwells in Him” (Jesus). Dumating ang Panginoong Jesus upang ipakilala ang Ama, at gayun ang Anak, Bilang Tagapagligtas. At ang Panginoong Jesus din ang nagbabaustismo sa mga Kristiano upang tanggapin natin ang Banal na Espiritu. Tunay na nasa kanya ang kabuoan ng pagka-Diyos.
Ang mga pamagat ng mga Sermon at mga salalayang mga talata sa Biblia ay pinili at inayos ni Dr. Carmen Scheurman ng West Pampanga District. Ang mga Sermon Titles at mga Bible Texts ay aking sinundan upang gawing mga Sermon Outlines.
Sa pamamagitan ng pagbubulay sa mga salaysay ayon Kay San Mateo, muli nating angkinin ang mga kaloob na biyaya ng Diyos dala ng pagdating ng ating Manunubos.
Tanggapin nating lahat ang kapayapaan ng Diyos. Maligayang Pasko po sa ating lahat!
Jestril Alvarado
West Pampanga District
__________________
Paalala:
Kung nais ninyong magkaloob ng pasasalamat sa sumulat nitong mga sermon outlines,
maaring magdala ng donasyon sa Gcash 09615897723, bilang tulong sa iba pang ministeryo ng West Pampanga District. – Salamat po.
___________________________________________________________________________
Sermon 1. Simbang Gabi. December 16, 2023
Pananalig: Handog Pamana ng mga Ninuno
Mateo 1:1-17
May mga taong ipinanganak na may dugong bughaw, dahil sa pamana ng kanilang mga mga ninuno. Sinasabi na ang mga apelidong Soliman, ay mga lahi ni Rajah Solayman. Hindi po ako sigurado dito, bagamat may nagsasabing ganito. Ang iba ay mayaman bago pa ipinanganak, dahil sa kanilang mga ninuno. Ang iba, sinasabi na may nagmana ng talino dahil sa genes ng kanilang mga ninuno. Gayunman, may namamana talagang bagay mula sa ugat ng mga angkan.
Ang pananampalataya sa Diyos, ay ang pinakamahalagang pamana na maaring angkinin ng isang tao mula sa kanyang mga ninuno. Sina Jose at Maria ay may salinlahi na maaring balikan upang makita nila kung ano ang pamana na mayroon sila bilang sambahayan. At ito ay ang kanilang pananampalataya sa Diyos. At gayun din naman tayo. Ang totoo, tayong lahat ay may pinanggalingang lahi ng mga mananampalataya na nagpapatuloy sa ating buhay, anggang sa mga susunod pang henerasyon. Napakahalaga na makita natin ang ating ugat ng pananampalataya, upang makilala natin ang mga nananalaytay na dugo na bumubuhay sa ating patuloy na kaugnayan sa Diyos.
Sa araw ng Pasko, ang Makapangyarihan, ang hindi-karaniwang Diyos ay naging karaniwang tao na tulad natin. Sinasabi ng Kasulatan na “Ang Salita ay naging tao at siya ay nakipamuhay kasama natin” (Jn. 1:14a). Ang Salitang tinutukoy ay “kasama ng Diyos at siya ay Diyos” (Jn. 1:1). Ang Lumikha ay nakipamuhay sa kanyang mga nilikha.
Sa pagkakatawang tao ang Diyos, siya ay napabilang sa angkan, ni Abraham at David.
Tayo, hindi kabilang ang Panginoong Jesus, ay walang karapatang mamili ng lahi kung saan tayo ipanganganak. Alangan namang, bago ka isilang e pipili ka muna ng magulang, at lahi at ilong. Kaya kung ipinanganak ka at ang ilong mo ay pango, tanggapin mo na iyan. Kung may pera ka edi ipa-opera mo na yan. Pero iyan ang ilong mo noong ipanganak ka. Iyan ang kulay mo na kaloob ng Diyos sa iyong kapanganakan.
Pero ang Diyos, bago siya ipinanganak bilang tao ay pumili siya ng isang angkan. Pumili rin siya kung sino ang kanyang magiging ina at ama. Pinili niya ang lahi ni Abraham, ni Haring David, at ang mga sumunod ay mga pari, mga hari, mga propeta at mga karaniwang tao.
Ang Mga Ninuno ng Panginoong Jesus
Tunghayan natin ngayon ang piniling angkan ng Panginoon upang mapabilang ang Diyos sa kanyang mga nilikha.
1. Una, ang pamilya ng Panginoong Jesus ay mula sa angkan ng mga taong makasalanan.
Ang kasalanan ay masaklap na katotohanan sa anomang lipi ng sangkatauhan. Wika ng Biblia, “Ang lahat ay nagkasala at walang karapat-dapat sa Diyos”. Bakit pinili ng Diyos ang pamilya ni Haring David, o ni Abraham, o ni Ruth? Hindi dahil si David at iba pa ay karapat-dapat.
Si Haring David ay nangalunya. At pinapatay niya ang inosenteng si Urias para makuha si Bathsheba. Si Abraham ay isang duwag. Para iligtas ang sarili, iniwan niya si Sarah sa kamay ng hari ng Egypt.
Si Jacob ay mapandaya. Si Rahab na dating prostitute. Si Ruth ay disente ng kaunti, pero siya ay napangasawa ni Boaz, dahil siya ay natulog sa higaan ni Boaz, nang sa gayun ay makita siya ng lalaki na handa na para masipingan. Si Ruth ay lola ni Jesus.
May alam akong bata, na lumaki sa kulungan, dahil noong ipanganak siya, nakakulong ang kanyang nanay. Wala siyang magawa di po ba? Ipinanganak siya sa pamilya ng mga makasalanan. Parang tayo.
2. Pangalawa, ang Panginoong Jesus ay ipinanganak sa angkan ng makasalanan ngunit angkan din naman na may pananalig sa Diyos.
Ang mga ninuno ng Panginoong Jesus ay mga makasalanang nakaranas ng biyaya ng Diyos. Bagamat hindi sila karapat-dapat. Sila ay mga itinuturing na mga banal sa Kasulatan man o sa mata ng Diyos dahil tinanggap nila ang kaawaan ng Diyos.
Sino ba ang mga banal? - Sila ay mga makasalanan, at tanggap nila na sila ay makasalanan. Sila ay nagsisi, at nagtamo ng kapatawaran.
Sino ang mga hindi banal? – Sila ay mga makasalanan, pero sa paniwala nila, sila ay banal.
Ang angkan ng ating Panginoong Jesus, ay lipi ng mga taong kumapit sa Diyos, sa kabila ng kanilang mga kasalanang nagawa. Sa paliwanag ng Hebreo 11, ang mga sumampalataya sa Diyos ay nagtamo ng pagkilala ng Diyos. Hindi dahil sa kanilang mabuting gawa o sariling kabanalan, kundi sa pamamagitan ng pananalig sa kabutihan at kaawaan ng Diyos.
3. Pangatlo, ang mga ninuno ng Panginoong Jesus ay nagtitiwala, umaasa at naghihintay sa pagdating ng Manunubos. Dahil ang Lumang Tipan ay puno ng mga hula tungkol sa pagdating ni Jesus. Ayon mismo sa Panginoong Jesus sa Juan 8:56, “Si Abraham mismo ay matutuwa na makita ako sa araw na ito!” Ang mga unang Israelita, mga propeta at mga lingkod ng Diyos, ay naghihintay sa pagdating ng Messias.
Lalo na ang mga ninuno ni Jesus sa pamilya ni Jose. Dahil si Jose ay kabilang sa lipi ni David.
Si Jose ay taga-Bethlehem. May pangako ang Diyos na kakalingain niya ang mga anak ni David, tulad ng isang Ama. Na ituturing niyang mga anak niya ang mga anak ni David (2Sam.7:14). Ang pag-asang ito ay hindi nawala sa mga angkan ni Haring David, sila ay patuloy na umaasa na magsusugo ang Diyos ng Messia. Sabi sa Awit 89: 3-4,
“Sabi mo, O Yahweh, isang kasunduan ang iyong ginawa kay David mong hirang
at ito ang iyong pangakong iniwan: “Isa sa lahi mo'y laging maghahari, ang kaharian mo ay mamamalagi.”
Sila ay angkan ng mga makasalanan, pinatawad at naligtas dahil sa pananalig sa Diyos. Ang pamilyang pinili para sa Panginoong Jesus ay pinagkatiwalaan upang maghari sa Israel. Sila ay pamilya ng mga naglilingkod sa Diyos, tulad ng ninuno nilang si Abraham. Tayo rin ay maaring maging pamilya ng Diyos, kung bubuksan natin ang ating mga tahanan, ang ating mga puso at buhay para sa Panginoon.
__________________________________
Sermon 2: Simbang Gabi. December 17, 2023
Handog Pamana ng mga Magulang
Mateo 1:18-21
Ano ang pagkilala mo sa iyong mga magulang? Natatandaan mo ba kung paano sila nag-aaway at nagkakasundong muli? Maiba ako ng tanong. Paano mo nga pala ipinapakita ang iyong appreciation sa kanila? Mahal mo ba ang iyong mga magulang kahit sila ay may mga pagkukulang?
Walang perpektong magulang. Kahit ang mga magulang ng ating Panginoong Jesus, ay hindi.
Sa ating salalayan sa Bibia, mababasa natin kung paano nagsimula sa pagpapamilya si Jose at Maria.
Kamuntik nang hindi matuloy ang kasal. Dahil, magkatipan pa lang sila, ay nabuntis na si Maria. At hindi si Jose ang tatay.
Ang pagiging magkatipan sa kanilang kultura ay isang taon ng paghihintay, bago ang kasal. Bawal pa ang magsiping, pero sa mata ng madla, sila ay nagkasundo na upang maging mag-asawa. Sa punto pa lamang na ito, binigkis na sila dahil sa kasunduan ng kanilang mga pamilya, bilang magkatipan. Kaya kung magkahiwalay man sila bilang magkatipan, kailangan silang dumaan sa proseso ng diborsyo.
Ito ang background ng mga magulang ng ating Panginoong Jesus, sa kanyang pagkakatawang tao.
Gusto ko sana kayong imbitahan na makinig sa Salita ng Diyos ngayon. At kung kayo ay mag-asaawa at kung may problema po kayo. May pag-asa pa. Lumapit kayo sa Diyos. Huwag po tayong gagawa ng bagay na sisira sa ating pamilya. Maging tapat sa ating kabiyak. Madalas, ang tunay na solusyon sa ating problemang mag-asawa ay tunay na pag-ibig. At minsan, tunay na pagpapatawad. Dahil kahit nagmamahal tayo ng tunay, ay maari din tayong magkulang.
Anong uri ng magulang mayroon ang Panginoong Jesus?
1. Una, sila ay may pananampalataya sa Diyos.
- Ang kanilang buhay ay nakaugnay sa Diyos.
- Si Maria ay isang babae na “kinalulugdan ng Diyos”.
- Samantalang si Jose ay “isang taong matuwid”.
- Malinaw na sila namuhay na may takot sa Diyos.
2. Masasabi rin natin, na ang mga magulang ni Jesus ay may pagsunod sa Diyos.
Hindi po madali ang sumunod sa Diyos lalo sa kalagayan nina Jose at maria. Bakit po?
Dahil ang utos ng Diyos ay magbuntis si Maria, habang siya ay dalaga pa. Maari po siyang sumpain at ikahiya ng kanyang sariling pamilya. At ang utos naman ng Diyos kay Jose, ay pakasalan si Maria, kahit alam niyang hindi siya ang ama ng bata.
Sadyang may pagkakataon, na may pinapagawa ang Diyos na mahirap gawin.
At ang tugon ni Maria, “Mangyari nawa sa akin ang kalooban ng Diyos. Ako ay lingkod ng Panginoon.”
At ang tugon ni Jose, “Pagkagising, sinunod ni Jose ang sabi ng angel, ayon sa utos ng Diyos, at pinakasalan niya si Maria.” (2.24).
Ang mga taong masunurin sa Diyos ay nagpapahalaga sa Diyos ng higit sa sarili.
• At habang lumalaki ang pagpapahalaga ng isang tao sa Diyos, nagsisimulang mamatay ang taong ito sa sarili. Tulad ng sabi St. Paul, “I no longer live. It is Christ who lives in me.” Dahil kalooban ng Diyos ang pinakamahalaga sa kanya. Ang kabuluhan ng kanyang buhay ay ang kanyang pagsunod sa Diyos. Ganun sina Jose at Maria na mga magulang ni Jesus.
Sabi ni C.S. Lewis, may dalawang klase ng tao sa mundo.
- Ang una, ay tao na nagsasabi sa Diyos, “Thy will be done.” Ikaw ang bahala Panginoon.
- Ang pangalawa, ay nagsasabi sa Diyos, “My will be done.” Wala kang pakialam. Buhay ko to.
May mga misyonero sa napakahirap puntahang lugar para lamang ipangaral ang Salita ng Diyos.
May mga nakukulong, o pinapatay dahil sa pangangaral tungkol sa Panginoong Jesus.
Ipinagamit nila ang sarili para mangyari ang kalooban ng Diyos.
Maaring ibilang sina Jose at Maria sa mga taong ito, nabuhay sila at namatay para sa Diyos.
3. Pangatlo, masasabi natin na si Jose at Maria ay may malalim na pagtitiwala sa Diyos.
May mga pagtawag ang Diyos sa mahirap na uri ng paglilingkod. Ang mga Kristiano noong unang panahon ay nakaranas ng matinding pagtitiis. Tulad ng paglalarawang nasusulat sa Pahayag 2:10, “Huwag kayong matakot sa mga paghihirap na inyong mararanasan. Tignan ninyo! Ikukulong kayo ng diablo, upang subukin. Manatili kayong tapat hanggang kamatayan, at kayo ay tatanggap ng putong ng buhay.”
Sa pagtango nina Jose at Maria sa plano ng Diyos,
• Malalagay sa kahihiyan si Jose, at pagtatawanan siya ng ibang tao.
• Maaring papatayin si Maria, at paratangan ng kasalanan ng pangangalunya.
• At alam natin na maging ang sanggol na si Jesus ay binalak ding patayin ni Herodes.
Upang iligtas ang sanggol na si Jesus, ang buhay ni Jose at Maria ay laging nasa panganib.
Salamat sa Panginoon na patuloy sa kanyang patnubay, at sila pinapunta ng Diyos sa Egypt upang maligtas. Nabuhay sila na may tiwala sa Diyos kaya sila ay manatiling ligtas sa kapahamakan.
Mababasa sa Lucas 2:43 at 48, “nagpa-iwan si Jesus ng hindi batid ng kanyang mga magulang” kaya nang makita siya, sinabi ni Maria, “Anak, hinahanap ka namin ng iyong tatay. Nag-alala kami ng husto ng tatay mo.”
Malaking pagpapala ang Panginoong Jesus para kay Maria at Jose bilang anak. Ngunit, pagpapala ring tunay sina Jose at Maria para sa Panginoong Jesus. Sila ay mabuting magulang. Pamana nila sa kanilang mga anak ang kanilang pananampalataya, pagsunod, at pagtitiwala sa Diyos.
__________________________
Sermon 3: Simbang Gabi. December 18, 2023
Paghahandog ng Diyos ng Sarili
Mateo 1:22-23
Noong nasa seminary kami ng UTS, sa chapel service, sinabihan na maghandog ng natatanging awit ang mga seminarians. Subalit noong oras na ng pagkanta, limang estudyante lamang ang tumindig. Bago ang awit, sabi nang isa, “Folks, we are 40 in the class, but only five of us made it to the altar.
But don’t worry. The rest of the class will still be singing with us—'spiritually.’ Tawanan kami ng todo sa chapel service.
Sa ating panahon, iba-iba na ang kahulugan ng salitang ‘presence’.
• Virtual presence.
Sa mga pagpupulong ngayon, o sa classroom, mayroon na ring ‘virtual presence’ o ‘online presence.’ You are absent, but still connected. Nakikinig ka at naririnig ka ng iyong mga kasama sa klase.
• Spiritual presence.
Ang Diyos ay espiritu ayon sa John 4:24, at ang Diyos nasa lahat ng dako ayon sa Jeremiah 23:23-24. Ang presence ng Diyos sa ganitong paraan ay ‘spiritual presence’. May iba-ibang paliwanag tungkol dito. Ang isa ay – nagsusugo ang Diyos ng kanyang mga espiritu, o mga angels, at sila ay nagsisilbing kamay, mata, tainga at tagapagsalita ng Diyos. O ang isa pa, ay ang paliwanag na: ang Diyos ay nasa lahat ng dako.
Sa kapanganakan ng Messias, ang Diyos ay nagkatawang tao.
Ayon sa John 1:14, “Ang Salita ay naging tao at nakipamuhay sa atin.” Dagdag pa ng 1Jn..1:1, “ang aming narinig, at aming nakita, at nahawakan ng aming mga kamay, ang Salita ng buhay, ang siyang ipinapakilala namin sa inyo.”
• Reincarnation: Ito ang malinaw na physical presence ng Diyos.
Ang mga Judio, at mga Muslim ay tulad nating mga Kristiano na naniniwala sa iisang Diyos. Subalit tayong mga Kristiano lamang ang sumasampalataya na ang ating Diyos ay nagkatawang tao. At ito ay nangyari noong ipanganak ang Panginoong Jesus. At ito ay nangyari upang ihandog ng Diyos ang kanyang sarili para sa kaligtasan ng kanyang nilikha.
Bakit kailangang pang magkatawang tao ng Diyos?
Emmanuel, Kasama natin ang Diyos.
Hindi pa ba sapat na may mga angel na nag-susumbong sa Diyos? Hmm, halimbawa, nakita ka ng angel na gumagawa ng malaswa, habang nanonood ka ng masamang panoorin. Arruy, nahuli ka ng angel mo. Isusumbong ka niya sa Diyos. At kung gumawa ka ng mabuti at na report ka sa langit. O kaya, malungkot ka at may mabigat na problem. At naramdaman mo na ang spirit ng Diyos ay malapit sa iyo. Hindi pa ba sapat iyon?
• Nagkatawang tao ang Lumikha upang tayo ay makakilala ng lubos sa Diyos.
“Ang ganap na pagka-Diyos ay nananatili sa kanya (Jesus)”, ito ay ayon sa Colosas 1:19.
At ito ay nasaksihan ng mga alagad sa itaas ng bundok noong magbago ng anyo ang Panginoong Jesus. Ayon sa patotoo ni Juan,
“Nakita namin ang kanyang kaluwalhatian.” (Jn. 1:14).
Sa mga aral at halimbawa ng Panginoong Jesus, ipinakilala niya ang Diyos Ama.
Dahil walang nakakakilala ng lubos sa Ama kundi ang Anak.
• Isa pa, naging tao ang Diyos upang mamuhay tayo na tulad niya. Sa pamamagitan ng halimbawa ng Panginoong Jesus, natuto tayo kung paano ang tamang pagpapakatao.
Ang Panginoong Jesus ang itinuturing na pangalawang Adan. Ang unang Adan ay nahulog sa pagkakasala, matapos tuksuhin ng ahas. Samantalang ang Panginoong Jesus ay tinukso ngunit hindi nagkasala. Sa halimbawa ng pagsunod sa Diyos Ama, bilang Anak, ipinakita ng Panginoon sa atin ang tamang pagtalima sa Diyos. Dahil tayo ay nilikha upang magbigay luwalhati sa Diyos. Ito ang layunin ng ating pagkatao, ang sumunod at maglingkod sa Diyos.
• Pangatlo, nagkatawang tao ang Diyos upang tayo ay maligtas tayo sa pamamagitan niya.
Ang kamatayan ni Cristo ay ang sukdulang biyaya ng Diyos para iligtas tayo mula sa ating mga kasalanan.
Hindi natin kayang lutasin ang problema ng ating mga kasalanan, dahil tayo mismo ang problema. Tayo ay makasalanan. Wala po tayong panghugas sa ating sariling kasalanan.
Tayo ay marumi. Tanging ang dugong malinis ang makapaglilinis sa atin. Kailangan ang kamatayan ng Kordero upang tumigis ang dugo.
Diyos lamang ang banal, at walang kasalanan. Kung hindi siya magkakatawang tao, hindi titigis ang kanyang dugo para sa ating kaligtasan. Siya ay nagkatawang tao upang siya ay mamatay upang iligtas tayo sa kasalanan.
Ang Pasko ay pag-aalay ng Diyos ng kanyang buhay.
Kapatid, ipinagkakaloob ng Diyos ang kanyang sarili sa iyo.
Tanggapin mo siya at pabayaan mong iligtas ka niya mula sa iyong kasalanan.
Jesus ang pangalan niya. Ibig sabihin ng kanyang pangalan, “Si Yahweh ay nagliligtas.”
Siya ang ating Tagapagligtas.
Maari po ba tayong yumuko at manalangin. Tanggapin po natin ang handog ng Diyos.
_____________________________
Sermon 4: Simbang Gabi. December 19, 2023
Ang Bunga ng Pagsunod
Mateo 1:24-25
Si Carlos P. Romulo, ang dakilang Pilipino na naging pangulo ng United Nations, ay naging magaling na mananalumpati, mula pa noong siya ay nasa highschool. Nagwagi siya sa isang patimpalak, sa highschool. Nilapitan siya ng kanyang katunggali, ngunit hindi nakipag-kamay si Carlos.
“Bakit hindi mo kinamayan si Julio?” tanong ng tatay ni Carlos. “Nagsabi siya ng laban sa akin ama, bago ang patimpalak.” Niyakap siya ng kanyang ama, na nagsabi, “Anak, turo ng lolo mo, habang tumatanda ang kawayan, lalo itong tumitibay. Pagtagal, lalo itong natututong yumuko at sumunod sa hangin.”
Sinunod ni Carlos ang utos ng kanyang ama. At ito ay nagbunga ng tagumpay sa kanyang buhay.
Ang pagsunod sa Diyos ay mabuting bagay. At sasabihin ng Panginoon, sa masunuring alipin, “Magaling! Ikaw na tapat at masunuring alipin.”
May isang kabataan ang nag-memorya ng Sampung Utos ng Diyos sa Sunday School. “Huwag kang magnanakaw, huwag kang magsisinungaling, huwag kang papatay…huwag kang mangangalunya.”
Nang magdalaga, niligawan ng isang may asawa ang kabataan. Pumatol ang dalaga. Siya ay nabuntis at iniwan ng lalaki. Alam ng kabataan ang mga utos. Ngunit hindi niya sinunod. Ito ay nagbunga ng masamang buhay sa kabataan.
Ang pagsunod ay may kaaakibat na pagpapala. Ang hindi pagsunod sa Diyos ay may kaakibat na sumpa. Kaya habang may panahon pa, sumunod na tayo sa Diyos at talikuran ang kasalanan.
Dalawang bagay ang ginawang pagsunod ni Jose ayon sa utos ng angel.
1. Ang unang ginawa niya, pinakasalan ni Jose si Maria.
Ang pag-aasawa noon ay hindi tulad ngayon. Ang ligawan noon ay sa pagitan ng mga magulang. Kapag nagkasundo na ang mga magulang, sa loob ng isang taon, ang mga ikakasal ay magka-tipan, o engaged na. Pero bawal pang magsiping. Hihintayin na lamang nila ang kasal, paglipas ng isang taon na darating.
Ngunit, hindi pa lumilipas ang isang taon, naglihi na si Maria. Wala pang kasal. At hindi sinipingan ni Jose ang kanyang katipan. Kahit hindi pa sila kasal, may bisa na ang kasunduan ng mga magulang nila. Kaya batas ng diborsyo ang paraan para sila magkahiwalay. Ito ang balak ni Jose.
Ngunit inutusan ng angel ng Diyos si Jose, sa pamamagitan ng panaginip, na ituloy niyang pakasalan si Maria. Ano ang ibig sabihin nito?
• May plano ang Diyos, at hindi ang mga pamamaraan ng tao ang gagamitin, kundi pamamaraan ng Diyos. May pamamaraan ang Diyos na mahirap unawain, kaya mahirap ding sundin.
• Ang kailangan ay pagtitiwala at pagsunod. Trust and obey. At ito ang ginawa ni Jose.
Dahil kung hindi siya magtitiwala sa Diyos, hindi siya makakasunod.
• Ang pagtitiwala sa Diyos ay hindi po bulag na pagsunod. Hindi po nangangahulugan na basta na lamang sumunod si Jose si Jose sa Diyos. Dahil ang konsepto po ng “Trust and obey” ay:
Una, kilala mo dapat ang iyong sinusunod na Diyos. Para sa mga tapat na Israelita, ang Diyos ay mabuti at tapat. Hindi uutusan ng Diyos para ipahamak. At dahil mabuti ang Diyos, laging mabuti ang layunin ng Diyos.
Pangalawa, makapangyarihan ang Diyos.
Pangatlo, ang Diyos ay nagpapala sa mga sumusunod sa kanyang mga utos.
Si Abraham ay tumalima sa Diyos, kahit hindi niya alam kung saan at kung anong uri ng lupain ang Canaan. Pero pumunta siya doon dahil sa utos ng Diyos.
Si Jonah ay pumunta sa Nineveh, kahit alam niya na kaaway ang mga tao roon. Ngunit alam niya na ang Diyos ay mapagpatawad at maawain.
Kilala ni Jose ang Diyos na kanyang sinusunod. Kahit alam niyang mahirap ang nais ipagawa ng Diyos sa kanya. Ngunit kahit mahirap, ang mga tunay na Kristiano ay sumusunod sa halimbawa ni Cristo. Lagi nating sinasabi, “Mangyari nawa Panginoong ang kalooban mo.” Thy will be done.
2. Ang pangalawang ginawang pagsunod ni Jose ay pinangalanan niyang Jesus ang sanggol.
Ang pagpapangalan ng bata ay mahalagang tungkuling magulang. Ito ay ayon sa nakikitang bukas ng magulang para sa kanyang anak. Kaya ang mga magulang ay nagbibigay ng magandang pangalan sa kanilang mga anak, dahil nais nilang magkaroon ng magandang buhay ang kanilang mga anak.
Ang pangalang Jesus ay hindi nanggaling kay Jose. Ito ay galing sa Diyos Ama, sa tunay na Ama ng sanggol.
• Ang pagsunod ni Jose na pangalanan si Jesus ng JESUS, ay pagtalima sa kalooban ng Diyos para sa bata. Nais ng Diyos Ama, na ang sanggol ay magiging Tagapagligtas ng lahat ng tao.
• Jesus, ibig sabihin, “Ang Diyos ay nagliligtas!” ito ang magiging buhay at kinabukasan ng sanggol, ang ipakilala na ang Diyos ay nagliligtas ng buhay mula sa kasalanan.
Pagsunod sa Diyos mga kapatid. Ito ay tanda na kilala natin ang Diyos. Na mahal natin ang Diyos.
Na nagtitiwala po tayo sa Diyos.
Sumunod po tayo at maglingkod sa Panginoon. Amen.
_______________________
Sermon 5: Simbang Gabi. December 20, 2023
Ang Handog na Liwanag ng Bituin Patungo sa Hari ng Pasko
Mateo 2:1-4, 7-10
Hindi pa nauuso ang mga bombilya at mga ilaw de kuryente, ay nagsisindi na ng mga kandila at ilaw gasera ang mga tao sa Europa tuwing panahon ng Pasko. Ito ay para ilawan ang mga nagsisimba ng gabi tuwing Pasko. Dahil magdadaan ang mga tao sa madidilim na lansangan patungong simbahan. Naglalabas ng mga ilawan ang mga kabahayan, upang ilawan ang mga kapwa nila Kristiano.
Ang Pasko ay panahon ng pagsasabit ng mga ilaw, ng mga parol na hugis bituin.
Ito ay pag-alala natin sa bituin ng Pasko na gumabay sa mga Pantas, upang makita nila si Jesus.
Handog na Liwanag
Hindi lahat ng panahon ay maliwanag. Laging may bahagi ang buhay na madilim.
• Para sa mga sumasampalataya sa Diyos, ang Salita ng Diyos, ang mga kasulatan ay liwanag ng Diyos sa ating daraanan. Upang hindi tayo dapat matisod o maligaw.
• Tayo mismong mga alagad ni Cristo ay inuutusan upang maging liwanag sa iba. Wika ng Panginoon, “Paliwanagin ninyo ang inyong mga ilaw, upang makita ng mga tao ang inyong mabubuting gawa. Nang sa gayon, ay papupurihan nila ang inyong Ama na nasa langit.”
• Ang Panginoong Jesus din ay nagsabi na, “Ako ang liwanag ng sanlibutan.”
Kaya ang pagiging mananampalataya ay pamumuhay sa liwanag ng Diyos. Ang liwanag na ito ay kaloob ng Diyos sa atin.
Ang Bituin
Sa paghahanap ng mga Pantas sa Messias, ginabayan sila ng Diyos ng liwanag ng bituin, patungo sa hari ng mga Judio – si Jesus. Ano ang ibig sabihin nito?
• Si Jesus (na Hari) ay anak ni David (Mat. 1:1)
• Ang bituin ay sagisag ng mga hari ng Israel, dahil sila ay angkan ni Haring David.
• Ito rin ay sagisag ng katapatan ng Diyos, ayon sa pangako ng Panginoon kay Haring David.
Nangako ang Diyos sa 2 Sam. 7:16, na magiging hari ng Israel ang mga susunod na salinlahi ni David.
Ang Mga Pantas ay Mga Hentil
Agad nating mapapansin na ang mga Pantas ay hindi mga Judio. Sila ay mga paganong mula sa silangan. Maaring Persia (Iran sa ating panahon). At sila ay may paghahangad na makita ang batang Messias, ang Hari ng mga Judio - upang kilalanin, sambahin, at handugan. May mga pagsasaliksik na ang mga Persians ay may paniniwalang tinatawag na Zoroastrian, ang kanilang propeta, si Zoroaster, ay may hula tungkol sa isang Messias, na ipapanganak sa Israel. Maaring sila ay mga Babylonians, dahil masusing pinag-aaralan ng mga Babylonians ang mga bituin. O baka sila mga Arabong mula sa disyerto. Walang katiyakan, ngunit alam natin na hindi sila mga Judio.
Mga matatalinong Hentil na kikilala sa Hari ng mga Judio? Ano ang kahulugan nito?
• Maliban sa pagiging anak ni David, si Jesus ay anak din ni Abraham. Si Abraham ay magiging pagpapala sa lahat ng bansa, ayon sa Gen. 12:3.
• Kaya inaasahan ni Mateo, na may mas maraming hindi Judio ang lalapit pa kay Jesus, tulad ng centurion, at iba pang Hentil (Mat. 8:11). “Sinasabi ko sa inyo, marami pa ang manggagaling sa silangan at kanluran ang makikisalo kay Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng langit.”
Ang Pasko kung gayon ay ang paghahari ng Messias, hindi lamang sa mga Judio, kundi pa naman, sa lahat ng tao, kahit Hentil – kung sila ay kikilala sa paghahari ng Diyos.
Halimbawa ng Mabuting Paghahandog sa Hari
Ginabayan ng liwanag ang mga Pantas patungong Bethlehem, sa bayan ni Haring David. Nakarating ang mga pantas sa bahay nina Maria, at nakita nila ang batang Jesus. Siya ay sinamba nila at hinandugan.
• Tulad ng mga Pantas, tayo rin ay ginagabayan ng Diyos sa kanyang liwanag, upang makarating tayo sa tamang pagkilala sa Panginoon.
• Inaasahan din ng Diyos ang ating pagtugon, kung paano tayo sasamba sa Hari ng Pasko matapos na tayo ay pagpalain ng buhay, talino, o ari-arian. Pinagpala tayo ng pamilya, kaibigan, iglesia at iba pa. Napakaraming pagpapala ang kaloob ng Diyos.
• At dahil ang ating Diyos ay may damdamin, naniniwala ako na kagalakan ng Diyos, maluluwalhati ang Diyos kung siya ya hahandugan natin tulad ng ginawa ng mga Pantas.
Ang araw ng Pasko ay pagkakaloob ng Diyos ng kanyang sarili, upang maging ating Tagapagligtas.
Ang araw ng Pasko ay pakikitagpo ng Diyos sa atin upang tayo ay maligtas.
O pasalamatan ninyo ang Panginoon, sapagkat siya ay mabuti.
Ang pag-ibig niya ay walang hanggan,
At nananatili!
Amen!
___________________
Sermon 6: Simbang Gabi. December 21, 2023
Bethlehem: Ang Biyaya ng Tinubuang Lupa
Mateo 2:1-6
Nakakatuwang mapanood ang mga papuri ng ibang lahi sa mga Pilipino at sa pag-appreciate nila sa ating bansa sa internet. Kinikilala nila ang Pilipinas, bilang lugar ng mga hospitable, magaganda at magaling kumanta. Sana, tayo ring mga Pilipino mismo ay makita natin ang kagandahan ng ating lupang tinubuan. Hindi lamang sa pisikal na kagandahan nito, kundi bilang isang kaloob ng Diyos sa atin. Ang ating tinubuang lupa ay biyaya ng Maykapal.
Para sa mga Israelita, sa tagpong ito, at ayon kay San Mateo, ang Bethlehem ay higit pa sa isang munting bayan lamang. Ito ay may “spiritual value” para kay Jose, at maging sa Diyos. Dahil ito ang lugar ni Haring David. Dito binuhusan ng langis ni Propeta Samuel ang ulo ng pastol, upang itanghal na Hari. At si Jose ay mula sa lipi ni Haring David.
Ayon kay San Mateo, si Jose at Maria ay naninirahan sa Bethlehem (kakaiba sa salaysay ni San Lucas, na bumisita lamang sina Jose sa Bethlehem, kaya wala silang nasilungan kundi sabsabsan). Sa version ni San Mateo, hindi sila bisita sa Bethlehem. Sila ay taga Bethlehem. Sila ay salinlahi ni Haring David, ang dakilang hari ng Israel.
Ayon sa hula na nabasa ng mga pari at magagaling sa Kasulatan na pinatawag ni Herodes, “Ikaw, Bethlehem, bayan ng Judah, ay hindi nahuhuli sa ibang bayan ng Judah, dahil mula sa iyo ang darating na maghahari, isang pastol para sa mamamayan ng Israel.”
Sa ating pagbubulay sa Simbang Gabi, nais ko kayong anyayahan na, paka-isipin po natin ang nagagawa ng Diyos, kung paano niya itinataas ang mga nasa mababang kalagayan, kung paano binabago ng Diyos ang buhay ng mga tao, gamit ang pag-alala at pagtanggap sa biyaya ng lupang tinubuan, ang bayan tinubuan ni Jesus – ang Bethlehem.
1. Una, ang Bethlehem ay nagpapa-alala sa kabutihan ng Diyos.
Bethlehem means, house of bread or of blessings.
Makagagawa ang Dakilang Diyos ng dakilang bagay, sa buhay ng mga karaniwang tao, na namumuhay sa karaniwang lupain tulad ng Bethlehem. Ang Bethlehem ay maliit at mahirap na bayan sa panahon na iyon. Ngunit dito hinubog ng Diyos ang mga hari ng Israel. Sa Bethlehem, pinagpala ng Diyos ang isang karaniwang pastol, at siya ay naging hari. Kumikilos ang Diyos sa maliit na bayang ito.
Maliit ba ang tingin mo sa sarili mo? Kinakawawa ka ba ng ibang tao? I am not asking you to “play victim”. Pero may pagkakataon talaga na bumababa ang tingin natin sa ating sarili, maaring naaawa tayo sa ating sarili, dahil may nagawa tayong kamalian, o hindi tayo nakaabot sa expectations ng iba.
Marahil panahon na para tignan natin ang ating sarili kung paano po tayo nakikita ng Diyos.
Sa halip na maawa ka sa sarili, bakit hindi alalahanin ang kabutihan ng Diyos sa buhay mo?
At ito ang inspirasyon na dala ng Bethlehem. Ito ay maliit, at mahirap, pero especial ito sa Diyos.
Pwede po bang sabihin mo sa katabi mo, “maging sino ka man, especial ka sa Diyos.”
It’s time for us to experience the goodness of God, and let God transform our lives.
Mga kapatid, ang kabutihan ng Diyos ay bumabago ng buhay.
2. Pangalawa, ang maliit na bayang Bethlehem ay simbolo ng katapatan ng Diyos.
Ang katapatan ay napapatunayan sa mga tinutupad na pangako. At nangako ang Panginoon sa Lumang Tipan, “Sa iyo Bethlehem, manggagaling ang Tagapagligtas ng Israel”.
Nakita natin na ginabayan ng Diyos ang mga Pantas patungong Bethlehem,
Hindi sa Jerusalem! Hindi sa mga palasyo! Hindi sa mga templo!
Dahil sa Bethlehem makikita ang katuparan ng pangako ng Diyos. Naroon ang batang si Jesus.
Kaya ngayong Pasko, kung talagang si Jesus ang hanap mo, balikan mo ang kabutihan at katapatan ng Diyos sa buhay mo. At doon sa Bethlehem ng iyong buhay, katagpuin mo si Jesus.
May isang tao na matagumpay sa ibang bansa. Siya ay yumaman. Naging tanyag at iginagalang.
Pero noong mag-retiro, bumalik siya sa kanyang tinubuang bayan dito sa Pilipinas. Sabi niya, dito ako unang pinagpala ng Diyos. Dito sa maliit na baryo namin, dito ko unang naranasan ang kabutihan at katapatan ng Diyos.
Kaya kapag binalikan mo ang munting Bethlehem ng iyong buhay, makakatagpo mo muli ang Diyos na una mong minahal.
3. Pangatlo, ang Bethlehem ay lalagyanan ng kadakilaan ng Diyos.
Madalas ang Diyos ay “nagtatago” at makikita lamang sa kalagayan ng mga munti, at payak na kalagayan ng buhay – tulad ng Bethlehem. Ito ay mahalagang tema sa Ebanghelyo ni San Mateo. Sa Mateo 25, sinabi ng Panginoong Jesus, “Ako ay nagutom, ako ay nakulong, at walang maisuot…” Parang sinasabi niya, “Ako ay nakatago sa mga maliliit sa lipunan, nakikita ba ninyo ako? Handa ba kayong pumunta kung nasaan ako?”
Alam ng mga pari at mga dalubhasa sa Jerusalem ang Bethlehem, (limang milya lang ang layo nito), pero hindi sila pumunta doon. Bakit? Dahil hindi sila naniniwala na lilitaw doon ang Dakilang Diyos ng Israel. Para sa mga pari, ang presensya ng Diyos ay nananatili lamang sa Jerusalem. Samantalang si Herodes ay nakatingin lamang sa kanyang sariling karangalan, sa loob ng kanyang palasyo. Pero para sa mga Pantas, sa mga uhaw sa Diyos, sa mga naghahanap sa Diyos na nagkatawang tao, handa silang pumunta sa mahirap at munting bayan ng Bethlehem. At nasaksihan nila doon ang kadakilaan ng Diyos.
Para sa iba, ang Bethlehem ng kanilang buhay ay ang lugar kung saan nila unang inimbitahan si Jesus sa kanilang puso.
May iba, na ang kanilang Bethlehem ay lugar kung saan sila tinawag ng Diyos, upang magbago. Upang maglingkod.
Sa atin pong panalangin, inaanyayahan ko kayo na balikan natin ang lugar na magpapakita sa atin,
Sa kabutihan, katapatan at kadakilaan ng Diyos.
Halina sa ating Bethlehem.
______________________________
Sermon 7: Simbang Gabi. December 22, 2023
Mga Handog Para sa Diyos na Nagkatawang Tao
Mateo 2:9-11
Totoo ba na, hindi kumpleto ang Pasko kung walang regalo? Ang Pasko ay tungkol sa pag-reregalo ng Diyos ng kanyang sarili, bilang handog sa tao, para ating kaligtasan.
Ang Pasko sa Pilipinas ay nagsisimula ng Setyembre. Gusto ito ng mga malls at department stores. Mas marami ang mamimili. Mas kikita ang mga negosyante.
Ang dahilan ay, nakasentro ang isip at paningin ng mga tao sa regalo, sa halip na sa Cristo ng Pasko.
Sa isang birthday party, dahil sa sobrang dami ng handa, agad kumain ang mga bisita, at nakalimutan nilang batiin, ipanalangin at awitan ang may birthday. Nangyayari rin ito sa birthday celebration ng Panginoong Jesus. Marami ang hindi nakaka-alala sa Diyos tuwing Pasko.
Ang mga Pantas, noong nakarating na sila sa Bethlehem,
1. Nakita nila ang Batang Hari at sinamba nila si Jesus.
It’s a great thing to honor God on Christmas. Magpunta po tayo sa church, katagpuin natin ang Panginoon. Sambahin po natin siya. Para sa mga Pantas, ito ay pambihirang pagkakataon na hindi dapat palampasin.
Ang salitang ‘Christmas’ ay mula sa dalawang salita. Christ at mass. Opo, ‘misa o pagsamba para kay Cristo.’
Kung may pinakadakilang handog na maari nating ipagkaloob sa Diyos, ito ay ang ating pagsamba.
2. Pangalawa, noong makarating na sila sa Bethlehem, sila ay naghandog ng ginto, kamanyang at mira.
• Ang ginto ay regalo ng pagkilala sa isang hari.
May maraming hari, noon at ngayon. Pero iisa ang hari ng kalangitan na bumaba sa lupa. At ito ay naunawaan ng mga Pantas. Karangalan para sa isang tulad nila ang makapaglingkod sa Panginoon.
May isang Kristiano na pinagpala ng Panginoon, at ito ay nagkaloob ng malaking halaga sa gawain ng Panginoon. Ang asawa niya ay hindi mananampalataya, at nagreklamo. “Bakit donate ka na ng donate sa church ninyo? Anong mapapala mo diyan?” reklamo ng asawa.
Sagot ng Kristiano, “Sweetheart, sa Diyos galing ang lahat ng blessings na ating tinatanggap. Ang ating donation ay pasasalamat natin sa Diyos. Kung tutuusin, kulang pa iyan.”
The Lord is honored when we recognize him as King. Gawin po nating hari ng ating buhay ang Panginoong Jesus.
• Pangalawa, binigyan siya ng kamanyang o insenso. Ito ay regalo sa pari.
Ito ay gamit ng mga pari. Nang mga taong namamagitan sa Diyos at tao.
Ayon sa Hebreo 2:17, “Kaya nga, siya ay naging katulad ng kanyang mga kapatid sa lahat ng bagay. Ito ay naganap upang siya ay maging mahabagin at tapat na Kataas-taasang Pari (High Priest) na papawi sa kasalanan ng lahat ng tao.” Ang salitang ‘priest’ ay mula sa Latin an ‘pontifex’, ibig sabihin ay ‘nagtatayo ng tulay’.
Ang Panginoong Jesus ang ating Tagapamagitan sa Diyos. Siyaay gumawa ng daan patungo sa Diyos. Dagdag pa mula sa Hebreo 7:26,
“Nararapat lamang na magkaroon tayo ng ganitong Punong Pari: banal, walang dungis, hindi mahuhulog sa tukso, hindi nakiki-ayon sa makasalanan, at itinaas sa kataas-taasang kalangitan.’”
Sa pagkilala natin sa Panginoong Jesus bilang saserdote o pari,
makakalapit tayo sa Diyos.
Magkakamit tayo ng kapatawaran at kaligtasan.
• Pangatlo, ang handog na binigay sa Panginoon ay mira. Isang uri ng pabango.
Ito ay pabango sa patay, o pambalsamo sa bangkay. Sanggol pa lamang ang Panginoon ay naroon na sa kanyang kuna ang anino ng krus. Maliit pa lamang siya ay nagbabanta na ang kamatayan.
Sa sinabi ni Simeon kay Maria, “Ang bata ay magiging punyal sa iyong dibdib.” Alam ng mga pantas na ang Batang Hari ng Bethlehem ay nabuhay para mamatay na may layunin.
Ang kanyang kamatayan ay katubusan sa marami.
Ang mga regalong handog ay pawang tumutukoy sa pagkilala ng mga Pantas kay Jesus.
Si Jesus ay Hari, Pari at Manunubos na mag-aalay ng kanyang buhay para sa kaligtasan ng sinumang mananalig sa kanya bilang Anak ng Diyos.
3. Una, sila ay sumamba. Pangalawa, sila ay naghandog. Pangatlo, sila ay patuloy na sumunod sa paggabay ng Diyos.
Tatlong bagay ang nagpapatatag sa ating relasyon sa Diyos. Pagsamba, paghahandog at pagsunod.
Alisin mo ang pagsunod at mawawalan ng kabuluhan ang pagsamba at paghahandog. Gayundin ang kung mawawala ang isa, maging pagsamba, o paghahandog. Hindi maaring bawasan ang tatlo.
Sinasabi ni San Mateo na ang mga pantas ay marunong makinig sa tuntunin ng Diyos. Ang kanilang matalas na pakikinig ay nagbigay sa kanila ng mas matalas na pag-iisip.
Pagkatapos nating magsimba at maghandog – pag-labas natin at uuwi na po tayo. Pero huwag kayong makakalimot na sumunod sa Diyos.