Pagtitipon
Tawag sa Pagsamba:
(Sasabihin ng Tagapanguna)
Ang ating tanggulan ay ang Diyos na Lumikha ng langit at lupa.
Kapulungan: Maliban na ang Diyos ang nagtayo ng tahanan,
ang ginawa ng nagtayo ay walang kabuluhan.
Himno ng Pagpupuri
*Panalangin: Lahat
Dakila at Banal na Panginoon, Diyos ka ng kaitaasan, ngunit lagi ka sa aming piling. Samahan mo po kami habang kami ay nagtitipon, upang italaga ang lupaing ito, bilang parangal sa iyong dakilang Pangalan.
Ipagkaloob mo ang iyong Banal na Espiritu sa iyong iglesia na magtitipon sa lugar na ito. At sa bawat sulok, ibuhos mo ang iyong kaluwalhatian. Puspusin mo ito ng iyong pag-ibig, upang matagpuan ka ng mga nagsisihanap sa iyo.
Sa mga magsisimba sa dakong ito, bayaan mong maranasan nila ang kapayapaan at kapangyarihan ng iyong kadiyosan. Sa kapangyarihan at kadakilaan ng aming Panginoong Jesus. Amen!
*Pagbasang Sagutan: Pagtatalaga sa Templo
(Awit 122:1-2,6-9; 2 Chron. 7:16)
Tagapanguna: Ako ay nagalak nang sabihin nila: “Pumunta na tayo sa bahay ni Yahweh.”
Kapulungan: Pinili ng Diyos at iniuukol ang Templong ito upang dito siya sambahin magpakailanman. Laging babantayan at mamahalin ng Diyos ang Templong ito magpakailanman.
Tagapanguna: Dahilan sa bahay ni Yahweh, ating Diyos,
ang aking dalangi'y umunlad kang lubos.
Kapulungan: Pinili ng Diyos at iniuukol ang Templong ito upang dito siya sambahin magpakailanman. Laging babantayan at mamahalin ng Diyos ang Templong ito magpakailanman.
*Tugon: Ang Ama'y Papurihan
Ang Ama’y papurihan, at ang Anak at ang Diwang Banal
Paghahari’y walang hanggan, ng una at ngayon man.
Walang hanggan. Amen! Amen!
Pagbasa sa Biblia:
Maigsing Mensahe:
Pagsalok ng Lupa (Breaking of the Ground)
(Sasabihin ng Pastor):
Para sa kaluwalhatian ng Panginoon, sa harapan ng kapulungang ito, ngayon ay ating bubungkalin ng lupa ng iglesiang itatag, na may pangalang The United Methodist Church, Sta. Rita, Pampanga. Ang pagtatayo nito ay ating tungkulin, at pagkakataon, upang itatag ang isang simbahan ng Diyos,
simbahan kung saan magtitipon ng mga anak ng Diyos
lugar kung saan sasambahin at pupurihin ang Panginoon,
at kung saan dadakilain ang Panginoong Jesus na ating Tagapagligtas.
(Sasalok ng lupa (gamit ang pala), ang mga piniling sponsor o maglilingkod.)
Pastor: Magtitipon ang iglesia sa lugar na ito, kung saan matututunan ng mga bata ang tungkol sa pag-ibig ng Diyos, at sila ay lalago sa biyaya at kabutihan ng Diyos at ng kapulungan.
Kapulungan: Itinatalaga namin ang lugar na ito para sa Panginoon!
Pastor: Dito magtitipon ang iglesia, at ang mga kabataan ay masayang mananalangin at maglilingkod.
Kapulungan: Itinatalaga namin ang lugar na ito para sa Panginoon!
Pastor: Sa lugar na ito, ang mga anak ng Diyos ay sasamba, at ang mga nabibigatan at may suliranin, at makakaranas ng kapahingaan at kapayapaan.
Kapulungan: Itinatalaga namin ang lugar na ito para sa Panginoon!
Pastor: Dito magtitipon ang iglesia, at dito sasambahin ang Diyos. Ang Biblia ay babasahin at ipapaliwanag upang maging buhay na Salita. At ang mga Sacramento ay ipagdiriwang, upang ang bawat buhay ay maging handog sa Diyos.
Kapulungan: Itinatalaga namin ang lugar na ito para sa Panginoon!
Pastor: Magtitipon dito ang mga anak ng Diyos, at mararanasan ang biyaya ng Diyos, sa buhay ng mga nagkakaisang magkakapatid sa Panginoon. Mararanasan ng kapulungan ang kapatawaran at bagong buhay kay Cristo. At sa pagpuspos ng Espiritu Santo, mararanasan ng kapulungan ang pagliligtas ng Diyos mula sa kasalanan.
Kapulungan: Itinatalaga namin ang lugar na ito para sa Panginoon!
Panalangin:
Panginoon na lumikha ng lupa, sumasalok kami ng lupa, bilang tanda ng iyong biyaya para sa mga anak mo na magtitipon sa lupaing ito. Itulot mo po mapagbiyaya naming Panginoon, na maitayo ang iglesia sa lugar na ito bilang papuri sa iyong kaluwalhatian. Pagpalain mo ang iyong mga anak, upang buong galak nilang itayo ang iyong bahay sambahan. Mamalagi nawa ang iyong presensya sa kanilang buhay. pagpalain mo po ang kanilang kabuhayan, at manatili kang pumapatnubay sa bawat isa. Sa pangalan ni Jesus, AMen.
Pagpapala:
Ang Diyos na Lumikha ng lahat ng bagay, ang siya nawang magkaloob ng inyong pangangailangan. Siya nawa ang maging patnubay ninyo, at magbigay sa inyo ng biyayang walang sukat, ngayon at hanggang sa walang katapusan. Amen.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento