Lenten 5. March 29, 2020
Pagbasa sa Biblia - Ezekiel 37:1-14, Juan 11:17-45; Roma 8:6-11
“Tinanong niya ako, “Ezekiel, anak ng tao, palagay mo ba ay maaari pang mabuhay ang mga kalansay na ito?” Sumagot ako, “Kayo po lamang ang nakaaalam, Yahweh.””(Ezekiel 37:3)
“Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang nagbibigay-buhay at muling pagkabuhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay; at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba sa sinabi ko?””
Juan 11:25-26 MBB05
Isang bata ang pumunta sa birthday at binigyan siya ng lobo. Masayang umuwi ang bata para sana ipakita sa kanyang tatay ang kanyang magandang lobo. Pero nang papasok na sa bahay, hindi niya napansin ang pako sa hamba ng pinto. Tumama ang lobo sa pako, at BOOOM! Pumutok ang lobo.
Agad hinipan ng bata ang lobo, ngunit hindi na ito lumobo ulit.
Sabay takbo ang bata sa kanyang tatay, at ang sabi niya habang umiiyak, "Tay, ayusin mo 'to! Ayusin mo ang lobo ko! Wahh!"
Ang karanasan natin tungkol sa COVID19 ay parang ang nangyari sa lobong pumutok. Imposible nang ibalik ang mundo sa dati. Marami na ang namatay. Hindi na maibabalik sa dati ang daigdig.
Biglang tingin parang wala ng pag-asa.
Sa ating pagbasa mula sa Biblia, tinatanong ng Diyos kung maari pang mabuhay ang mga kalansay.
Sagot ng propeta, "Kayo lamang po ang nakaka-alam Panginoon."
Natutunghayan natin ang kamatayan ng marami sa buong daigdig dahil epidemia, ang COVID19.
Diyos lamang ang nakakalam kung kailan ito titigil.
Ang ating pagbasa sa Biblia ay nag-aanyaya sa atin na magtiwala sa Diyos.
Dahil magagawa ng Diyos ang imposible.
Sa Ebanghelyo, mababasa natin ang huling pagpapakilala ni Juan kung sino si Jesus.
Sa pagpapakilala ni Juan, gamit ang mga himalang ginawa ni Jesus mula sa paggawa ng alak mula sa tubig, hanggang sa yugtong ito ng pagbuhay muli kay Lazaro, nais niyang ipakilala si Jesus sa mga Krisitiano.
1. Una, pagpapakilala kay Jesus dahil sa kanyang presensya.
Mga kapatid, hindi po iniiwan ng Diyos. Ang Diyos ay lagi nating kasama.
Malungkot na karanasan ang mamatayan ng mahal sa buhay.
Sa kalungkutang ito, mula sa pagkakasakit ni Lazaro, patuloy na nanawagan sina Martha at Maria kay Jesus.
Ang Panginoon ay tumutugon sa mga panalangin. Tulad ng paalala ni Pablo sa 1Timoteo 2:1,
“Una sa lahat, ipinapakiusap kong idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan, panalangin, pagsamo, at pasasalamat para sa lahat ng tao. Idalangin rin ninyo ang mga hari at maykapangyarihan,
upang tayo'y makapamuhay nang matahimik, mapayapa, maka-Diyos at marangal.” (1 Timoteo 2:1-2 MBB05)
Ngunit ang panalangin ay hindi lamang pakikipag-usap sa Diyos.
Ito ay pagkilala rin sa presensya ng Diyos.
Sa karanasan nina Martha at Maria, si Jesus hindi lamang tumugon, kundi siya ay dumating!
Nang masalubong ni Martha si Jesus, parang sinumbatan na niya si Jesus sa hindi nito agad pagdating. Na hindi agad tinugon ni Jesus ang pagpapagaling kay Lazaro.
Ngunit may nakalimutan si Martha. Nakalimutan niya na ang presensya ni Jesus ang kanilang kailangan, higit sa kanilang kahilingan!
Sabi ni Martha, "Panginoon, kung agad ka lang dumating..."
Wika ni Jesus, "Martha, nanditonna kao...muling mabubuhay ang kapatid mo."
Madalas ganyan din tayo. Mas gusto natin - na ibigay ng Diyos ang ating kahilingan,
kaysa ibigay ng Diyos ang kanyang presensya.
May isang nanay na matagal nagtrabaho sa Saudi Arabia. Nag request ang anak niya ng isang cellphone. Surpresang umuwi ang nanay sa birthday ng anak. Pagkakita ng dalagita sa nanay, hindi man nito niyakap ang nanay. Kundi agad niyang tanong, "Nay, dala mo ba cellphone ko?"
Mas excited pa ang anak sa cellphone kaysa sa presensya ng kanyang nanay.
Dumalangin po tayo na sa karanasan natin sa COVID19, ay maranasan natin, hindi lang ang pagtugon ng Diyos, kundi pa naman, ang presensya ng Diyos.
2. Pangalawa, nais ipakilala ni Juan sa kwento ang kapangyarihan ni Jesus.
Tulad ng lobong pumutok, kayang ayusin ng Diyos ang pinaka-imposibleng iniiyakan nating lahat -
ang kamatayan.
Pwede pa bang buhayin ang mga kalansay na iyan?
Pwede bang mabuhaymuli ang mga patay?
Sa kwento, pinabuksan ni Jesus ang libingan, at siya ay sumigaw, "LAZARO, LUMABAS KA!"
At lumabas si Lazaro, hindi bilang patay, kundi isang muling nabuhay!
Nagawa ito ng Diyos at muli niya itong magagawa para sa iyo at para sa akin.
Naniniwala ka ba? Purihin ang Diyos!
At sinabi ni Jesus ang susi para mangyari itong himalang ito sa atin.
Gusto mong mabuhay kang muli?
Gusto mong, hindi ka na mamamatay?
Wika ng Panginoon, “Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang nagbibigay-buhay at muling pagkabuhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay; at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba sa sinabi ko?”” (Juan 11:25-26 MBB05)
Ito ang kapangyarihan ni Cristo mga kapatid. Magagawa niya ang imposible para sa atin.
3. Panghuli, nais ipakita ni Juan sa kwentong ito, ang layunin ng Panginoon.
Balikan natin ang ating mga puntos - nais ipakita ng Ebanghelyo ni Juan sa kwento ang
Presensya ni Jesus
Kapangyarihan ni Jesus
At sa pangatlo, ang layunin ng Panginoon.
Ayon sa Roma 8:35, "Ano ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos?"
Gutom? Sakit? Kamatayan? Ang sagot ay HINDI!
Dahil kapag
KASAMA MO ANG DIYOS!
at
NARARANASAN MO ANG KAPANGYARIHAN NG DIYOS SA IYONG BUHAY,
Malalasap mo ang pag-ibig ng Diyos at hindi mo ito pababayaang mawala pa ito sa iyo.
Wala! Wala! Wala!
Walang makapag-hihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos.
Huwag mong pababayaan na ang karanasang ito ng COVID 19 outbreak ay maging dahilan upang panghinaan ka ng iyong pananalig.
Nais kong magwakas sa sinasabi ng ating pangatlong teksto, mula sa Roma 8:6-11.
Sa verse 11, ang sabi,
“Kung nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang muling bumuhay kay Jesu-Cristo, siya ang muling bubuhay sa inyong mga katawang mamamatay, sa pamamagitan din ng kanyang Espiritung nananahan sa inyo.”
Ang layunin ng Diyos ay malinaw, nais niya tayong bigyan ng pag-asa, sa ating muling pagkabuhay. Na
Kung Siya ay nasa atin - ang kanyang presensya bilang Espiritu ng Diyos sa ating buhay,
Kung nararanasan natin ang kanyang kapangyarihan,
Nasa atin ang kasiguruhan, na hindi tayo pababayaan ng Diyos, kahit kamatayan, magtatagumpay ang Panginoon.
Magtiwala ka sa Diyos kapatid. Amen.
---------------------------------------
Ezekiel 17:1-14
Ang pagbasa natin ngayon ay may kinalaman sa kasaysayan ng Israel noong sakupin sila ng Babylonia. Sa pangyayaring ito sa kasaysayan, ay nagpahayag ng "pangungusap" ang Diyos.
Wika ni Yahweh, "Para malaman nilang akong si Yahweh ang nagsasalita sa kanila."
Mabuting aralin natin ang background ng mga talata.
Si Nebuccadnezzar ang hari ng Babylonia (ang unang agila, v.3) na sumakop sa mga bansa kasama ang Israel.
Ang hari ng Israel ay si Jehoiachin, ang pinutol na dulong sanga sa verse 4.
Si Haring Zedekiah ang bagong tubong halaman, na pumalit kay Jeoiachin bilang hari ng Israel. Agad siyang sumikat at mabilis na nagtagumpay.
Ang pangalawang agila ay ang Hari ng Egypt, na naging ka-alyado ni Zedekiah laban kay Nebucchadnezzar.
Ang alyansa ng Egypt at Judah ay ibinagsak ng Babylonia at nagdulot pa ng mas lalong pahirap sa Israel. (Sinisimbulo ng malakas na hangin.)
Ito ang naging paghatol ng Diyos sa ginawang pagsuway ng Israel sa kasunduan ng Judah at
Babylonia, na hindi manghihimagsik ang Judah laban sa Babylonia.
Ano ang mensahe nito sa atin?
1. Mahalagang makita natin kung ano ang ikinikilos ng Diyos sa mga pangyayari sa kasaysayan.
Ang pagsakop ng Babylonia ay hindi mabuting kaganapan. Tulad ng COVID19, na ating nararanasan ngayon.
Kaya, dapat tayong magtanong;
Ano ang nais iparating ng Diyos?
Bakit nangyayari ito sa atin?
Sa pagbubulay ni Propeta Ezekiel, makikita natin na ang Diyos ay;
a. Patuloy na gumagawa para sa ikabubuti ng bayang Israel, kahit na "mukhang masama ang pangyayari". Dahil ang pagsakop ng Babylonia ay bahagi ng mabuting plano ng Diyos sa Israel.
“Ang lahat ng lupaing ito'y ipinasiya kong ibigay kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia na aking lingkod. Ibinigay ko rin ang mga hayop sa parang upang maglingkod sa kanya.” (Jeremias 27:6)
b. Nakikita ni Ezekiel na ang Diyos ay may "total control" sa mga pangyayari, kung kaya dapat magtiwala ang Israel sa Diyos.
Ang pagsakop na nangyari ay paraan ng Diyos upang iligtas ang Israel. Ang reflection na ito ni Ezekiel ay nakita rin ng ibang propeta tulad ni Jeremias (chapter 27).
“Ang sabi ni Yahweh, “Ang aking kaisipa'y hindi ninyo kaisipan, ang inyong kaparaanan ay hindi ko kaparaanan.” - (Isaias 55:8)
Ano ang sinasabi ng Diyos sa atin?
a. Ngayon, pinatigil ng Diyos ang buong mundo upang magtahimik, manalangin at magbulay.
Ang mga tao sa daigdig ay matagal ng balisa sa pagpapasasa para sa sarili. Wala na tayong inatupag kundi magtrabaho, kumita at mamili ng ating gusto, kahit hindi natin kailangan.
Ang mga bansang mayayaman ay patuloy na nagpapahirap sa mga bansang mahirap.
Ang mga tao ay patuloy na umaabuso sa kalikasan.
At bigla tumigil ang ikot ng mundo.
Hindi kaya, kinakausap tayo ng Diyos, na tignan kung ano ang nais niya para atin?
Ang tumigil tayo sumandali at pakinggan ang nais niyang iparating sa atin.
2. Nais ko pong dumako tayo sa pangalawa.
Ang tungkol sa halaga ng mga pangako. Ang pagtupad sa pangako ay tanda ng katapatan.
Sa ating talata, nabasa natin na si Jehoiachin ay gumawa ng treaty o pangako na hindi siya manghihimagsik laban kay Nebucchadnezzar. Ngunit hindi ito iginalang, dahil nakisabwatan ang Israel sa Egypt upang labanan ang Babylonia.
Dahil dito, dumanas ng pagkawasak ang Israel.
Malinaw na inilagay ng Hari ng Israel ang kahihinatnan ng bayan sa sarili niyang kamay. At hondi sa mga kamay ng Diyos.
Ang nais ng Diyos ay maging tapat ang Israel sa ginawa niyang pangako.
Ang nais ng Diyos ay manatiling nagpapakumbaba ang Israel.
Sa halip na magtiwala sa Diyos ay nagtiwala siya sa Egypt.
Ang pangako ay tanda ng katapatan.
Marami tayong pangako sa Diyos. Tinutupad ba natin ang mga ito?
Sa gitna ng kawalan ng kasiguruhan kung ano ang susunod na mngyayari, manatili nawa tayong tapat sa Diyos.
Ang Diyos ay gumagawa sa likod ng mga pangyayari.
Ang Diyos ay nanatiling tapat sa likod ng mga bagay na hindi natin nauunawaan.
Ang Diyos ay nanatiling tapat sa kanyang mga pangako.
Patuloy po tayong manalangin at magtiwala sa Diyos at umasa sa kanyang pagliligtas. Amen.
March 2, 2020
Scriptures: Genesis 12:1-4
“Sinabi ni Yahweh kay Abram, “Lisanin mo ang iyong bayan, ang tahanan ng iyong ama at mga kamag-anak, at pumunta ka sa bayang ituturo ko sa iyo.”
(Genesis 12:1 MBB05)
Pagpapala Ka Ba?
Sa paglalakbay sa buhay karanasan ng marami ang humiwalay sa magulang, at magsimulang magsarili.
Hindi madali ang tumindig sa sariling paa. Ngunit ito ay mabuting bagay.
Ito ang hamon ng Diyos kay Abram, at mabuti naman na tinanggap ni Abram ang hamon ng Diyos.
Pagsunod
Maraming tao ang takot tumugon sa panawagan ng Diyos. Hindi ito madali, ngunit ito ay mabuting bagay kung hinahanap natin ang tamang direksyon at kahulugan ng ating buhay.
Sa panawagan ng Diyos, tinuturuan si Abram na tumindig sa sariling paa. Hihiwalay siya sa kanyang mga magulang. Ang matutong tumugon sa Diyos at tumindig sa sariling paa ay hindi lamang mabunga para sa sariling tagumpay. Ito ay maghahambag ng pag-unlad kahit sa buong bansa. Dapat matutong mabuhay ang bawat tao, gamit ang kaloob ng Diyos na talino, lakas at pagsisikap.
Pagtitiwala
Itinuro ng Diyos kung saan patutungo si Abram. Bago kay Abram ang lugar na kanyang patutunguhan, ngunit siya ay nagtiwala sa Diyos.
Ang pagtitiwala sa Diyos ay magagawa lamang ng mga taong nakahandang sumunod sa Diyos. Si Abram ay sumunod dahil siya ay tiwala sa Diyos.
Mas alam ng Diyos ang makakabuti sa atin. Hindi tayo dadalhin ng Diyos sa lugar o kalagayan na makakasira sa atin. Ang panawagan ng Diyos para sa lahat ay tungo sa higit na sagana at makahulugang buhay. Tayo ay pagpapalain at gagawing pagpapala.
Pagtatagumpay
Naging matagumpay si Abram, hindi dahil sa sariling gawa, kundi dahil sa gawa ng Diyos sa kanyang buhay.
Siya ay pinagpala ng Diyos. Ngunit hindi dito nagtatapos ang kanyang tagumpay. Ang lundo ng kanyang tagumpay ay hindi ang pagtanggap niya ng pagpapala - kundi, siya ay naging pagpapala sa iba.
“Pararamihin ko ang iyong mga anak at apo at gagawin ko silang isang malaking bansa. Pagpapalain kita, at gagawin kong dakila ang iyong pangalan at ikaw ay magiging pagpapala sa marami.” (Genesis 12:2)
Nais mo bang magtagumpay?
Sumunod...
Magtiwala sa Diyos...
At maging pagpapala sa iba.
-------------
Transfiguration Sunday A - February 23, 2020
Exodus 24:12-18 • 2 Peter 1:16-21 • Matthew 17:1-9
Mayroon Pa
Sa Valladolid, Spain, kung saan pumanaw si Christopher Columbus noong 1506, nakatayo ang isang monumento bilang parangal sa dakilang manlalakbay.
Ang pambihira sa monumento ay ang leon na sumisira sa mga Latin words, na motto ng Espanya sa loob ng mahabang panahon. Bago naglayag si Columbus upang ikutin ang daigdig, ang mga Spaniards ay nag-akalang naabot na nila ang hangganan ng daigdig, kaya nasabi nila "Ne Plus Ultra," na ibig sabihin "No More Beyond" o "wala na".
Sa monumento, sinisira ng leon ang salitang "Ne" (o wala - "no") upang matira ang "Plus Ultra" (mayroon pa). Pinatunayan ni Columbus mayroon pang maaring lakbayin, mayroon pang maaring maabot.
Sa ating buhay Kristiano, ay mayroong “moment of realizations”, maaring isa o higit pang karanasan na nagbubukas ng ating isipan upang lalo makilala natin ang Diyos ng “higit pa sa dati.” Kung kaya, hindi tayo dapat tumitigil sa dati nating nalalaman. Hindi rin makakabuti kapag ang ating pagkilala sa Panginoong Jesus ay napapako sa dati nating alam. Mahalaga ang pag-unlad sa ating pagkilala sa Panginoon. Dahil ang pagkilala sa Diyos ay lumalalim at nadaragdagan habang tumatagal.
Pagbabagong Anyo ni Jesus
Ang pagbabagong anyo ni Cristo sa nakikita ng mga alagad ay halimbawa ng patuloy at umuunlad na pagpapakilala ng Diyos sa tao. Ito ay karanasan ng patuloy na pagkilala ng kanyang mga alagad, kung sino si Jesus.
Kaya, habang tumatagal ang ating paglilingkod sa Panginoon, hindi lamang dumadami ang ating nalalaman tungkol sa Biblia at sa Diyos, kundi lalong lumalalim ang ating relasyon at pagkilala sa Diyos.
Sa kabanatang ito ng Mateo, makikita natin na;
Lumalim ang Karanasan at Pagkilala ng mga Alagad Kung Sino si Jesus
Bago ang kwento ng pagbabagong anyo, nagkaroon ng pag-uusap ang Panginoon at mga alagad, “Kung sino si Jesus?” Sino ang anak ng tao ayon sa inyo? Sumagot si Pedro, “Kayo ang Cristo, ang Anak ng Diyos.” Sa pag-uusap na ito, naragdagan ang kaalaman ng mga alagad tungkol kay Jesus. Ngunit sa pag-babagong anyo, lumalim ang kanilang kaugnayan sa Panginoon. May malaking pinag-kaiba ang dalawa. Maaring marami ang alam ng isang tao tungkol sa Diyos, subalit kung hindi naman lumalalim ang kanyang kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng karanasan, nawawalan ng kabuluhan ang mga gawain para sa Panginoon.
a. personal na narinig ng mga alagad ang boses ng Diyos na nagpakilala kay Jesus, “Ito ang aking anak na kinalulugdan.”
b. personal nilang nakita ang kadakilaan ni Cristo Jesus.
c. personal nilang nakatagpo si Moises at Elias, at nasaksihan nila na buhay pa nga ang mga taong na naglingkod sa Diyos.
Makabuluhan kapag ang isang Kristiano ay may malalim na pagkakilala sa Panginoon. May pagkakataon na nagpapakilala ang Panginoong Jesus sa marami ngunit, hindi natin binibigyang pansin ang ganitong pagkakataon.
Simpleng halimbawa ang Sunday School, o prayer meeting at iba pang gawain sa iglesia. Maraming Kristano ang tamad pumunta sa mga gawaing tito, kung kaya mababaw ang kanilang nalalaman tungkol sa Panginoon, at kulang din sa lalim ang kanilang pagkilala sa Diyos.
Ang paglalim ng kanilang pananampalataya ay bunga ng kanilang personal experiences kasama si Jesus.
May isang miembro ng simbahan, ang sabi niya, “Nakakatamad magsimba. Alam ko na kasi ang sasabihin ng pastor. More than 50 years na akong nagsisimba, pero ganun parin ang Bible. Hindi nagbabago ang mga kwento. Alam ko na yan.”
Ang ganitong mga tao ay walang umuunlad na karanasan sa Diyos, kaya hindi na sila “excited” sa Diyos.
Isang church member ang nagtitinda ng piniritong mani. Sa kabila ng kanyang kahirapan, siya ay naging tapat sa Diyos sa paglilingkod. Ang pagka-uhaw niya sa Diyos ay hindi lamang para aralin ang Biblia, kundi upang lalong makilala ang Panginoong Jesus. Sinikap nila na ang bawat pagpunta nila sa kapilya ay maging karanasan ng pakikitagpo sa Diyos. Ang bawat panalangin ay karanasan ng paghipo ng Diyos sa kanilang buhay. Sa lumalalim na karanasan nila sa Diyos, ang bawat pagtitinda nila ng mani ay naging karanasan ng pagpapala ng Diyos. Lunawak ang kanilang maliit na business. Naging distributor sila ng mga nakapaketeng mani sa mga tindahan hanggang lumaki ng lumaki ang kanilang business. Sa kanilang unang pagkakaloob ng pasasalamat, nag-ikapu sila ng halagang 3million pesos sa simbahan, bilang patotoo sa naranasan nilang kabutihan ng Diyos. Sa ngayon, lalo pa silang naging excited a kanilang paglilingkod sa Diyos.
Ganito mga kapatid ang lumalalim na karanasan sa Diyos.
Lumalim ang Pagsunod ng mga Alagad Kay Jesus
Dahil siguro sa pagkabigla ni Pedro, nasabi niya, “Panginoon dito na lang tayo.“ Normal nga naman, na kapag may maganda tayong naranasan, gusto nating tumigil ang mundo, para manatili na lamang tayo sa karanasang iyon.
Noong nasa pamamasyal kami sa Israel, wala kaming ginagawa kundi pumasyal, kumain at matulog. Aba’y masarap! Nasabi ko tuloy, “Pwede bang ganito na lamang ang buhay at ganito na lamang tayo habang panahon?” Ayoko nang umuwi sa Pilipinas. May pagkakataon talaga na sa karanasan ng pagpapala, ayaw na nating magpatuloy sa paglilingkod.
Ngunit hindi ito ang plano ng Diyos. Kailangan akong bumalik sa Pilipinas upang maglingkod.
Isang kasamang pastor ang naoperhan at gumastos sila ng napakalaking halaga sa hospital. Kwento ng kapatid sa akin, “Pastor, wala po kaming ginastos sa hospital. Pambihira po ang Diyos. Nagpadala siya ng taong tumulong sa amin.”
Dagdag pa ng kapatid, “Ito po ang dahilan kung bakit lalo naming pinagbuti ang aming paglilingkod sa Diyos sa pamamagitan ng paglilingkod sa ibang tao at sa iglesia.”
Sa unang sabi ni Pedro, “Dumito na lamang po tayo sa itaas ng bundok.” Siya ay overwhelmed marahil. Ngunit nang liliman sila ng ulap at biglang nawala sina Moises at Elias, tanging si Jesus na lamang ang kanilang nakita - at ang Panginoon ay nagbalik na sa karaniwan niyang anyo! Ang buong pangitain ay naglaho, at inanyayahan sila ni Jesus na bumaba na sa mga tao upang maglingkod.
Ito mga kapatid ang nais dalhin ng Biblia sa ating kwento - ang malalim na karanasan sa Diyos ay nag-uudyok sa atin para sa mas malalim na paglilingkod! The deeper your experience with God, the deeper will be your committment to serve!
Kaya mababasa sa 2 Peter 1:16, ayon sa patotoo ni Pedro, “Hindi dahil sa mga kathang isip kaya kami sumusunod..” Hindi mga inimbentong kwento ang kanilang batayan - kundi mga malalim at totoong karanasan sa Diyos.
Kaya sa paglilingkod mo sa Diyos, hinihikayat kita kapatid, balikan mo yung mga karanasan mo sa Diyos. Balikan mo yung mga ala-ala noong magpakilala ang Diyos sa iyo. Balikan mo yung pinakamalalim na karanasan mo sa Panginoon.
Lumalim ang Pagkilala nila sa Sarili
Ang pagkilala sa Diyos ay nagbibigay din ng mas malalim na pagkilala sa sarili. Ang kwento sa pagbabagong anyo ni Jesus ay mai-kukumpara sa kwento ni Moises at ng mga Israelita sa Exodus 24:12-18.
Naranasan ng mga Israelita ang kapangyarihan ng Diyos.
Nagliwanag ang mukha ni Moises.
Naranasan ng mga Israelita kung sino ang Diyos.
Tinawag ni Moises ang mga Israelita upang tumugon sa kabutihan ng Diyos - dapat silang sumamba at maglingkod kay Yahweh.
Ngunit bilang mga sumasamba at naglilingkod sa Diyos - kailangan din silang magkaroon ng bagong pagkilala sa sarili, sila ay magiging bayan ng Diyos. Sila ay sa Panginoon na at hindi na sila mabubuhay para sa sarili. Ito ang kahulugan ng Sampung Kautusan - kailangan na nilang ituring ang sarili bilang lingkod ni Yahweh.
Natutunan ko sa aking pagbabasa na ang mga Ten Commandments ay personal na uto sa bawat isa. Ang ginamit na pronoun ay singular, “ikaw” at hindi “kayo”. Halimbawa, “Huwag kang papatay.” Ibig sabihin, ipatupad mo sa sarili mong buhay ang mga utos ng Diyos.
Tayong mga Pilipino, kapag walang nakakakita sa atin, madalas tayong lumalabag sa batas. Nagnakaw - wala namang nakakakita.
Ngunit sa diwa ng ating malalim na pagkilala sa Diyos, nagkakaroon tayo ng malalim na pagkilala sa sarili bilang anak ng Diyos. Huwag kang mananakaw...huwag kang papatay...huwag kang magsisinungaling...kahit walang nakakita sa iyo - ipatupad mo ang mga utos ng Diyos - dahil ikaw ay anak ng Diyos.
Ang kwento ng pagbabagong anyo ni Cristo ay patikim ng Diyos upang makita natin ang kadakilaan ng Panginoong Jesus.
Sa ganitong paraan, nais magpakilala pa ng Diyos sa atin sa mas malalim na paraan. Siya ay namatay para sa atin. Ito ay dahil - tayo ay kanyang minamahal. Sa kabila ng kanyang kadakilaan, siya ay ipapako sa krus dahil sa kanyang pag-ibig sa akin at sa iyo.
A pagkatapos niyang ipakilala ang kanyang dakilang pagka-Diyos sa ibabaw ng krus, inuutusan ka niya na maglingkod. Hindi mo mapaglilingkuran ang Diyos sa masarap na buhay sa ibabaw ng bundok, o loob ng iyong mansyon, o sa masarap na airconditioned na kwarto ng parsonage.
Bumaba ka kapatid at lumabas ka sa mga tao na naghihintay sa iyong paglilingkod.
Pero huwag mong kalilimutan kung sino ka - ikaw ay kabilang sa sambahayan ng Diyos. Maglingkod ka bilang anak ng Diyos.
_____________________________
Ash Wednesday 2020
Joel 2:1-2, 12-17 • 2 Corinthians 5:20b-6:10 • Matthew 6:1-6, 16-21
Humaharap tayo sa isang matinding epidenya, isang respiratory disease, na bunga ng novel (bago o new) coronavirus na unang napansin sa Wuhan City, Hubei Province, China at kasalukuyang kumakalat. Noong February 11, 2020, pinangalanan ng World Health Organization ang naturang sakit na: coronavirus disease 2019 (abbreviated “COVID-19”).
Sadyang may mga sakuna, sakit o kalamidad na hindi kayang supilin ng tao. Ang mga naniniwala sa Diyos ay hindi exempted sa mga ganitong kalamidad. Gayunman, tayo sumasampalataya na may magagawa ang Diyos sa ganitong mga mahirap na pagkakataon.
Mababasa sa Aklat ni Propeta Joel, chapter 2 ang tungkol sa pagdating ng mga salot na balang (locust). Sinira ng mga pesteng ito ang kabuhayan ng mga tao sa Israel. Inilarawan sila na parang mga sundalong sumakop sa bansa. At hindi sila napigilan ng anumang kakayanan ng tao. Ang peste ay nagbunga ng matinding tag-gutom - at kamatayan sa marami.
Tayo ay Mga Mortal na Tao
Ang mga kalamidad, epidemya at peste ay nagbubunga ng kahirapan sa tao. Ang dahilan ay dahil: tayo ay mga mortal na tao. Naapektuhan tayo sa mga sakit at gutom. At tayo ay may kamatayan.
Ito ang nais ipakilala ng Mierkoles ng Abo (Ash Wednesday). Dapat nating tanggapin ang katotohanan na tayo ay “mula sa abo, tayo ay babalik sa abo, sa alabok nanggaling, sa alabok magbababalik”. Dapat nating tanggapin na tayo ay marupok, nagkakasakit at namamatay.
Tayo ay Maaring Makiugnay sa Diyos
Bagamat tayo ay mortal na tao, na gawa lamang sa alabok, ipinapakilala rin ng Ash Wednesday na tayo ay may kaugnayan sa Diyos. Tayo na gawa sa alabok ay nakadugtong sa ating Dakilang Manlilikha.
Sa ganitong diwa nanawagan ang propeta Joel upang muling lumapit sa Diyos ang mga tao. Nananawagan ang propeta upang ang buong bayan ay manalangin.
Ang revival sa South Korea ay bunga ng matinding pananalangin na nagsimula noong 1903. Ang mga misyonero at mga Kristiano ay nagsimula ng mga pagtitipon ng pananalangin. Sa loob ng 35 taon, kahirapan ang naranasan ng bansa habang sila ay sakop ng mga Hapones. Ganito ang salaysay tungkol sa kanilang paglapit sa Diyos:
They prayed about four months, and they said the result was that all forgot about being Methodists and Presbyterians; they only realized that they were all one in the Lord Jesus Christ. That was true church union; it was brought about on the knees; it would last; it would glorify the Most High.*
Umabot ng 1907 ang pananalangin ng iglesia. Ngunit walang nakitang pagtugon ng Diyos. Hanggang ang isang church elder ay nagpahayag ng pagsisisi. Ibinulsa niya ang pera na para sa isang balo. Siya ay nagpahayag ng pagsisisi at ibinalik ang salapi. Dumami ang nagpahayag ng kanilang pagsisisi. Ang mga tao ay nagsumamo sa Diyos upang sila ay tugunin. Tulad ng ginawa ng 100 pastor na Metodista:
Just then about one hundred preachers and colporteurs of the Methodist Mission arrived in the city to study a month. The missionaries in united prayer committed this important class to the control of the Holy Spirit. They realized that it was not by might, nor by power, but by the Spirit of the Lord of hosts. They honored God, and He rewarded them by a manifestation of His presence and power at the very first meeting. In a few days crooked things were made straight. The Divine One took control.
Inuutusan tayo ng Biblia, na kung may kalamidad man o wala, kailangan tayong makipag-ugnayan sa Diyos, pamamagian ng pananalangin, pag-aayuno at sa paggawa ng kabutihan. Malinaw na sinasabi ng 2 Corinto 6:2,
“Sapagkat sinasabi niya, “Sa kaukulang panahon ay pinakinggan kita, sa araw ng pagliligtas, sinaklolohan kita.”
Makipag-ugnayan sa Diyos na Walang Pagkukunwari
at Hindi Pakitang Tao
Sa pagtatapos ng ating pagbubulay, mababasa natin ang mga turo ng Panginoong Jesus tungkol sa palangin, pag-aayuno at pagtulong sa kapwa. Ang tatlong ito ay gawain ng malalim na pakiki-ugnay sa Diyos.
Sinasabi ng Panginoon na ang pananalangin, pag-ayuno at pagtulong ay hindi dapat maging pakitang tao. Dahil ang paghahangad sa papuri ng tao ay nagreresulta lamang ng mababaw na gantimpala. Samantalang ang mabuting gawa na walang hangaring mapapurihan ng tao ay pinapapala ng Diyos.
Manatili nawa tayong nagtitiwala at umaasa sa Diyos.
______________________________
March 1, 2020
First Sunday of Lent
Matthew 4:1-11; Romans 5:12-19, Genesis 2:15-17, 3:1-7

Scriptures - Matthew 4:1-11
Ang Pagtukso Kay Jesus ng Diablo
Nais ng Diyos na magtagumpay si Jesus, at gayundin ang bawat alagad ni Cristo. Ang mga pinangungunahan ng Banal na Espiritu ay sinusundan ng Diablo upang tuksuhin. Nais mabigo ng Diablo ang bawat Kristiano.
Kaya may patibong ang Diablo upang pabagsakin ang bawat alagad, tulad ng ginawa niya kay Jesus.
1. Gawing tinapay ang bato. Gumawa ng ministeryo para sa sariling pakinabang.
Ang ministeryo ay upang palaganapin ang paghahari ng Diyos. At ito ay mangyayari kung tatalikuran ng bawat alagad ang sarili. Ang patuloy na sumunod sa Salita ng Diyos "kahit walang tinapay". Ang buhay ng alagad ay "hindi lamang sa tinapay" kundi ang pagsunod at pagbabahagi ng Salita ng Diyos.
2. Lumundag sa tuktok ng templo na hindi masasaktan.
Ito ay tukso na gamitin ang paggawa ng himala upang mamangha ang mga tao at ma-impress sa kapangyarihan ni Cristo. Ito ay tukso ng pagpapasikat upang maging tanyag.

Ang pagpapasikat sa ministeryo ay tukso. Masarap ang mapalakpakan at hangahan habang naitataas ang sarili at hindi ang Diyos. Ito ay masarap na tukso ngunit tinutulan ng Panginoong Jesus.
Mag-ingat po tayo. Baka tayo na ang nagugustuhan ng mga tao, at hindi na ang Diyos mismo. Mag-ingat sa tuksong ito.
3. Pagsamba at paglilingkod sa Diablo upang magkamit ng mas malawak na kapangyarihan.
Ang pagkamit ng mataas na posisyon ay hangad ng marami. Ngunit ang pagkamit ng kapangyarihan na magpapahamak sa sariling kaluluwa ay mapanganib.

Ang panganib sa maling paggamit ng kapangyarihan ay nabubulid sa hangad na "mapaglingkuran" sa halip na maglingkod. Ang maitaas ang sarili sa halip na maluwalhati ang Diyos.
Tinutulan ito ni Jesus dahil Diyos lamang ang dapat paglingkuran.