Ang Huling Pitong Wika
I. Unang Wika: Ang Pagpapala ng Pagpapatawad
“Ama patawarin mo sila sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa.” (Lucas 23:34)
Maraming kwento ng pamamaril sa America, sa mga paaralan, mga simbahan at iba pang lugar. May mga pangyayari na - bigla na lamang magpapapaputok ng baril ang isang kabataan at basta na lamang niyang papatayin ang sinumang makita niya.
*May nangyaring ganito sa Colorado Spring, USA. Si Matthew Murray, 24 years old ay isang kabataan na pumasok na isang Youth with a Mission Headquarters at pinatay niya ang ilang mga tao doon. Pagkatapos ay pumunta siya sa isang simbahan at napatay niya ang dalawang kabataan.
Siya ay napatay ng security guard.
Pagkatapos ng mga pangyayari, sinubukang imbitahan ng pastor ang mga Murray upang magsimba sa church na iyon. Nagatubili sila, ngunit bandang huli ay nagsimba rin ang mga magulang ni Matthew sa simbahan kung saan nakapatay at namatay ang kanilang anak.
Ang pangyayari sa office ng pastor ay kakaiba. Nagkita ang mga magulang ng mga napatay ni Matthew, at ang magulang ng pumatay. Nagkita rin ang security guard at ang magulang ni Matthew. Sa office, nagyakapan sila, humingi ng tawad, nagpatawaran sila, at nanalangin.
(*http://www.foxnews.com/story/2007/12/10/colorado-church-gunman-had-grudge-against-christian-group-cops-say.html)
Dahil ang pagpapatawad ay utos ng Panginoon. Sa Mateo 18:22,
”Sinagot siya ni Jesus, “Hindi ko sinasabing pitong beses (kayo magpatawad), kundi pitumpung ulit na pito.”
Ayon pa sa Lucas 11:4, “At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, sapagkat pinapatawad namin ang bawat nagkakasala sa amin.”
Kung uunawain natin ang mga nararamdaman ng mga biktima ng kasalanan ng iba, ito ay mabigat na utos. Sa puso ng isang biktima, sa isang banda, nais niyang maghiganti. Sa kabilang banda, nais niyang sumunod sa kanyang Panginoon.
Magpatawad o Maghiganti?
Kahit ang mga sinaunang Kristiano ay maaring nakaranas din ng magkahalong damdamin ng pagnanais na magpatawad o maghiganti. Makikita ito sa kasaysayan mismo ng ating batayan mula sa Biblia. Dahil minsan, ang Lucas 23:34 ay maaring inalis sa Biblia. Ayon sa footnote ng Magandang Balita Biblia 2005 Edition,
“Sa ibang matandang manuskripto , ang mga salitang ito ay hindi nakasulat.”*
At kung wala itong talata sa ibang kopya ng Ebanghelyo ni Lucas, ano ang maaring dahilan nito? Ano ba ang ating ibang mababasa tungkol sa damdamin ng Kristiano sa hindi makatarungang pagpatay sa Panginoon? Kung ito ay orihinal na bahagi ng Biblia, bakit kaya ito inalis ng kumopya?
1. Dumanas ng matinding kalupitan ang mga Kristiano tulad ng sinapit ng Panginoong Jesus. Mababasa sa 1 Tess. 2:14-16, na alam at dama ng mga Kristiano noong una ang kawalang katarungan ng mga Judio.
2. Sinabi rin ng Panginoon na makakaranas ng paguusig ang mga Kristiano, ayon sa Juan 16:2, mula sa kapwa nila Judio.
“Ititiwalag nila kayo sa mga sinagoga. Darating ang panahon na ang sinumang pumatay sa inyo ay mag-aakalang naglilingkod siya sa Diyos.“
Ang ganitong kalupitan ay hindi malayong magbunga ng pagnanais na makaganti. Tulad ng sinabi ni John Crysostom (Judeo Oratio) “Matapos ninyong patayin si Jesus...wala nang natitirang kapatawaran para sa inyo.”
Kahit tayo ay mga Kristiano, tayo ay nasasaktan din. Dahil hindi bato ang ating mga puso at hindi manhid ang ating damdamin.
Ngunit, may matibay ding ebidensya na ang talatang ito na naglalaman ng unang wika ay tunay na bahagi ng Biblia. At ang unang wika ay consistent sa mga turo ng Panginoong Jesus tungkol sa pagpapatawad. Walang duda na ito ay nakahanay sa mga nilalamang turo ni Lucas. Halimbawa, ang patawarin ang mga pumatay ka Esteban sa Aklat ng Mga Gawa 7:59. Ibig sabihin, tama lamang na ito ay ibinalik muli sa Biblia, bilang lehitimong bahagi ng Salita ng Diyos.
Ano ang mensahe nito sa atin?
1. Hindi natin kailangang ikaila na tayo ay nasaktan dahil sa kasalanan ng iba. Ngunit, dapat tayong magpahayag ng pagpapatawad at sumunod sa utos ng Panginoon bagamat sa una, mabigat ito sa ating kalooban dahil tayo ay nagdaramdam.
2. Si Jesus ay hindi tinanggap ng kanyang sariling bayan (Jn. 1:11), at ang mga unang Kristiano ay pinahirapan ng kapwa nila Judio. Ngunit sila ay nagpatawad. Kung ikaw ay nasaktan ng sariling kapamilya, o ng sinuman, magpatawad.
3. Magpatawad upang makamit mo ang pagpapatawad ng Diyos. Alalahanin ang sabi ng Panginoon, “Kung hindi kayo magpapatawad, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama sa langit.” (Mateo 6:15).
4. Magpatawad at bigyang kapayapaan ang sarili. Huwag mong pabayaang maging alipin ka ng pagkamuhi habang buhay. Sa Diyos ang paghihiganti ayon sa Roma 12:19.
Ang Pagpapatawad ay Isang Desisyon
Kung ikaw ay galit at nagnanais gumanti - pag-isipan mo sandali ito;
Alin ang pipiliin mong mas matinbang? Ang nararamdaman mong galit o ang utos ng Diyos na magpatawad?
II. Ikalawang Wika: Ang Pagpapala Ng Kaligtasan
"Sinasabi ko sa iyo: ngayon din ay isasama kita sa Paraiso" (Lucas 23:43)
Sa ating pagsisimula, magandang aralin natin ang kaibahan ng nilalaman ng Ebanghelyo ni San Lucas kung ikukumpara sa ibang ebanghelyo, tungkol sa kwento ng dalawang salarin na ipinako kasama ng Panginoong Jesus.
Sa Mateo 27:38; 44 / Marcos 15:27 / Juan 19:18a, - Binanggit lamang na ang dalawang salarin. Sa Mateo, pareho nilang tinuya si Jesus. Sa Lucas, may pinagkaiba ang dalawang salarin.
Mga Katangian ng Ebanghelyo ni San Lucas
Para kay San Lucas, ang kwento ng Panginoong Jesus ay naglalaman ng Mabuting Balita, kung kaya,
”Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng bansa, magmula sa Jerusalem. “(Lucas 24:47)
Ang Ebanghelyo ni San Lucas ay puno ng mga kwento ng kaawaan ng Diyos na nagpapatawad sa mga nagsisisi. Ang kwento ng nagsising salarin ay isang mabuting halimbawa ng isang nagbalik loob sa Diyos.
May isang hindi kilalang tao ang biglang nakiusap sa pastor na ipanalangin siya dahil nasa bingit na siya ng kamatayan. Ang taong ito ay hindi kailanman nagsimba. Siya ay namuhay sa pagkakasala sa buong buhay niya. Sa huling sandali, hiniling niya na siya ay ipanalangin. Nagpahayag siya ng pagsisisi at sumampalataya siya sa ginawang paglligtas ng Panginoon. Pumanaw siya pagkatapos ng ilang sandali.
Sumpa na Naging Pagpapala
Ang krus para sa mga salarin ay parusa sa kanilang pagkakasala. Ayon sa Biblia, “isinumpa ang sinumang ipapako sa krus.” (Deut. 21:22-23). Resulta ito ng kanilang maling uri ng pamumuhay. Namuhay sila sa kasalanan, at ito ay nagbunga ng kaparusahan.
Ngunit nakasama nila ang Panginoong Jesus, na pinarusahan din bagamat wala siyang anumang kasalanan.
Tamang Pagpili sa Huling Sandali
Naniniwala ako sa kasabihang ito, “Life is made up of choices and not of chances.” Para kay San Lucas, ang Diyos ay nagpapatawad hanggang sa huling sandali. Gaano man kasama ang isang tao, kapag ito ay lumapit sa Panginoon at humingi ng kapatawaran, siya ay patatawarin. Ang Aklat ni Lucas ay umaapaw sa mga kwento ng mga taong binago at pinatawad ng Diyos. Nariyan sina Maria Magdalena sa Lucas 8, sina Zaqueo sa chap. 19, ang kwenta ng alibughang anak at iba pa. Ang kwento ng salaring nagsisi ay ang tuldok ng mga kwentong ito na maarng lumapit ang isang tao sa Diyos kahit sa kanyang huling sandali, at makakaasa siya na siya ay patatawarin.
Dalawa ang salarin ngunit magkaiba ang kanilang pasya tungkol kay Jesus. Ang una, tinuya niya ang Panginoon. Alam niya ang tungkol sa Messias. At sa halip na sumampalataya, sabi ng Kasulatan,
“vTinuya rin siya ng isa sa mga salaring nakapako sa tabi niya, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at pati na rin kami.”
Ito ay maling pasya at nasayang na pagkakataon.
Ang ikalawa naman ay nagsabi ng ganito, “Ngunit pinagsabihan naman ito ng kanyang kasama, “Wala ka na bang takot sa Diyos? Ikaw ay pinaparusahan ding tulad niya! vTama lamang na tayo’y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito’y walang ginawang masama.”
Tamang Desisyon sa Tamang Pagkakataon
Kaunti na lamang ang nalalabing oras para sa dalawang salarin. Ilang sandali na lamang ay mamamatay na sila. Kasama nila sa Kalbaryo ang Tagapagligtas. Ang huling sandaling ito ay ang kanilang huling pagkakataon. Ito ay pagkakataon na sa ilang saglit ay mawawala rin.
Sa pagwika ng salarin, “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo saiyong kaharian”, pinili niya ang kapatawaran at pagliligtas ng Diyos. Tinawag niya sa pangalan ang Panginoon, ito ay tanda ng katapatan.
Ang pagkakataong ito muling ipinagkakaloob ng Diyos sa atin sa araw na ito. Wika ng Biblia sa 2 Cor. 6:2,
“Sapagkat sinasabi niya, “Sa kaukulang panahon ay pinakinggan kita, sa araw ng pagliligtas, sinaklolohan kita.”
Ngayon na ang panahong nararapat! Ito na ang araw ng pagliligtas!”
Ang Pangako ng Paraiso sa Araw Ding Iyon
Ang kahilingan ng salarin ay tinugon ng Panginoon ng isang pangako,
“Ngayun din (sa araw ding ito) ay isasama kita sa paraiso.”
1. Si San Lucas ay maingat sa pagbanggit sa mga oras at panahon. Ang pagbanggit niya ng ika-anim na oras (12nn) at ang padating na ika-siyam (9th hour / 3 pm) ay hudyat ng pagdating ng oras ng pagliligtas ng Panginoon. Ito ay sandali ng kamatayan ni Cristo na magbubunga ng kaligtasan ng mga makasalanang tulad ng salaring sumampalataya.
2. Ang paggamit niya ng “isasama kita sa araw ding ito” ay nangangahulugan din ng bagong kaugnayan ng Panginoon sa kanya bilang isang bagong alagad.
Sabi ng Panginoon sa kanyang mga alagad sa Lucas 22:28-30,
“ 28"Kayo ang nanatiling kasama ko sa mga pagsubok sa akin. v 29Kung paanong ang Ama ay nagbigay sa akin ng karapatang maghari, gayundin naman, ibinibigay ko sa inyo ang karapatang ito. v30 Kayo’y kakain at iinom na kasalo ko sa aking kaharian, at kayo’y uupo sa mga trono at mamumuno sa labindalawang lipi ng Israel.”
“Isasama kita” ito ang pagpapala ng tinanggap ng salarin sa ibabaw ng krus.
Nakatapos na po tayo sa ikalawang wika. Pero nais ko po muna kayong tanungin: masasabi po ba ninyo na ang Panginoon ay kasama ninyo ngayon? Ibig kong sabihin;
Tinanggap mo na ba ang pagliligtas ng Panginoon?
Ikaw ba ay tunay na alagad ni Cristo?
III. Ikatlong Wika: Pagpapala ng Bagong Ugnayan
"Babae, narito ang iyong anak... Narito ang iyong ina!" (Juan 19:26b-27)
Ang talatang ito ay sa Ebanghelyo ni San Juan lamang mababasa. sa Ebanghelyong ito makikita kung gaano kalapit ang Panginoon sa isang alagad na hindi pinangalanan. Iniisip ng iba na maaring siya si Apostol Juan (John the Beloved).
Ang isa pang malapit sa Panginoon ay siyempre, ang kanyang ina. Wala na ngang hihigit sa kalapitan ng isang anak sa kanyang ina.
Mahalaga ang pagkakaroon ng malapit na kaugnayan sa Diyos. Si Abraham ay minsang tinawag na kaibigan ng Diyos ayon sa Santiago 2:23,
v”Natupad ang sinasabi ng kasulatan, “Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos, at dahil dito, siya’y itinuring ng Diyos bilang isang taong matuwid,” at tinawag siyang “kaibigan ng Diyos.”
Minsan ding sinabi ng Panginoon sa mga alagad, “Hindi ko na kayo itinuturing na alagad, kundi mga kaibigan.” (Juan 15:15)
Ang Kanilang Kaugnayan Kay Cristo
Sa tagpong ito, may tatlong tauhan na nanatili sa paanan ng krus, ang tatlong Maria (Mariang ina ni Jesus, Mariang (anak ni/asawa ni?) Clopas*, at si Maria Magdalena) at ang isang alagad na hindi pinangalanan.
Sa dinami-dami ng mga alagad, sila lamang ang sinasabing nanatili upang samahan ang Panginoon sa kanyang pagdurusa. Ganoon kalalim ang pagmamahal nila sa Panginoong Jesus.
Kung ikukumpara sa salaysay ni Lucas, ang mga kababaihan ay nagmamasid lamang mula sa malayo (Lucas23:49). Gayundin ang sabi sa Marcos 15:40. Samantalang sa Juan, sila ay nasa paanan ng krus.
Ang naroon ang mga nanlilibak sa Panginoon tulad ng mga Pariseo, mga sundalo, mga dumadaang mamayan na tumutuya sa Panginoon, at ang dalawang nakapako sa krus. Ang manatili sa panig ni Jesus ay napakahirap gawin sa tagpong iyon. At maari nilang ikamatay ang pagpunta nila doon upang ipakita sa madla na sila ay mga alagad ni Cristo. Inilalarawan nitoang kanilang malapit na kaugnayan sa Panginoong Jesus.
Ang Ina at Alagad ni Jesus
Sa lahat ng naroon, pinagtuunan ng pansin ni Juan ang ina at ang alagad. Ang tinutukoy na ina ni Jesus ay walang iba kundi si Maria. Ang nakakatawag pansin sa atin ngayon ay ang pagtawag na “Babae o Ginang“ ng Panginoon sa kanyang sariling ina. Hindi ito natural o inaasahan. Ngunit ito ay inulit lamang ni Juan, dahil sa kasal sa Cana, (Juan 2:1-10) tinawag ding “Babae” ni Jesus ang kanyang ina.
Babae, ang Iyong Anak
Ang “Babae” ay inutusan ng Panginoon na tanggapin ang alagad bilang kanyang anak. Sa Aklat ng Apokalipsis, ay mayroon ding “babae” na ina ng Tagapagligtas. Ang babaeng ito ay ang bagong Israel o ang iglesia. Ang “Babae” at alagad kung gayun ay ang bagong ugnayan na itinatag ni Cristo, sa krus sa pagitan ng iglesia at ng mga alagad.
Ang hindi pinangalanang alagad ay binabanggit sa Juan 18:15. Siya ay maimpluensyang mamamayan na naging alagad na “nakakapasok kasama ni Jesus sa patyo ng pinakapunong pari”. Malinaw na hindi siya kabilang sa labing dalawa. Dahil kahit si Pedro ay hindi nakasunod sa kanya sa loob ng patyo ng punong pari. Maaring kayang ito ay si Joseng Tiga-Arimathea o si Nicodemo kaya? Malinaw na siya ay tinanggap na bagong alagad habang nakapako sa krus ang Panginoon.
Ang nasabing alagad ay ibinigay ni Cristo sa “ina” bilang bagong ugnayan ng mga alagad na mag-iingat sa iglesia. Ibig sabihin, doon pa sa Kalbaryo ay mayroon ng bagong alagad si Jesus na dapat kupkupin ng iglesia upang ituring silang anak, bagamat sila ay dating nasa panig pa ng mga pumatay kay Jesus tula ni Nicodemo o Joseph of Arimathea..
Ano ang kahulugan ng bagong ugnayan?
Ang ina ni Jesus sa Ebanghelyo ni Juan ay sumisimbolo sa iglesia, na mag-iingat sa mga dati at bagong alagad bilang ina. At gayun din, ang alagad sa paanan ng krus, ay sumisimbolo sa mga bagong Kristianong nagpapakita ng katapatan sa Panginoon na arugain ang iglesia bilang kanilang bagong ina. Ang bagong kaugnayang ito ay sa antas na espiritual bilang mga alagad ni Cristo.
Ang mga kaanib sa komunidad ni Juan (Johanine Community) ay hindi ipinanganak sa laman (Juan 3:6-8). Kung kaya, ang kwentong ito ay hindi maaring tungkol sa ina at anak dito sa lupa. Ito ay espiritual na pamumuhay sa bagong kaugnayan sa iglesia. Ang kaugnayang ito ay pinatitibay ng Espiritu Santo, na nagkakaloob sa atin ng bagong kapanganakan. At ito ang ating katibayan na tayo ay mga anak ng Diyos. Sabi nga ni Cyprian of Carthage(3rd century AD): “You cannot have God as your Father unless you have the church for your Mother.”
Ina, ang Iyong Anak (Pagiging Ina ng Iglesia sa Mga Kaanib)
Ang iglesia ay lugar ng bagong kapanganakan ng mga taong nagbabagong buhay. Si Nicodemo at Joseph of Arimathea ay halimbawa ng mga taong miembro ng Sanhedrin. Sila ay may kapangyarihan ngunit naging tagasunod ng Panginoon. si Nicodemo ay pinuno ng mga Pariseo, at naroon siya sa libing ng Panginoong Jesus (John 19:39). Sinasabi rin sa Gawa 6:7 na maraming pari sa templo ng Jerusalem ang naging Kristiano.
Ang Centurion na nakasaksi sa kamatayan ng Panginoon ay kumilala rin habang nakabayubay sa krus si Jesus.
At bandang huli, si Pablo na dating umuusig sa iglesia ay kinatagpo rin ng Panginoon. At inutusan ng Panginoon upang puntahan siya ni Ananias. Takot si Ananias dahil inuusig ni Saulo ang iglesia noon. Gayunman, siya ay sumunod sa utos ng Panginoon,
“Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Pumunta ka roon, sapagkat pinili ko siya upang ipangaral ang aking pangalan sa mga Hentil, sa mga hari, at sa mga anak ng Israel.”
1. Bilang ina, tungkulin natin ang dalawang bagay, manganak - manghikayat ng bagong kaanib.
2. Gayundin ang magdisipulo, ang gumabay sa bawat alagad upang lumago at maging kagamit-gamit sa paglilingkod.
Anak, ang Iyong Ina (Pagiging Anak ng mga Alagad sa Iglesia)
Ang bilang alagad ay pagtanggap ng bagong tungkulin upang alagaan ang iglesia at palaguin ito. Tulad ng pag-aaruga sa ina sa laman, ang bawat alagad ay nararapat kumuha ng bahagi upang ang iglesia ay lumago (Efeso 4:16).
Ang kamatayan nI Jesus ay hudyat ng pagsisimula ng paglago ng iglesia, dahil ang mga nakasaksi sa kanyang kamatayan at muling pagkabuhay ay nagsimulang sumampalataya.
Gaya ng kanyang sinabi sa mga alagad, “At kung paanong itinaas ni Moises ang tansong ahas doon sa ilang, gayundin naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. “ (Juan 3:14-15)
IV. Ika-apat na Wika: Pagpapala ng Matatag na Kaugnayan sa Diyos
"Eli, Eli, lama sabach-thani?" ibig sabihi'y "Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?"
(Mateo 27:46b; Marcos 15:34; Mateo 27:46b)
Hanggang saan ang pagtitiwala mo sa Diyos?
Isang pastor ang nagkaroon ng cancer at tinanong niya ang Diyos kung bakit. Ayon sa kanyang patotoo sumagot ang Diyos sa kanyang kalooban ng isa ring tanong,
"Anak, hanggang saan ang pagtitiwala mo sa akin?"
May mga tanong sa buhay na walang madaling paliwanag.
Ang kamatayan ng isang mabuting tao, ang biglang pagkakasakit ng isang mabuting pastor, ang pagkakasunog ng isang kapilya...etc.
Isang aklat ang sinulat ng isang Judiong pastor, "When Bad Things Happen to Good People" dahil namatay ang anak niya sa sakit na "progeria", mabilis na pagtanda, walang kagamutan at nauwi sa tiyak na kamatayan. Napuno ng pagtatanong ang kanyang buhay...ng mga “bakit” sa Diyos.
Si Jesus man ay nagtanong ng "bakit" sa Ama.
May isang uri ng suffering na pinapayagan ng Diyos dahil mayroon siyang mas makabuluhang dahilan. Ito ay ang mga tinatawag na “Meaningful sufferings.”
a. may mga bagay na mahirap unawain, na maaring ipagawa sa atin ang Diyos para sa kabutihan ng mas nakakarami. Halimbawa rito ang mga sakripisyo ng mga bayani, o sakripisyo ng isang magulang para sa anak.
b. May bagay din na masakit / mahirap tanggapin o ipaliwanag, na pinapahintulutan ng Diyos sa buhay natin at Diyos lang nakaka-alam kung bakit. Maiintindihan din natin ito katagalan. Halimbawa ang buhay ni Jose sa Genesis.
Subalit may mga “Meaningless Sufferings” din.
May mga paghihirap na bunga ng kawalan ng katarungan, o kasalanan na nagdudulot ng pang-aapi, paghihirap ng marami ay hindi naman kalooban ng Diyos at matatawag nating "meaningless suffering". Sakripisyo sila na walang mabuting bunga. Ang ganitong paghihirap ay taliwas sa nais ng Diyos.
Ang naganap sa buhay ng Panginoong Jesus ay isang “meaningful suffering”. Gumawa siya ng sakripisyo para sa ikabubuti ng lahat ng tao. Ang hindi pagsagot ng Ama sa kanyang mga “bakit” ay, pansamantala lamang. Dahil ang dulo ng kanyang sakripisyo ay tagumpay para sa Diyos.
Alam ni Jesus ang sagot sa kanyang tanong. Kaya sa pananahimik ng Ama, lubos pa rin ang kanyang pagtitiwala.
Ang salitang ito ay may kinalaman sa Awit 22. Ito ay awit o panalangin na nagsimula sa pagtatanong sa Diyos at nagwakas naman sa pagtitiwala sa katapatan ng Panginoon.
Kung uutusan ka ng Diyos na dumaan sa mahirap na sakripisyo alang-alang sa ikabubuti ng marami, susunod ka ba at magtitiwala sa pansamantalang pananahimik ng Diyos?
Bilang alagad ni Cristo, huwag sana tayong matatakot na humarap sa mga sakripisyo ng paglilingkod. Huwag nating pababayaang manghina ang ating pananampalataya. Tapat ang Diyos at matuwid. Hindi niya bibitawan sa ere ang kanyang mga lingkod.
Ang Diyos, bagamat minsan ay nanahimik, ay mananatiling tapat. Hindi kailanman tatlikuran ng Diyos ang sinumang hindi tatalikod sa kanya sa gitna ng mga pagsubok.
Kung kaya ang wakas ng Awit 22 ay panalangin ng pagpupuri at pagtatagumpay, sa kabila ng paghihirap at pag-iisa.
Kapag tayo ay sumusunod sa Diyos sa kanyang panawagan upang magsakripisyo para sa ikabubuti ng mas marami, darating din tayo sa puntong magdiriwang tayo sa tagumpay ng Diyos! Amen!
V. Ika-limang Wika: Pagpapala ng Paglilingkod sa Panginoon
v28Alam ni Jesus na naganap na ang lahat ng bagay. Kaya’t upang matupad ang kasulatan ay sinabi niya, “Nauuhaw ako!”
v29May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Inilubog nila rito ang isang espongha, ikinabit iyon sa isang tangkay ng hisopo at idiniit sa kanyang bibig.
(Juan 19:28-29)
Nakakalungkot na sa ating panahon, hindi na nahihingi ang tubig, dahil ibinebenta na ito. Sa oras na iyon, humihingi ang Panginoon ng isang simpleng bagay na available naman, "tubig". Karaniwan sa panahon na iyon ang magbaon ng tubig. At may maraming nagbibigay ng tubig sa iba, bilang kawanggawa. Marami ring mga aqueduct o daluyan ng tubig mula sa mga bundok papuntang bayan. Kung kaya sagana ang tubig noon sa Israel.
"Pahingi ng inumin dahil uhaw ako." Ito ay inaasahan sa Panginoon. Isang natural na mangyayari sa isang taong hindi natikim ng tubig ng ilang araw mula ng dakpin siya, binugbog at ibinilad sa mainit na araw habang ang dugo niya at pawis ay patuloy na nawawala mula sa kanyang katawan.
Ang buhay ng Panginoong Jesus ay nakatala sa Biblia, lalo sa Lumang Tipan. Ang buhay niya ay katuparan ng mga hula sa Biblia (Awit 69).
Simpleng Kahilingan na May Maling Katugunan
v21 Sa halip na pagkain, nang ako’y magutom, ang dulot sa aki’y mabagsik na lason. Suka at di tubig ang ipinainom
Maraming simpleng bagay na hinihiling ang Panginoon mula sa atin na maaring ipaglingkod sa kanya tulad sa paghingi niya ng tubig.
Simpleng kahilingan tulad ng;
ang mahalin siya,
magmahalan tayo
mag-kaisa sana tayo
maglingkod sana tayo sa kanya,
gumawa sana tayo ng mabuti at
umiwas sa anumang uri ng kasalanan.
Ang paghingi ng tubig ay ang siyang narinig mula sa Panginoon.
Ito ay isang simpleng paglilignkod. Ngunit ano ang kadalasang ibinibigay natin sa Diyos? Paano ba tayo tumutugon?
Nang humingi siya ng tubig, hindi tubig ang ibinigay sa kanya kundi alak na maasim (na may apdo). Isang mapait at maasim na inumin. Isang mapait at maasim na tugon.
Madalas nating pinupuna ang mga nagparusa sa kanya, ngunit sa ating pagsuway sa Diyos - parang wala tayong pinag-kaiba sa kanila.
Tubig ang hiniling - suka ang pinatikim.
Hindi kaya ganito rin ang ating nagiging tugon tuwing may kahilingan ang Diyos sa atin? Nais nating maging manhid ang Diyos sa ating mga pag-ayaw. Gusto nating sanayin ang Diyos sa ating mga pagsuway. Ayaw nating ibigay ang eksaktong hinihiling ng Diyos.
Halimbawa, kung ang isang politiko ay nagbabansag bilang Kristiano, ngunit naniniwala siyang imposible ang makaiwas sa kasalanan ng corruption. Hinihiling ng Diyos ang kanyang pagsunod upang manatiling malinis pero pilit kinakatwiran ng taong ito, na, “Mauunawaan siguro ako ng Diyos kung magnanakaw ako sa gobyerno dahi ito ang kalakaran.”
Malinaw na hindi niyaibinibigay kung ano ang mismong kahilingan ng Panginoon. Taliwas ang kanyang ginagawa. Humihiling ng tubig, ngunit suka ang ibinibigay.
Ang kahilingan ng Panginoon ay tubig, pero ano po ba ang ibinibigay natin sa kanya? Suka at apdo pa rin ba? Tubig ang kahilingan ng isang nauuhaw.
Kung ano ang kinauuhawan ng Panginoon ay siya sana ang ating ibigay. Wika ng Panginoon, "Kung mahal ninyo ako, sundin ninyo ang aking mga utos."
Simpleng kahilingan mula sa Tagapagligtas. At sa pamamagitan ng katagang ito ay natupad ang nasasaad sa kasulatan. Ayon sa Awit 69:21,
“Sa halip na pagkain, nang ako’y magutom, ang dulot sa aki’y mabagsik na lason.
Suka at di tubig ang ipinainom. “
At Natupad ang Kasulatan
Ang kahilingang tubig ng Panginoon ay katuparan ng Kasulatan. Ito ay nagsasabi sa atin na ang tagumpay ay nakamit ng Panginoon bagama't hindi siya binigyan ng tubig. Ipinapakita dito ag kakayanan ni Cristo na magpatuloy sa pagtupad ng sinasabi ng Biblia sa gitna ng napakahirap na sitwasyon.
Siya ay nagtagumpay - sa kabila ng pagtalikod ng mga alagad.
Tara sumunod tayo sa kanya - at maglingkod - upang makamit din natin ang tagumpay kasama ng Panginoon.
VI. Ika-anim na Wika: Pagpapala ng Tagumpay
"Nang masipsip na ni Jesus ang alak, sinabi niya, “Naganap na!” Iniyuko niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga." - (Juan 19:30)
Ayon sa talatang 28, ”Alam ni Jesus na naganap na ang lahat ng bagay.”
Sa mga magtatapos na sa pag-aaral, ito ay salitang nagbibigay ginhawa.
Ito ay salita ng tagumpay, mula sa isang nakagawa ng kanyang misyon. Tetelestai sa Griego - tulad ng "Mission accomplished!"
Sa ika-anim na salita, nais kong pag-isipan natin, "Ano ang mga bagay na nais ipagawa sa atin ng Diyos?"
May mga pangako ba tayo na binitawan sa Diyos na hindi pa natin tinutupad?
Kaya ba nating tapusin ang ating mga assignments para sa Diyos?
Ilang bagay lamang ang madalas na pinagsisihan ng mga taong malapit ng pumanaw sa mundong ito;
a. kung alam nilang mayroon pa silang dapat tapusin, pero hindi nila nagawa, o
b. mga bagay na dapat hihingi ng tawad, o kasalanang dapat ituwid, subalit nagawa dahil inabutan sila ng kamatayan, at wala na silang panahon, kaya sila lubos na nagsisisi.
Ang masakit sa kamatayan, ay hindi ang mismong pagtigil ng buhay, kundi ang pagputol ng Diyos sa ating pagkakataong gumawa ng mga bagay na dapat pa nating gawin.
Isang kwento tungkol sa isang ama na nagkasala sa kanyang pamilya, ang nais niyang muling bumalik sa kanyang asawa at mga anak. Sisikapin sana niyang "makabawi" sa nagawa niyang pagkukulang, kaya nagplano siyang umuwi. Ngunit habang nasa bus papunta sa kanyang pamilya, inatake siya sa puso at namatay.
Huli na, hindi niya nagawa ang dapat niyang gawin.
Ang kalagayan ng Panginoon ay kakaiba, dahil nagawa niya ng buong pagtatagumpay ang kanyang misyon sa lupa.
Ang Mga Natupad ng Panginoon
Ang natupad ng Panginoon ay;
1. Ang katuparan ng kanyang tungkulin sa Ama upang maging Tagapagligtas.
Ayon sa Juan 18:11, “vSinabi ni Jesus kay Pedro, “Isalong mo ang iyong tabak! Dapat kong inumin ang saro ng paghihirap na ibinigay sa akin ng Ama.”
Alam niyang ito ang kalooban ng Ama para sa Kanya. Sa Gethsemane, tinanggap ni Jesus ang kalooban ng Ama, bagamat hiniling niya na alisin ang saro sa kanya. Buong pagsuko at pagpapakumbabang tinaggap ng Panginoon ang kamatayan sa krus. Kung kaya, nagtagumpay siya sa pagtupad sa kalooban ng Diyos.
2. Pangalawa, ay ang katuparan ng Kasulatan sa Awit 22. Lahat ng paghihirap niya ay nabanggit, pati pagsusugal sa kanyang damit ng mga sundalo. Ang kanyang pagka-uhaw ay katuparan ng mga hula tungkol sa kanyang kamatayan.
3. Pangatlo, naganap niya ang tungkulin bilang kordero ng Diyos. Ang isoppo, ay tangkay ng halaman na ginagamit sa pagwisik sa dugo ng kordero ng Passover. ”Kumuha kayo ng sanga ng isopo, basain ito ng dugo ng kordero at ipahid sa mga hamba at sombrero ng inyong pintuan. (Ex. 12:22a)
Isa pa, ang isopo ay simbolo ng paglilinis at pagpapatawad ng Diyos. Ayon sa Awit 51:7, “Linisin mo ako ng isopo, at ako’y magiging malinis; hugasan mo ako at ako’y magiging higit na maputi kaysa niyebe.
Nililinaw ng Hebreo :918-20,
”Kaya’t maging ang unang tipan ay hindi pinagtibay ng walang dugo. Sapagkat nang sabihin ni Moises ang bawat utos sa buong bayan ayon sa kautusan, kumuha siya ng dugo ng baka at ng mga kambing, na may tubig at mapulang balahibo at isopo, at winisikan niya ang aklat at gayundin ang buong bayan, vna sinasabi, “Ito ang dugo ng tipan na iniutos ng Diyos sa inyo.”
Sa gayunding paraan, ang tabernakulo at ang lahat ng mga kasangkapang ginagamit sa banal na pagsamba ay pinagwiwisikan niya ng dugo. Sa katunayan, sa ilalim ng kautusan, halos lahat ng mga bagay ay nililinis ng dugo, at kung walang pagdanak ng dugo ay walang kapatawaran ng mga kasalanan.”
Tanggapin mo ang paghahari ng Panginoon at tanggapin ang kaligtasang ito. Simulan mo ang mamuhay bilang isang tunay na anak ng Diyos.
VII. Ika-pitong Wika: Pagpapala ng Pagtitiwala sa Diyos
"Ama, sa mga kamay mo'y ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu!" (Lucas 23:46)
Ang buhay natin ang pinakamahalagang kaloob ng Diyos. Ang maganda rito, hindi lamang tayo para sa buhay dito sa lupa, nilikha tayo ng Diyos para sa buhay na walang hanggan. At nandito tayo sa kasalukuyan upang maghanda sa isang buhay na walang katapusan.
Ngunit bago ito mangyari, dadaan muna tayo sa karanasan ng kamatayan. Ayon sa Eccl 12:7, ang kamatayan ay may dalawang yugto, ang katawang lupa ay babalik sa lupa at ang espiritu ng tao ay babalik sa kanyang Lumikha.
"and the dust returns to the ground it came from, and the spirit returns to God who gave it."
Ito ay katotohanan ng kagandahan at lawak ng kahulugan ng salitang “buhay”. Dahil higit ito sa limitadong pag-unawa ng marami tungkol sa buhay at kamatayan. Totoo ang kamatayan, ngunit mayroong Diyos na lumikha ng buhay, at kaya niyang lumikha ng buhay sa gitna ng kamatayan.
a. higit sa buhay dito sa lupa ang kaloob ng Diyos.
Nakakalimutan ito ng marami na nagiging "obsessed" sa buhay dito sa lupa. Kung tatanungin ang mga tao, "Alin ang mas mahalaga, ang kaluluwa ng tao o ang material na pangangailangan ng katawan?" Agad-agad sumasagot ang marami na mas mahalaga ang kaluluwa. Kaya ganito na lamang ang paalala ng Panginoon,
"Ano ang mapapala ng isang tao kung mapasa kanya man ang lahat kayamanan sa mundo at mawala naman niya ang kanyang kaluluwa?".
Gayun man, madalas makalimutan ito ng marami. Nakakalimutan nilang alagaan at ihanda ang kanilang kaluluwa sa pagbalik nito sa Diyos.
b. Ang ipagkatiwala natin sa Diyos ang ating espiritu ay isang napakamahalagang bagay na dapat nating gawin para sa ating sarili. Nais ng Diyos na makasama tayong lahat sa buhay na walang hanggang.
Pagkilala sa Ama
“Ama, sa iyong mga kamay, itinatagubilin ko...”
Maaring marami na ang ating narinig na Sermon tungkol sa Pitong Wika ng Panginoon sa Krus. At sa araw na ito, patuloy na nagpapakilala ang Ama sa atin. At lalong lalalim ang ating pagkilala sa kanya sa pamamagitan ng pagbubulay sa ika-pitong wika ni Jesus.
Sino nga ba ang Ama ni Jesus?
Makilala lamang natin ang Ama sa pamamagitan ng Anak.
1. Ang ika-pitong wika ay nagpapatunay na ang Ama ay nakikipag-ugnayan sa mga anak niya. Nakikita natin ang matibay na kaugnayan ng Anak sa Ama sa salitang ito, “Ama sa iyong mga kamay..” habang si Jesus ay nakabayubay sa krus. Ito ay kaugnayan na hindi mapapatid ng paghihirap o kahit ng kamatayan.
2. Ito ay salita ng pagtitiwala sa Ama. Sa kamay ng Diyos, ang kamatayan ay hindi na isang nakakatakot na karanasan. Ang malaking tiwala ni Jesus sa Ama ay nagbibigay sa atin ng kasiguruhan na tayo rin magtiwala sa ating Ama.
Pagpapahalaga sa Ating Espiritu
Ang ating espiritu ay hindi lamang isang "entity" kundi ito ay isang "existence with meaning". Kailangan tayong mabuhay na may kahulugan at layunin.
*Ito ang uri ng espiritu mayroon si Jesus. Ang kahulugan ng kanyang buhay ay nababagay na ilagay sa mga kamay ng Diyos na banal. Nagamit lamang ang kanyang buhay sa paglilingkod sa Diyos.
*Ang kanyang espiritu ay karapat-dapat sa Diyos. Ito ay wagas, puno ng Espiritu Santo. Wika ng Ama tungkol sa kanya, "Ikaw ang kinalulugdan kong Anak."
*Nabuhay lamang siya para sa Diyos, at pumanaw siya para sa Diyos. Hindi nasayang ang alin mang sandali ng kanyang buhay.
Lahat tayo ay papanaw. Subalit ang ating espiritu ba ay nakatagubilin sa Diyos Ama? Ngayon pa lamang ay italaga na natin ang ating espiritu sa Diyos. Sa gayon, maging ang kamatayan ay hindi na natin katatakutan. Magkita-kita po tayo sa buhay na walang hanggan. Amen