Sabado, Enero 30, 2016

4th Sunday Epiphany: Surprise Sermon ni Jesus

Surprise Sermon ng Panginoong Jesus
4th Epiphany: Luke 4:21-30

Sa isang kapilya, laging nagrereklamo ang mga miembro sa haba ng sermon ng pastor. Ayaw nilang makinig sa sermon ng pastor sa mga paalala upang alisin na nila ang mga bisyong sugal at paglalasing. Isang Linggo, naghanda ng isang surpresang sermon ang pastor. Wika niya sa sermon, “Maigsi lamang po ang message natin ngayon.” Siya ay sumandaling yumuko para manalangin. Pagtaas ng kanyang ulo ay nagpatuloy siya, “Mga kapatid…” sabay sumigaw ng malakas sa mikropono, “MAGBAGONG BUHAY NA KAYO!!!” At saka siya umupo. Noon ding araw na iyon, pinatanggal ng mga miembro ang nasabing pastor.

Noong makaranas ng Spiritual Revival si John Wesley, ayaw tanggapin ng ibang paring Anglicano ang kanyang pangangaral. Ang mga bagong himno na likha ng kanyang kapatid na si Charles ay itinuring na ‘wordly’ o makamundo. Ang pangangaral nila sa open fields, sa mga palengke at bilangguan ay hindi naging katanggap-tanggap na pagbabago para sa mga taga-simbahan. Naging malaking surpresa ang Methodist Revival para sa tradisyonal na Anglican Church!

Alam po ba ninyo na ang dakilang pastor na si Jonathan Edwards ay nakaranas din ng rejection sa kanyang church assignment?  Siya ay pina-alis ng mga miembro ng kanyang iglesia dahil sa paraan ng kanyang pangangaral at hindi siya palagiang nagbibisita sa mga kaanib.  Dahil dito, napilitan siyang umalis at nagmisyon sa United States.  Sa ganitong paraan, ginamit siya ng Panginoon upang magkaroon ng Revival sa United States at sa Europa.

Surpresa ni Jesus

Bagama’t naghihintay ang mga Judio sa pagsilang ng Mesiyas, dumating si Jesus sa paraang hindi nila inaasahan, ipinanganak si Jesus sa sabsaban at hindi sa simbahan. (Ito ang dahilan kung bakit hindi na-impress ang High Priest o ang mga Escriba kay Jesus.) Una siyang nakilala ng mga paganong pantas (o Wise Men) at mga mahihirap na pastol! Nagsimula ang kanyang ministeryo sa isang bahay sa Cana at hindi sa sinagoga (Juan 2:1-11). Ang pinakamalaking surpresa ng Diyos ay ang hindi niya pag-sangayon sa iniisip at tradisyon ng mga nasa templo! naging radical sa halip na tradisyunal ang dating ng Panginoong. Ito ang dahilan kung bakit offensive si Jesus sa mga religious people katulad ng mga Pariseo.

Sa ating lesson sa araw na ito, tandaan na tayo mismong mga taong simbahan ay may maaring mahulog sa ganitong pagkakamali. Idalangin natin na hindi po tayo maging biktima ng pagkabulag na espiritual, na nangyari sa mga Pariseo ng panahon ng Panginoong Jesus.

Ang maling pananaw sa religion ang dahilan ng spiritual blindness. Sa ganitong paraan nahulog ang mga Pariseo. Maaring mag-aakala ako na napakalapit ko sa Diyos, yun pala napakalayo ko sa Kanya! Maaring itinuturing kong banal ang aking sarili, yun pala ang tingin sa akin ng Panginoong Jesus, isa akong madungis sa kanyang harapan! At kung itutuwid ako ng Panginoon, maaring maging malaking surpresa ito sa akin.

Jesus’ Surprise Sermon

Ang surpresa sa mensahe ng Panginoon ay nasa pangalawang bahagi. Sa unang bahagi, nagustuhan nila ang sinabi ng Panginoon. Ngunit sa pangalawang bahagi, nag-alab ang kanilang damdamin laban sa Panginoon.

Sa sukatan ng mabuting sermon, marahil ito na ang isang ‘pinakapangit’ na sermon sa pulpito. Dahil matapos magsalita ng preacher, lahat ay nagalit! Lahat gustong patayin ang preacher. Parang si Jesus iyong pastor na hinabol ng mga miembro. Hindi para manatili sa destino! Nais nilang patayin ang Panginoon!

Bakit Ginawa Iyon ni Jesus?

1. Alam ng Panginoon ang nilalaman ng puso ng mga taong nagsisimba.

Totoo na pinuri siya ng mga tao sa unang bahagi ng mensahe(v. 22), subalit hindi ito tunay na papuri. Idinugtong agad nila ang tanong na, “Hindi ba’t ito ang anak ni Jose?” Marahil kilala nga nila si Jesus, at ang kanyang "family background".

Ang layunin ng pagsamba ay ang itaas si Jesus! Anumang maruming motibo at makasariling hangarin ay alam ni Jesus.

2. Alam ng Panginoong Jesus na hindi sila nararapat pagpalain.

Interesado sila sa maaring gawin ni Jesus, tulad ng pagpapagaling sa Capernaum, subali’t alam niya na wala silang pinagkaiba sa mga unang Israelita na hindi tumanggap ng kagalingan mula sa Diyos noong panahon ni Elijah. Ayon kay Jesus, mas karapat-dapat pang pagpalain ang balong pagano na taga-Serepta sa Sidon at si Naaman na taga-Syria!

Para bang sinasabi ni Jesus, mas karapat-dapat pang pagpalain ang mga nasa labas ng simbahan kaysa doon sa mga nasa loob nito.

Galit na galit ang mga tao sa sermong iyon ng Panginoon. Tama nga si Jesus, dumating sila roon para sa sarili nilang kapakanan at hindi upang makinig ng salita ng Diyos. Ikinagalit nila ng matindi ang pagwawasto ni Jesus sa kanilang pananaw sa relihiyon at sa Diyos.

Tandaan, the poor worship of a repentant sinner is far more acceptable than an excellent worship of a pretending saint.

Sa bawat pagsamba, nais tayong katagpuin ng Panginoon upang tayo ay pagpalain. Ang bawat pagsamba ay pagkakataon natin upang mapapurihan natin ang Diyos. Naway mapangiti natin ang Panginoon sa araw na ito.

Sabado, Enero 23, 2016

3rd Sunday Epiphany: Balikbayan ang Panginoong Jesus, (Luke 4:14-21)

Balikbayan si Jesus
3rd Epiphany: Luke 4:14-21

Ang Cycle C ng Lectionary ay may maraming teksto hango sa aklat ni San Lukas. Pagmasdan na ang tema ni Lukas ay tungkol sa mga paglalakbay ng Diyos sa mundo (journey of God on earth). Lagi niyang ginagamit ang mga salitang umalis, pumunta, umuwi at iba pa. Ang Emmanuel ay Diyos na kumikilos, umaabot sa mga pamilya, lugar, at pangangailangan ng mga tao.

Sa araling ito, nagbalik-bayan si Jesus. Umuwi siya matapos mag-ayuno sa ilang. Ipinanganak siya sa Bethlehem, Judea. Nagtungo na siya sa Jerusalem sa edad na 12. Ayon kay Mateo, nakapag-abroad na siya sa Egypt. Matapos ang bautismo sa Jordan, nagtungo siya sa ilang (marahil sa mga bundok ng Samaria) at ngayon ay bumalik sa kanyang kinalakihang bayan ng Nazareth.

Ang ating mga kinalakihang lugar ay nagpapaalala sa atin sa maraming bagay. Ang mga lugar kung saan tayo naglalaro noon kasama ang mga kaibigan, kung saan tayo nag-aral at lumaki. Ang mga kalokohan natin noong bata tayo, mga crush, ligawan at iba pa. Higit sa mga ito, nag-papaalala ito kung sino tayo, kung paano tayo pinalaki ng ating mga magulang, kung paano tayo hinubog ng isang unique na komunidad.

Sa araw na iyon, muling yumapak si Jesus sa sinagoga kung saan siya unang nag-aral at sumamba. Mahalagang lugar ang Nazareth na humubog sa buhay niya dito sa lupa. Ito ang lugar na nagturo sa kanya na sumamba tuwing Sabbath. Kung sino at ano siya ay may kinalaman sa kanyang natutunan sa sinagogang iyon sa Nazareth. Kaya ng bumalik siya, umaasa ang kanyang mga dating kasama sa sinagoga na siya pa rin ang dating Jesus, na dati nilang kalaro, kaibigan at kasama.

May Pagbabago Kay Jesus

Namangha sila sa kanyang kahusayan sa pananalita. Marahil ito ang unang pagbabago na nakita nila kay Jesus. Pinuri siya sa kanyang kahusayan sa pagpapaliwanag sa Kasulatan. Kaya lalo nilang inalam ang tungkol sa kanyang pagkatao at family background.

Isa pang kakaiba sa kanya ay ang presensya ng Banal na Espiritu sa kanyang buhay.  Alam natin na hindi na siya yung dating Jesus na kanilang kakilala.  siya na ang Jesus na manggagamot, at nagpapalayas ng mga demonyo. Nasa kanya na ang kapangyarihan na nagmumula sa Diyos. Dala niya ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos at ang kapangyarihan ng Espirit ng Diyos,


Ang Unang Surpresa ni Jesus sa Kanyang mga Kababayan

May kwento tungkol sa isang balik bayan at ganito ng naging pananaw ng mga dati niyang kakilala, “Hindi na siya tulad ng dati. Hindi na nga siya ng dating nakikipaglaro sa kanyang mga kababata. Iba na ang kanyang estilo at pananalita. Marahil, ayaw na niyang maglasing at magpainom. Mayaman na kasi siya. Naging mayabang na siya.” Ganito ang napansin ng isang kapatid na tumanggap sa Panginoon ng magbalik siya sa kanilang baryo. Gusto niyang mag-donate sa kapilya sa halip na magpainom ng alak sa mga lasenggo sa daan. Nagbago na nga siya.

Marahil, hawig sa karanasang ito ang kay Jesus. Mayroon siyang dalang menshe na hamon sa kanilang trandisyong pangrelihiyon. Dumating siya upang magdala ng bagong kahulugan sa buhay pagsamba. Ang napakaganda niyang pangangaral ay simula ng isang hamon upang umalis na sila sa maling nakasanayan.

Ang surpresa na naganap sa pagsambang iyon ay ang pagbisita ng Diyos sa kanilang sinagoga. Nakatingin sila kay Jesus ayon sa kanilang nakalakhang tradisyon, at hindi nila alam na nagungusap ang Diyos sa kanilang harapan. Dumating si Jesus ayon sa kanyang pagkatawag at misyon, hindi na ayon sa kanyang nakagisnan at nakalakihan. Akala nila dumating lamang siya upang magsimba, ngunit dumating siya sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, upang magdala ng kalayaan sa mga bihag, kagalingan sa mga bulag, kaluwagan sa mga sinisiil, at kaligtasang mula sa Diyos. Nag-aalok siya ng panibagong karanasan tungkol sa ginagawa ng Diyos.

Surpresa ng Diyos sa Pagsamba

Isang pambihirang sermon ang narinig nila ng araw na iyon. Hindi ito katulad ng mga mensahe na maririnig sa iba. Hindi ito karaniwang sermon dahil pakikitagpo ito ng Diyos sa kanila. Ganito ang ministeryo ni Jesus sa simbahan. Nais tayong katagpuhin at kausapin ng Panginoon. Malaking kawalan kapag ang Diyos mismo ay hindi natin nararanasan sa araw ng ating pagpunta sa kapilya. Siguraduhing sa ating pagsamba, makikitagpo tayo sa Diyos. Makinig sa kanyang mga salita at manatiling handa upang sumunod sa kanya. 

Miyerkules, Enero 20, 2016

Qualities of an Excellent Preacher

John Crysostom (AD 347-407) was a man regarded by many as one of the greatest preachers in the history of the church. He built his preaching on five principles.

1. An excellent knowledge of the Bible.

2. A good command of language.

3. A compassionate heart for the people.

4. An ability to relate theology to everyday life.

5. A passionate enthusiasm when preaching.

From: David Beer, Releasing Your Church to Grow, Kingsway, 2004


Huwebes, Enero 14, 2016

1st Sunday Epiphany : Magdiwang Kasama si Jesus / Juan 2:1-11

Anyaya Upang Magdiwang Kasama si Jesus!
Juan 2:1-11; Isaias 62:1-5

Sa totoo lang, sa oras ng kasal, masaya ang lahat, dahil ito ay panahon ng pagdiriwang. Ang Ikalawang Linggo Epifanio o kapahayagan ng Diyos ay naganap sa isang kasalan ayon sa Ebanghelyo ni San Juan.

Ang kwentong ito ayon sa salaysay ni Juan ay may layunin: upang sumampalataya ang mga alagad na kasama ng Panginoong Jesus - Juan 2:11, dahil sa pamamagitan nito'y inihayag ng Diyos ang kanyang kapangyarihan.

Kapag ang presensya ng Diyos ay nasa ating kalagitnaan, may kakaibang nagaganap. May malaking pinagkaiba kapag ang Diyos ang kumikilos para sa atin, sa halip na tayo lamang ang gumagawa para sa Diyos.

Imbitado si Jesus sa Kasal

Imbitado si Jesus sa nasabing kasal. Kahit sa ating panahon, ang Diyos ay dumarating parin bilang tugon sa ating imbitasyon sa kanya. Pero ilan kaya sa atin ngayon ang tunay na nagbubukas ng kanilang buhay para sa Diyos? Ilan kaya sa atin ang nagbubukas ng kanilang tahanan upang anyayahan ang Diyos sa buhay ng ating pamilya? Imbitado kaya ang Panginoon sa loob ng ating kapilya, upang gawin niya ang kanyang kalooban, sa halip na ipilit natin ang ating sariling kalooban?

Marami ang mga nagdurusang pamilya ngayon dahil walang lugar ang Diyos sa kanilang sambahayan. At marami na ring kapilya ang nagkakagulo ngayon dahil hindi na nagaganap ang kalooban ng Diyos sa loob nito!

Kapag imbitado si Jesus sa ating kalagitnaan, binubuksan natin ang ating sarili sa malayang pagkilos ng Diyos sa ating buhay!

Tignan ninyo, bagamat si Jesus ang imbitado dito sa kwento, tayo man ay iniimbitahan ng Panginoon upang pagbulayan natin ang kalahagahan ng presensya ng Diyos sa ating buhay. Sa tagpong ito, ginawang alak ng Panginoon ang tubig bilang patunay na si Jesus ay may kapangyarihang bumago. Marahil sa inyo na nakikinig, may mga bagay na nagaganap sa inyong buhay na nais ninyong mabago. Baka may mga bahagi ng inyong buhay na inaasam ninyong "sana" ay magbago. May magagawa ang Diyos - Siya ay may kapangyarihang bumago kahit ngayon. Tignan ninyo ito...

May Problema Sa Nasabing sa Kasalan

Kapag may nangyayaring problema na maaring magdulot ng malaking kahihiyan, nais nating magbago ang mga pangyayari o kaya'y sana lumubog na lamang tayo na parang bula, para hindi lang tayo mapahiya! Subalit ang pagkakaroon ng problema ay bahagi ng buhay.
Sa tagpong ito, nagkulang ng inumin. Problema ito. Kahihiyan ang makitang nabubulunan ang mga bisitang kumakain at wala man lang inumin na iahain. Napaka-hirap pong tulungan ang isang taong nabulunan, kapag bumara ang masarap na pagkain sa kanyang lalamunan! Lalo kung walang inumin!

Kaya huwag na nating sisihin si Maria na ina ng Panginoon dahil siya ay nagulumihanan dahil siya marahil ang namamahala sa handaan. Ang nasabing problema ay agad-agad niyang dinala sa Panginoon.

Kaya, kung may problema kayo mga kapatid, idulog ninyo agad ito sa Panginoon. Huwag na ninyong i-tsismis ang sarili ninyo sa iba. Baka kumalat pa ang balita tungkol sa inyong problema. Agad na kayong magsabi sa Diyos ng inyong suliranin, dahil laging may solusyon ang Diyos.

Ang Solusyon ng Panginoong Jesus

Bilang tugon, iniutos ng Panginoon na punuin ang mga tapayan na ginagamit sa ritual ng paghuhugas (cleansing ritual). Ngunit sa halip na ipanghugas ng paa, mukha at kamay, ginawa niya itong masarap na alak na inumin.

Ano ang ibig sabihin nito?
Tandaan na ang kwentong ito ay naglalayong ipaliwanag sa mga nagbabasa ang mga "tanda" o "signs", mga kababalaghang ginawa ni Jesus upang patunayan na siya na nga ang Anak ng Diyos, at ng sa gayon ay sumampalataya ang mga alagad.

Ibig sabihin, ang kwento ay may malalim na kahulugan. Ang mga bahagi nito ay may sinisimbulo.

Ang kahulugan ng Tubig na Naging Alak

Sa seremonyas ng paghuhugas, ang relasyon ng tao sa Diyos ay pinaniniwalaang nadudungisan dahil sa dumi ng kasalanan. Kung kaya, hindi maaring humarap sa Diyos na marumi ang tao. Kailangan muna silang maghugas. Nilalaman ng ritual na ito na nakakatakot ang pagharap sa Diyos ng isang makasalanan.

Subalit nagpapakilalang muli ang Diyos sa tagpong ito sa pagdating ni Jesus.

Ang tubig na panghugas ay naging masarap na inumin! Ang dating takot sa Diyos ay napalitan ng imbitasyon upang tikman ang bagong alak! Ang kwento ay nagpapahayag ng bagong pagkilala sa Diyos. Ang Diyos ay hindi na dapat katakutan ng mga makasalanang naghahangad ng paglilinis, dahil matitikman nila ang dakilang gawa ng Diyos na babago sa kanilang buhay. Ang pakikiharap ngayon sa Diyos ay isa ng pagdiriwang! Ito ay imbitasyon ng pakikisalo sa Diyos sa isang bagong buhay!

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...