Huwebes, Hulyo 16, 2015

Sino Ako Ayon sa Sinasabi ng Diyos?

2 Corinthians 3:18

At ngayong naalis na ang talukbong, nagniningning sa ating mga mukha ang kaluwalhatian ng Panginoon. At ang kaluwalhatiang iyan na nagmumula sa Panginoon, na siyang Espiritu, ang siyang magbabago sa atin mula sa isang antas ng kaluwalhatian hanggang tayo'y maging kalarawan niya.”

Panimula


Alam ba ninyo, noong 1886, naimbento ang unang kotse na gumagamit ng gasolina.  May naunang naimbentong kotse na gumagamit ng hydrogen, ngunit hindi ito nagtagumpay.  Si  Karl Benz, isang German, ang nakaimbento ng unang kotse na may patent na gumagamit ng gasolina.   Tinawag itong “car” galing sa salitang “cart” o karwahe.

Tulad ni Benz, ginawa ng Diyos ang tao gamit ang kanyang kaalaman at layunin.  Ang tao ay gawa ng Diyos.  Ang Diyos ang nagdisenyo sa tao.  Siya ang may karapatang magsabi kung ano tayo, at sino tayo ayon sa layunin ng kanyang paglikha.

Pagkilala sa Sarili Ayon sa ating Paniniwala

Ang tao ay hinuhubog ng kanyang mga  paniniwala.    At ayon sa kanyang  sinasampalatayanan (faith confessions), sinisikap ng isang tao na maabot ang layunin niya sa buhay, gamit ang kanyang mga paniniwala.   Kung kaya, ang ating mga paniniwala sa Diyos, sa Biblia o ibang basehan ay may malaking kinalaman sa ating pagkatao kung paano natin nakikilala ang ating sarili.  Ang ating pagkilala sa ating Lumikha ang humuhubog sa ating tamang pagkilala kung sino tayo.

May mga talata na ating  aaralin bilang gabay sa aralin.

1. Pagkilala sa Diyos na Lumikha sa Atin  

Ang Diyos ay Banal 

Maraming attributes o katangian ang Diyos, tulad ng makapangyarihan (sovereign and omniscient), maalam (all knowing), at nasa lahat ng dako (omnipresent). Ngunit ang pnaka-daklang katangian ng Diyos ay ang kanyang kabanalan. 

Ayon sa Awit 18:30,  
"Ang Diyos na ito ay sakdal ang gawa, at maaasahan ang kanyang salita!
Siya ay kalasag ng mga umaasa, at ng naghahanap ng kanyang kalinga."

Sabi pa sa Isaias 6:3, 
"Banal, banal, banal si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat!
 Ang buong daigdig ay puspos ng kanyang kaluwalhatian."

Sinasamba natin ang Diyos dahil sa kanyang kabanalan at kapangyarihan, at pinupur natin siya dahil sa mabuti niyang gawa sa ating buhay. Ito ang Diyos na pinapakilala ng Biblia.   Kung gayon, ayon sa  pagpapakilala ng Biblia kung sino ang Diyos, sino tayo na kanyang nilikha?

2. Pagkilala sa Tao na Nilikha ng Diyos

Sinasabi sa Genesis 1:27,
"Nilalang nga ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan. Sila'y kanyang nilalang na isang lalaki at isang babae,"
  • Ang tao ay nagtataglay ng larawan o wangis ng Diyos bilang lalaki at babae 
  • Ang tao ay nagtataglay ng kabanalan ng Diyos ayon sa disenyo ng kanyang pagkalikha
Ang Patotoo Ni Apostol Pablo

Noong una, ang diyos na sinusunod ni Pablo ay maituturing na isang diyus-diyusan na binuo ng kanyang kaisipan at pagkatao. Ang sinunod niyang diyos ay imahen ng kanyang pagiging Judio.  Sa pag-aakalang ang kanyang sinusunod ay ang Diyos ng Biblia- namuhay si Pablo sa galit sa mga Kristiano, upang mapangalagaan ang kanyang relihiyong Judio.

Ang mga diyus-diyusan ay likha ng isipan ng tao, na pinasusunod ayon sa kanilang sariling kagustuhan.  Ang tao ang nasusunod sa ganitong relihiyon. Anumang maling paniniwala tungkol sa Diyos ay gagawa ng isang diyos-diyusan o idol  sa ating isipan.  Wrong notions on God will produce an idol within us.

Si Pablo noon ay walang personal na pagkilala sa tunay na Diyos.  Kaya mali ang kanyang nauunawaan tungkol sa Diyos. Nagbago ang pagkilala niya sa Diyos mula noong makatagpo niya si Jesus sa Damasco.  Mula sa isang diyos na malupit, nakilala niya ang tunay na Diyos na mahabagin at nagliligtas sa pamamagitan ni Cristo Jesus.

Pagkilala sa Tunay na Diyos

1. Siya ang Diyos at Ama na ipinakikilala ng ating Panginoong Jesus.
2. Siya ang Diyos na ipinakikilala ng Biblia.
3. Siya ang Diyos na nagkakaloob ng Banal na Espiritu.

Bagong Pagkilala sa Sarili

Nang makilala ang Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Jesus, nagkaroon din ng bagong pagkilala si Pablo sa sarili. Nagsimula siya ngayong mabuhay para sa layunin ng Panginoon.

Sabi niya sa Galatia 2:20, 

"Hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At habang ako'y nabubuhay pa sa katawang-lupa, mamumuhay ako sa pananalig sa Anak ng Diyos na umibig sa akin at naghandog ng kanyang buhay para sa akin."

Sino Tayo sa Paningin ng Diyos?





(...to be continued...)






 


Huwebes, Hulyo 9, 2015

Pinagkaiba ng Huwad sa Tunay na Relihiyong Kristiano

Gawa 9:1-19

Ayon sa 1 Timoteo 3:16, 
"Hindi maikakaila na napakadakila ng hiwaga ng ating relihiyon:
Siya'y nahayag nang maging tao, pinatunayang matuwid ng Espiritu, at nakita ng mga anghel.  Ipinangaral sa mga Hentil, pinaniwalaan ng lahat, at itinaas sa kalangitan."
Ito ang Kristianismo, ang relihiyon ng katotohanan tungkol sa Panginoong Jesus. 

Huwad ang isang relihiyon kapag ito ay wala sa katotohanan. Si Saulo ay may dating relihiyon, ngunit minsan na siyang nawala sa katotohanan.  Ang nagaganap na debate tungkol sa pagnanais ng mga nagsusulong ng same-sex marriage na naghahangad ng kasal sa simbahan ay relihiyon na wala sa katotohanan. 
Ano ang huwad na relihiyon? 
1. Ito ay kalooban ng tao, na kunwari ay kalooban ng Diyos. 
2. Ito ay pagmamahal sa pangalan ng samahan o religious denomination, ngunit walang tunay na pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. 
3. Hindi ito nakapagliligtas. 
4. Hindi ito nagbubunga ng pagbabagong buhay. 
5. Hindi ito naaayon sa katotohanan, kundi ito ay pagkukunwari lamang.
Ito ang uri ng dating relihiyon ni Saulo.  Kung kaya, siya ay pumatay ng mga Kristiano.  Hindi po katotohanan ang kanyang hinahanap. 
Ginamit ni Saulo ang kanyang buong buhay sa ganitong uri ng relihiyon. Ito ay relihiyon ng pagkamuhi sa kapwa. Isa itong relihiyon na walang kaugnayan kay Cristo.

Kungikukumpara, ano naman ba ang katangian ng isang tunay na pananampalatayang Kristiano?

1. Ito ay bunga ng pakikitagpo sa buhay na Cristo.
2. Ito ay nagbubunga ng ganap na pagbabagong buhay.
3. Ito ay nagbubunga ng tapat na pagsunod kay Cristo. 








Miyerkules, Hulyo 8, 2015

Tuntunin sa Pagtanggap ng Banal na Komunyon

1 Corinto 11:27-34

Ang sama-samang pagdulog sa hapag ng Panginoon ay kasanayan ng mga sinaunang Kristiano.  Ito ay tinatawag na “agape meal”.  Sa Komunyon, kinikilala ang banal na presensya ng Panginoong Jesus.   Pagkakataon din ito upang maramdaman ng bawat Kristiano ang pagkaka-isa.  Ang mga mayayaman ay nakikisalo sa mga mahihirap.  Ang lahat ay pantay-pantay sa Banal na Hapunan.

Ngunit sa iglesia ng Corinto, nakaranas ng kaunting problema si Apostol Pablo.  Tulad ng alinmang iglesia, nakakita siya ng ilang suliranin na dapat  iwasto.  Bilang mga anak ng Diyos, nakapahalaga na unawain natin ang Salita ng Panginoon at maging bukas tayo sa mga maaring pagwawasto na nais gawin ng Diyos sa ating buhay bilang isang katawan.

Isang naging suliranin na nakita ni Pablo ay ang mga pangkat-pangkat ng mga kaanib sa oras ng hapag ng Panginoon.  Ang mga mayayaman, mga magkakasamang grupo ay humihiwalay sa iba.  Isa pa ay ang pagiging makasarili ng iba.   Kumakain at umiinom sila ng labis at nawawalan ng paggalang sa Banal na Hapunan.

Paghahanda sa Pagtanggap sa Banal na Komunyon

Dalawa lamang ang ating kinikilalang Sakramento ng iglesia, ang Bautismo at Banal na Komunyon.  Ang Banal na Komunyon ay iniutos ng Panginoon upang siya ay ating alalahanin.  Upang magawa natin ito, kailangan natin ang isang nakahandang puso at bukas na kaisipan.  Dahil, ito ay paggalang mismo sa katawan at dugo ng ating Panginoon. Ang pagtanggap sa katawan at dugo ng Panginoon sa paraang hindi karapat-dapat ay isang pagkakasala.

Kabilang sa mga paraang karapat-dapat ay;

a. ang pagsusuri sa sarili bago tumanggap ng Banal na Komunyon.
Ang tamang pagsusuri sa sarili ay ginagawa ng mga nagnanais lumago sa pananampalataya at sa kaalaman.  Ito ay sa paraan ng kapakumbabaan at pagbubukas ng sarili sa liwanag ng Diyos.  Ang taong nagsusuri ng sarili ay handa sa mga pagtutuwid ng Diyos, kumikilala  siya sa mga sariling kahinaan at pagkukulang.

Sa mismong tinapay at katas ng ubas, ang Panginoon ay nangungusap sa bawat tatanggap ng Komunyon.  Ito ay simbulo ng pagpapatawad na pinagkakaloob ng Diyos.  At ang pagpapatawad ay pinagkakaloob lamang sa mga tunay na nagsisisi.  At ang mga tunay nagsisisi ay nagsasaliksik ng kanilang sarili, upang ilantad ang karumihan at mga kasalanan sa liwanag ng Diyos - at sa gayun nakakamit nila ang malinis, dalisay, ang banal na buhay na kaloob ng Panginoon para sa mga lumalapit sa kanya.  Darating sila sa iglesia na may bitbit na kasalanan, ngunit uuwi sila  na wala ng bahid ng kasalanan - dahil sila ay pinatawad na.
b. ang pangalawa ay ang banal na Komunyon ay pagkilala sa katawan at dugo ng Panginoon.
Kinikilala po natin ang tinapay at katas ng ubas bilang mga “simbulo” at hindi literal na katawan at dugo ng Panginoon.
Ngunit kailangan pa rin nating igalang ang mga ito bilang mga banal na bagay.   Higit pa rito, kailangan  nating kilalanin ang Banal na Komunyon bilang isang banal na gawain ng ating Diyos.

Inuutusan tayo ng Pangjnoon na sa tuwing ginagawa natin ito, inaalala natin siya.  Ang pag-alalang ito ay hindi lamang sa isip, kundi sa kanyang presenya.   Ito ay pagsariwa natin sa pakiki-isa ng Panginoon sa ating kalagayan bilang tao.  Siya ay kasama natin sa Banal na Hapunan. Ibig sabihin, ang paggalang natin sa mga elemento ng Komunyon ay tumutukoy sa ating paggalang sa mismong presensya ng Panginoon sa ating kalagitnaan sa oras ding ito! At ang kawalan ng paggalang sa mga ito ay nangangahulugan ng kawalan ng paggalang sa Diyos.

Ito ang dahilan  kung bakit sinasabi ni Pablo na  naging kaparusahan pa sa iba ang dulot ng Komunyon.  Sila ay nagkasakit at ang iba ay nangamatay.  Sa halip na maging biyaya - ang Komunyon ay naging kahatulan sa kawalan nila ng paggalang sa presensya ng Diyos.

c. Ang Komunyon ay Pagdiriwang sa  ating pagkakaisa bilang isang iglesia o iisang katwan ni Cristo.
Ang iglesia ay binayaran ng Panginoon sa kanyang sariling dugo at ito ay ginawa niyang kanayang katawan na maglilingkod sa mga tao sa sanlibutan.

Sa hapag ng Panginoong Jesus, tayo ay nagdiriwang sa isang banal na salu-salo kasama ang Panginoon.  Sa ganitong diwa, tayo ay pinaging -isang katawan bagamat tayo ay marami.

Ang banal na Komunyon ay katibayan ng pag-ibig ng Diyos para sa atin, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak para sa ating katubusan.  Ang pag-ibig ding ito ay inaasahang madarama ng bawat kaanib ng iglesia.  At ang pag-iig na ito ay inasahan ding ibabahagi ng bawat isa sa kanyang kapatid sa loob ng simbahan.

Wika ng Panginoon, “Ibigin ninyo ang isa’t-isa.  Sa ganitong paraan makikilala ng iba na kayo nga ay alagad ko.”

Ang Komunyon kung gayon ay tanda ng pag-ibig ng Diyos para sa atin.  At ito ay katibayan din ng ating pag-ibig sa isa’t-isa.

Muli mga kapatid, bukas ang hapag ng Panginoong para sa lahat.  May kasalanan ka ba at humihingi ka ba ng pagpapatawad mula sa Panginoon?  Lumapit ka at patatawarin ka niya. Mahal ka ng Diyos at kailan man hindi ka niya itataboy kung lalapit ka lamang sa Kanya ng buong puso.

Halina at tikman ninyo ang handa ng Panginoon. Amen.

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...