Miyerkules, Abril 3, 2024

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria)

July 21, 2019 - Luke 10:38-42

41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay, 42 ngunit iisa lamang ang kailangan.[a] Pinili ni Maria ang mabuti at ito'y hindi aalisin sa kanya.”

May isang malaking mali na aking nagawa noong ako ay bata pa. Inutusan akong pigain ang kinayod na niyog Piniga ko ito at pagkatos, itinapon ko ang piga at itinira ko ang sapal. Itinapon ko ang higit na mahalaga.

Sa pakikitungo sa Panginoong Jesus, dapat tayong maging maingat. Upang magawa natin ang higit na paglilingkod at hindi natin mapalampas ang higit na mahalaga.

Sina Martha at Maria ay mga halimbawa ng mga taong naglilingkod sa Diyos. At ang bawat pagtuturo ng Panginoon ay pagkakataon upang matuto sa pagka-alagad. Tunghayan natin ang halimbawa ni Martha at Maria sa paglilingkod.

Wika ng Panginoon kay Martha, " “Martha, Martha, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay,"

Malinaw na sa kabila ng maraming ginagawa ni Martha, sa paningin ng Panginoon mayroong hindi nararapat sa kanyang ginagawa. Ano ito?


1.) Ang Halimbawa ni Martha

Si Martha ay naglilingkod na may sama ng loob.

Huwag kayong maglilingkod na may bitterness o mapait na damdamin. May dahilan kung bakit maaring mangyari ito sa mga naglilingkod sa Diyos.

a. pagkukumpara sa sa sarili sa iba. Sa pag-aakalang mas mabuti sila sa iba, o kabaligtaran, ay insecure pala! Kaya maaring maging judgemental o mapang-husga ang isang Kristiano na hindi niya namamalayan.

b. awa sa sarili. Ang self-pity ay lumalason sa isip ng tao, sa pag-aakalang kawawa siya dahil walang ginagawa ang iba at nag-iisa na lamang (tulad ni Elijah).

Dahil sa paningin ni Martha, inisip niyang mali si Maria. Kaya itinuwid siya ng Panginoon.


2.) Ang Halimbawa ni Maria 

Ano ang tamang ginawa ni Maria? Pumunta tayo ngayon sa halimbawa ni Maria.

At sabi ng Panginoon, 

42 ngunit iisa lamang ang kailangan.[a] Pinili ni Maria ang mabuti at ito'y hindi aalisin sa kanya.”

Ang salitang, "Naupo ito sa may paanan ng Panginoon upang makinig sa kanyang itinuturo.” (Lucas? ?10:39?), ay larawan ng pag-aaral sa mga turo at pamamaraan ng Panginoong Jesus,bilang sinasanay na alagad.

a. Nakita ni Maria ang isang mahalagang pagkakataon upang matuto bilang alagad.

Mahalaga po ito dahil ito ang buhay ng iglesia. Lumalago ang iglesia dahil sa mga alagad. Tayo ay tinawag ng Panginoon upang kaging alagad, at upang magsanay pa ng mga alagad.

Mayroon pong malaking pinagkaiba ang pagiging alagad.

Pinili ni Martha ang maglingkod upang mag-asikaso sa mga pagkain at paglilinis. Sabihin na natin na ito ay nakakapagod, at kung nag-iisa kang nag-aasikaso, mapapagod ka talaga at maaring mainis.

Ngunit pinili ni Maria ang maging alagad, na maglilingkod upang palaganapin ang kaharian ng Diyos. Ang mga alagad na tinutukoy dito ay mga nangunguna sa iglesia dahil sa pag-eebanghelismo, pagtuturo, pagpapakain, pananalangin para sa mga tao, pangangaral ng Salita ng Diyos at iba pa.

Ulitin nating basahin ang verse 42 "ngunit iisa lamang ang kailangan.[a] Pinili ni Maria ang mabuti at ito'y hindi aalisin sa kanya.”

b. Pinili ni Maria ang mabuti.

Ang ginawa ni Martha ay paglilingkod sa isang pagkakataon habang bisita si Jesus. Ngunit pinili ni Maria ang paglilingkod na pang-habang buhay bilang alagad na nag-aaral sa paanan ni Jesus.

Limitado ang pananatili ni Jesus sa lupa, ngunit ang pagsunod sa kanya bilang alagad ay paghabangbuhay, na paglilingkod hanggang kamatayan!

Maaring ikamatay ni Maria ang kanyang ginawang pagsunod bilang alagad ni Jesus! Sa panahon na iyon ang pagiging alagad tulad ng mga apostol ay literal na paghahandog ng buhay. Maari nilang ikamatay ang pangangaral tungkol kay Jesus.

Maraming babae ang naging alagad ni Jesus na naging leader ng simbahan. Sina Mariang Betania, Maria Magdalena, sa Roma 16, mababasa ang mga leader simbahan na may pangalang babae - Precila Maria at Junia at iba pa.

Pinili ni Maria ang higit na mahalaga!

3. Pangwakas

Nakakalungkot na may mga taong minamaliit ang pagiging lingkod ng Diyos bilang pastor. May mga nagsasabi na mga tamad kami. Siguro, wala na kaming mapasukang trabaho kaya kami nagpastor. 
Siguro nga, may kakulangan kami mga kapatid. Patawad po sa aming mga pagkukulang. Pakinggan ninyo muna ito...

May ikukwento kaming mga pastor at mga deakonesa na hindi namin madalas nasasabi sa inyo. Kami yung kahit hating gabi, nagtatrabaho. Gumagawa ng sermon, nagbabasa ng aklat. Bumisita kami ng mga maysakit, kahit nakakahawa, at takot kami na pag-uwi namin sa bahay, babawalan naming mahalikan ng aming nak, dahil galing kami sa hospital o patay. Tapos, paghihinalaan kami ng aming pamilya na wala kaming panahon o pansin na ibinibigay sa kanila. Kami yung mga taong madalas ay lumong-lumo dahil galing kami sa patay at bitbit namin ang lahat ng uri ng negative emotions na binuhos sa amin ng mga namatayan o may problema. Tatanggapin namin iyan ng tahimik.

Kami ay maaring tawagin ng miembro kahit mahimbing na ang aming tulog ng alas-dos ng madaling araw, dahil may naghihingalong miembro na malapit ng malagutan ng hininga. Pwedeng dahil dito, hindi kami matutulog magdamagan. At maririnig namin ang boses ni kapatid na nagsasabing, "Panginoon pagsabihan mo nga si pastor, Paupo-upo lamang diyan at pabasa-basa lamang ng aklat at Biblia!"

4. Nanahimik si Maria

Gusto kong mapansin ninyo na walang himik si Maria, sa puna sa kanya ni Ate Martha, at sagot ng Panginoong Jesus.

Dahil ganyan ang mga nauupo sa paanan ni Jesus. Maaring nakararanas kami ng pagbatikos at negatibong puna. Maaring sasabihin ng isang iglesia, na tamad ang pastor at hihilingin na malipat siya sa ibang lugar.

At ang pastor ay tahimik lamang na aalis. Nakangiting lilipat, sa paniniwalang ang Panginoon na ang bahalang magsalita para sa kanyang mga lingkod.

"Ah, Martha,,pinili ng kapatid mo ang higit na mahalaga."

5. Hamon

Gusto ko kayong anyayahan na maglingkod tayo sa Diyos tulad ni Maria. Salamat din naman sa mga Martha. Sa mga nagluluto at naglilinis sa kapilya, yung mga naghahanda kapag may malaking okasyon sa kapilya.

Pero, kailangan din ang mga Maria: mga magtuturo ng Sunday School, mga mangangaral, mga misyonero, mga pastor at deakonesa. Mga magbabasa ng Biblia at mga aklat, at mananalngin para sa buong iglesia, 
Mga umuupo sa paanan ng Panginoon 
upang maghandog ng buong buhay sa Diyos 
sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng kaharian ng Diyos.

Maaring sasabihin ninyo - "Magma-Martha na lang ako!"

Isipin din ninyo, na baka tinatawag kayo ng Panginoon upang maging - Maria. Piliin po ninyo ang isang bagay na ito na nais ng Diyos para sa iyong buhay. Hindi na ito mai-aalis sa atin! Tara po. Samahan po ninyo kami, at ibigay natin ang ating mga buhay sa paglilingkod sa Diyos.

Miyerkules, Marso 13, 2024

Seven Last Words 2024 Tagalog

 I.    Biyaya ng Kapatawaran

Lucas 23:34-39  

[34Sinabi…ginagawa: Sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”]

Pinaghati-hatian ng mga kawal ang damit ni Jesus. Sila'y nagpalabunutan upang malaman kung kani-kanino mapupunta ang bawat kasuotan niya. 35Ang mga tao nama'y nakatayo roon at nanonood, habang si Jesus ay kinukutya ng mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas niya ngayon ang kanyang sarili kung siya nga ang Cristo na hinirang ng Diyos!”

36Nilait din siya ng mga kawal. Nilapitan siya ng isa at inalok ng maasim na alak, 37kasabay ng ganitong panunuya, “Kung ikaw nga ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.”  38Isinulat nila sa kanyang ulunan, “Ito ang Hari ng mga Judio.” 39Tinuya rin siya ng isa sa mga salaring nakapako sa tabi niya, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at pati na rin kami.”

Ipinapauna ko po - ang San Lucas ay ebanghelyo para sa mga makasalanan (Lucas 5:32).  Dahil ang Mabuting Balita ay tungkol sa pagpapatawad ng Diyos.

 1.       Ama, patawarin mo sila.

 

a.       Ang tunay na kapatawaran ay galing sa Diyos.

·         Ang pagpapatawad ay kalooban ng Diyos.

·         Ang Diyos ay may hakda sa pagpapatawad.

b.       Ang pagpapatawad ay inisyatibo ng Diyos.  Ang Diyos ang unang kumilos para magkaroon ng kapatawaran.

c.       Bayaang gawin ng Diyos ang kanyang kalooban na magpatawad.  Idalangin upang gampanan ng Diyos ang kanyang pagpapatawad. Huwag mong hadlangan ang pagpapatawad ng Diyos.

 

2.      Dahil hindi nila alam ang kanilang ginagawa.

May antas ang “ka-alaman” o knowing. May mga tao na mababaw na pagbubulay sa kanilang ginagawa. Hindi nila inaaral ang kanilang ginagawa, kung ito ay tama o mali. Kung ito ay may masama o mabuting ibubunga. Hindi nila alam ang kanilang ginagawa. O maaring hindi sapat ang kanilang nalalaman sa ibubunga ng kanilang ginagawa.

 Halimbawa dito si Pilato. Alam naman niya na walang kasalanan ang Panginoong Jesus. Ngunit pinabayaan niyang mahatulan ito ng kamatayan.  Dahil sa kanyang paghahangad na manatili sa politika, Kahit na makagawa siya ng unfair desisyon laban sa isang inosenteng tao.

 Nais ni Jesus na magkamit ng kapatawaran ang mga sumusunod, dahil hindi nila alam ang kanilang ginagawa.

                     ·         Mga sundalo. Pinagsugalan nila ang kanyang damit.

·         Mga pinuno ng bayan. Kinutya siya ng mga ito. 

·         Mga kawal. Nilait siya ng mga ito.

·         Kasamang nakapako. Tinuya siya ng isang ito.  

 

3.       Alam ni Jesus na kailangan nila ang kapatawaran ng Diyos.

                     ·         Commission. Misyon natin ang magpatawad. Maaring hindi nila alam na kailangan nila ang                                                     pagpapatawad  ng Diyos. Ibalita! Kailangan nilang malaman na nagpapatawad ang Diyos. 

                                (Lucas 24:47-48).

·         Condition. Pinatawad tayo ng Diyos upang magpatawad tayo sa iba.

·         Comfort. Ginhawa ang patawarin at magpatawad.

·         Chance. Ito ay gawin mo para sa Diyos at para sa iyong sarili. Pagkakataon mo na ito.

 

4.       Magpatawad. Ang magpatawad ay utos ng Diyos.

 

Hindi tayo maaring mangaral tungkol sa pag-ibig ng Diyos kung ang ating puso ay puno ng galit at sama ng loob.

Hindi tayo maaring maging liwanag kung may kadiliman pa sa ating puso.

 

Tumayo po ang lahat: Ipangako mo kapatid – magpapatawad ka bilang anak ng Diyos. Sumunod tayo sa halimbawa ng Panginoong Jesus.

 

Manalangin ka.  Ama, patawarin mo si________________ .

Ama, pinapatawad ko na si_________________________.

 

 

 

 

II. Biyaya ng Kaligtasan

Lucas 23:39-43

39Tinuya rin siya ng isa sa mga salaring nakapako sa tabi niya, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at pati na rin kami.”

40Ngunit pinagsabihan naman ito ng kanyang kasama, “Wala ka na bang takot sa Diyos? Ikaw ay pinaparusahan ding tulad niya! 41Tama lamang na tayo'y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito'y walang ginawang masama.” 42At sinabi pa nito, “Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.”

43Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo, isasama kita ngayon sa Paraiso.”

 

Ang Salita ng Diyos ay buhay. May halaman kami, at akala ko wala na itong ibubunga, dahil napitas ko na lahat.  Ngunit ito ay nagbunga pa ng panibago.  Buhay kasi ito. Gayundin ang Salita ng Diyos. Ito ay may palaging bagong bunga, o revelations.

Ang pinakamahalagang bunga ng Salita ng Diyos ay kapatawaran sa kasalanan ng mga makasalanan. Dumating si Jesus para sa mga makasalanan, hindi para sa mga mabubuti.

 

1.       Matatagpuan ang mga pinaka- makasalanan sa krus.

Doon pumunta si Jesus.  Ang krus ay ginagamit upang parusahan ang mga itinuturing na pinaka-masamang tao. 

Sila ang mga taong hindi pinapatawad ng lipunan.   

 

Sa araw na iyon, nakapagitna siya sa mga makasalanan. 

Isa sa kaliwa, at isa sa kanan. Bumisita si Jesus sa lugar ng mga masasama.

 

Bakit?

·         Upang buksan ni Jesus ang pinto ng Paraiso para sa mga makasalanan.  Sabi sa Roma 5:6, “Namatay si Jesus sa panahong tayo ay makasalanan pa.”

 

2.       Nakita ng isa ang pagkakataon.  At siya ay sumampalataya.

42At sinabi pa nito, “Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.”

3.       Hindi sumampalataya ang pangalawa. Sa halip tinuya niya si Jesus.

39Tinuya rin siya ng isa sa mga salaring nakapako sa tabi niya, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at pati na rin kami.”

 

Ano ang gusto ninyong gawin natin sa isang ito?

Iiwan ba natin siya upang mamatay siyang hindi naliligtas?

Isasara ba natin ang pinto ng paraiso dahil sa kanya?

 

·         May misyon tayo sa mga hindi sumasampalataya.

·         Nais ng Diyos na maligtas ang lahat ng tao (1 Tim. 2:4).

·         Buksan natin ang pinto upang sila ay sumampalataya rin sa Panginoong Jesus.

 

4.       Ang Ating Misyon.

 

Nais ko kayong anyayahan, na basahin ang kwento ito at unawain ang kalooban ng Diyos upang maligtas ang lahat, at hindi lamang ang iilan. Tulad ng sumampalatayang nakapako:

 

·         Ibahagi natin ang ating pananampalataya.  Pinagsabihan niya ang kanyang kasama, “Wala ka bang takot sa Diyos?” (v.40).

·         May misyon ang mga naligtas sa mga hindi pa naliligtas.

·         Maging saksi tayo sa pagpapatawad ng Diyos (Lucas 24:48).

 

5.       Gawin mo ang iyong misyon.

 

·       Magpahayag ng Mabuting Balita.

·       Magpatotoo. Maging halimbawa kung paano nagpapatawad ang Diyos.

·       Abutin ang mga hindi pa sumasampalataya.

 

Tumayo po ang lahat:

 

Ipangako mo, bilang isang pinatawad at iniligtas ng Panginoon,  

ibabahagi mo ang Salita ng Diyos lalo sa mga nalulugmok sa kasalanan. 

 

Tandaan: Huwag mong sarilinin ang iyong kaligtasan.

Hindi lang ikaw ang mahal ng Diyos.

 

III.               Biyaya ng Pagtitiwala sa Diyos

 

Lucas 23: 44-46

Nang magtatanghaling-tapat na, hanggang sa ikatlo ng hapon, nagdilim sa buong lupain. 45Nawalan ng liwanag ang araw at ang tabing ng Templo'y napunit sa gitna. 46Sumigaw nang malakas si Jesus, “Ama, sa mga kamay mo'y ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu!” At pagkasabi nito, nalagot ang kanyang hininga.

 

 May gagawin po tayo. Pwede po bang tumayo ang lahat.

 

Itaas po ninyo ang inyong dalawang kamay ng kaunti.

 

Sa kaliwang kamay mo – mag-isip kayo ng mga bagay o sitwasyon na nais ninyong ipagkatiwala sa Diyos. Maaring ang future ng iyong pamilya? O isang karamdaman?  Kunwari ay ilagay mo ang mga iyan sa kaliwang kamay mo at ibigay mo sila sa Diyos.

 

Sa kanang kamay mo -  ilagay mo dito ang mga bagay o sitwasyon mo sa buhay na hirap kang ipagkatiwala sa Diyos. Destino mo sa susunod na Conference Year? Kung hindi matutupad ang iyong hinihiling na kagalingan? Patuloy ka bang magtitiwala at susunod sa Diyos?

 

Tayo po ay manalangin. Turuan mo kaming magtiwala sa iyo Panginoon. Lalo na sa mga sitwayon na mahirap. May sitwasyon na takot kami at nangangamba.  At nais naming gumawa ng aming sariling desisyon, upang masunod ang nais namin. Ngunit, hindi kami ang masusunod.  Susundin naming ang kalooban mo. Amen.

 

Ang ika-7 wika ay hango sa Awit 31:5,

 

Sa iyong kamay, ipinagkakatiwala ko ang aking buhay.                                                At sa aki'y ibibigay ang iyong kaligtasan;                                                                    ikaw ay Diyos na mapagkakatiwalaan.

 

Mapapansin na ang 7 Huling Wika ay nagsimula sa panalangin at nagwakas din sa panalangin. Ito ang kanyang huling panalangin.                        Ito ay Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos. Pagkatapos, siya ay nalagutan ng hininga.

 

1.       Sa kanyang huling hininga, si Jesus ay nanalangin ng pagtitiwala sa Diyos.

Maraming Kristiano ang dinakip dahil labag sa batas sa kanilang bansa ang ipangaral ang tungkol kay Jesus.  May nahuli, at sila ay unti-unting pinatay – at habang nauubusan sila ng hininga, narinig silang nananalangin ng Ama namin. Namatay silang nakayakap at nananalangin sa Diyos. Ganun din si Jesus.

 

Harapin natin ang kahit ano – hirap, karamdaman, o maging kamatayan, na kasama ang Diyos. Ito po ang lakas ng pananampalataya.

 

2.       Tinawag ni Jesus na Ama ang Diyos.

Ang pagtitiwala ay naka-angkla sa relasyon natin sa ating pinagkakatiwalaan. “Nagtitiwala ako sa kanya. Tatay ko s’ya.”

 

Sa Psalmo, the prayer is addressed to God.

But Jesus addressed God as his Father.

 

Ang tamang kaugnayan Diyos – (bilang Ama natin), ang magbibigay sa atin ng tamang katugunan. Ito ang susi sa mabisang panalangin. Tamang relasyon sa Diyos ang pundasyon ng mabisang panalangin.

“Kung nananatili kayo sa akin at nananatili sa inyo ang aking mga     salita, hingin ninyo ang anumang nais ninyo at ibibigay iyon sa inyo.” – Jn. 15:7

 

3.       Ipinagkatiwala niya sa kanyang Diyos Ama ang kanyang espiritu.

 

·         Sa Awit 31, ang umaawit ay wala sa bingit ng kamatayan tulad ni Jesus.  Siya ay nilalait ng mga kaaway, at nalugmok sa sobrang lungkot.

·         Si Jesus sa kalagayang ito ay nasa bingit ng kamatayan. 

Ngunit naroon ang kanyang pagtitiwala sa Diyos. Dahil ang mga Kristiano man, at mga tapat sa Diyos ay makakaranas ng kamatayan.

 

Sa alinmang sitwasyon – kahirapan o kamatayan, dapat tayong magtiwala sa Diyos.  Ano ang nais mong ipagkatiwala sa Diyos?

 

IV.               Biyaya ng Pananampalataya

 

Mateo 27:46 / Marcos 15:34

Nang mag-aalas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus, “Eli, Eli, lema sabachthani?” na ang ibig sabihi'y “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”

47Ito'y narinig ng ilan sa mga nakatayo roon kaya't sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias!”

 

 Ang sinasabi ng isang sobrang nasasaktan at umiiyak (umaagulgol) ay mahirap maunawaan.  Pero alam ng nakakarinig ang sakit ng kalooban ng taong ito.

 

Ang sakit ng kalooban ay sinasabi rin sa wikang katutubo at hindi sa wikang banyaga. Umagulgol si Jesus sa wikang Aramaic, sa sarili niyang wika. “Eli, Eli, lema sabachthani?”

 

Magbulay po tayo.

 

1.       Ito ay tunay na damdamin ng isang nasasaktan at nagtatanong.

 

Madalas ang ganitong damdamin ay nagtatanong ng “Bakit? Bakit ako? Bakit nangyayari ito sa akin?”

Mas masaklap kapag ang mga tanong na ito ay nanatiling tanong na walang kasagutan.

 

2.       Ang damdamin ni Jesus ay dinala niya sa Diyos.

 

Ang iba, kapag nasasaktan at nagtatanong, hindi sila nagsasalita ni umaasa na tutugunin sila.  Sa paniwala nila, “Wala namang nakikinig sa akin. Nobody cares for me.”  

 

Si Jesus, dinala niya ang kanyang kalungkutan sa Diyos, sa pamamagitan ng panalangin.  May matututunan po tayo sa halimbawang ito ng Panginoon.

 

·         Kapag tayo ay nasasaktan, may nakakaunawa sa atin.

·         Kapag tayo ay umiiyak, may nakikinig sa atin.

·         Sa oras ng karamdaman, may nagmamalasakit sa atin!                Ang Diyos!

3.       Sa gitna ng pagdurusa, ipinahayag ni Jesus ang kanyang Pananalig.

 

Kabaligtaran siya ng mga tao na sa oras ng pagdurusa – ipinapahayag nila ang hapdi ng kanilang damdamin sa pamamagitan ng:

·         Pagrereklamo.

·         Paninisi.

·         Panunumbat.

 

At this moment, Jesus was heard reciting a Psalm of Faith – ito ay      Awit 22.    

 

“O Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan?

Sumisigaw ako ng saklolo, ngunit bakit di mo ako tinutulungan?”

 

·         Ito ay Salmo ng pagtatanong sa Diyos. Marapat na dalhin natin sa Diyos ang mga bagay na hindi natin kayang unawain.

·         Ito ay Salmo ng pagtitiwala sa katapatan ng Diyos,

Sabi sa Salmong ito:

o    Tapat ka Panginoon, mula ng ako ay isilang.

o    Tapat ka Panginoon mula pa sa aming magulang.

o    Ikaw lang ang aking mapagkakatiwalaan.

 

Tayo man ay maaring makarating sa ganitong kalagayan.

Nasaan ka na sa iyong buhay kapatid? 

Hanggang saan na ba ang naranasan mong pagsubok sa buhay?

 

Huwag kang bibigay.

Huwag kang susuko.

 

Ok lang ang umiyak.

Ok lang ang magtanong ng “Bakit?”

 

Pero sa Diyos ka magsumbong.

Sa Diyos ka umiyak. Sa Diyos ka magtiwala.

 

Yumuko po tayo at manalangin. 

Sabihin mo sa Diyos ang iyong nararamdaman….

 

V.          Pagpapala ang Maging  Pagpapala sa Iba

Juan 19:26-27

26Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang minamahal niyang alagad na nasa tabi nito, sinabi niya, “Ina, ituring mo siyang sariling anak!”

27At sinabi niya sa alagad, “Ituring mo siyang iyong ina!” Mula noon, sa bahay na ng alagad na ito tumira ang ina ni Jesus.

 

Mga kapatid, hindi po perwisyo ang maging pagpapala sa iba.

Hindi po pabigat ang mga nangangailangan ng tulong at kalinga.

Sinusugo tayo ng Diyos upang tayo ay maging ina sa mga ulila.

Upang maging lingkod sa mga balo.

Tayo ay sinusugo ng Diyos upang maging pagpapala tayo sa mga tao!

 

Ang iglesia ay nagliliwanag ayon sa kanyang patotoo ng pag-ibig.

Ang pag-ibig ay ipinapahayag sa pamamagitan ng paglilingkod.

Ang iglesia na walang pag-ibig ay walang paglilingkod.

Ito ay iglesiang walang patotoo, wala itong liwanag ng Diyos.

 

1.       Malungkot ang Kamatayan ni Jesus

 

Ang kwento ay malungkot, isa itong trahedya. Malapit nang mamatay ang Panginoong Jesus, at maiiwan ang kanyang mahal na ina.  Maiiwan din ang mga alagad.

 

Wala na yatang lulungkut pa sa damdamin ng isang ina na namatayan ng anak. Sa tagpong ito, pasan ni Maria ang lahat ng lungkot at sakit. Natupad ang hula ni Simeon noong italaga ang sanggol na si Jesus sa templo. Sabi ni Simeon, “Dahil dito, magdaranas ka ng matinding kapighatiang parang isang patalim na itinarak sa iyong puso.” (Lucas 2:35b)

 

Gayundin ang mga alagad na nagsitakas at nagtago.  Maliban sa isa.  Walang ibinigay na pangalan si Juan sa kanyang salaysay. Ang isang alagad na ito ay maaring natakot din, dahil maari niyang ikamatay ang pag-antabay niya kay Jesus. Ngunit ito ay pagkakataon upang ipakita niya ang kanyang katapatan sa kanyang Panginoon. Maaring siya ay isang tapat na miembro tulad mo. Maaring tulad siya ng nag-iisang misyonero na nagmimisyon sa kabundukan. O isang deakonesa na malayo sa kanyang pamilya, nag-iisang kumakain at natutulog sa maliit na kwarto sa simbahan.  O pastor na nag-iisa sa paglilingkod sa simbahan.

 

Ang pagsunod sa Diyos ay kadalasang malungkot at mapanganib din minsan. 

 

2.       Pagpapalang Ugnayan sa Pamilya ng Pananampalataya

 

Hindi mag-ina sa dugo ang alagad at si Maria. Ang panawagan ni Jesus ay – ang kalingain ng kanyang ina at alagad ang isa’t isa, upang bumuo ng isang pamilya ng Diyos.

 

Sa gitna ng pangyayaring ito, nagsalita ang Panginoon.

 

a.       Sinabi niya sa kanyang ina, “Narito ang iyong anak.”

Ayon sa www.pastoralcareinc.com, may umaalis na 1500 pastors kada buwan sa taong 2023. Ito ay malungkot na balita. Ang kadalasang dahilan ay ang lungkot sa ministeryo.

 

Si Apostle Paul ay nakaranas din ng lungkot at panganib.

Ngunit minsan, siya ay nagkaroon ng isang ina sa iglesia sa Roma. Sinabi niya sa Roma 16:13, “Ikumusta ninyo ako sa ina ni Rufo, na para ko na ring ina.” 

 

Ang mga ina sa pananampalataya ay mga pagpapala.

 

b.      Sinabi niya sa alagad, “Narito ang iyong ina.”

Marami ang mga balo noong unang panahon at hanggang ngayon. Ang ating misyon ay ang mahalin ang mga tao na hindi kadugo – ngunit ngayong tayo ay sumusunod sa Panginoon, tungkulin na natin na mahalin sila at ituring na sariling pamilya.

 

3.       Mula noon, sa bahay na ng alagad na ito tumira ang ina ni Jesus.

Ang kalungkutan sa oras na iyon ay naging karanasan ng pagpapala ng isang bagong ugnayan bilang pamilya ng Diyos.

Tignan ang iyong katabi na hindi mo kamag-anak. Sila ay iyong pamilya sa pananampalataya.  Sila ang iyong ina at anak sa pangalan ni Jesus.

VI.   Pagpapala ng Pangakong Tinupad ng Diyos

Juan 19:28-29

28Alam ni Jesus na naganap na ang lahat ng bagay.

Kaya't upang matupad ang kasulatan ay sinabi niya, “Nauuhaw ako!”

29May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Inilubog nila rito ang isang espongha, ikinabit iyon sa isang tangkay ng hisopo at idiniit sa kanyang bibig.

 

Ang mga pangako ng Diyos sa mga Kasulatan ay nagbibigay pag-asa. 

Mapanghahawakan ang mga ito.

Tapat ang Diyos at tutuparin niya ang kanyang mga pangako

sa takdang panahon.

 

Paano pa kaya, kapag natupad na ang mga ito?!

 

Sa pagdating ng Panginoong Jesus, natupad na ang mga ipinangakong pagliligtas ng Diyos! Halleluyah!

 

       Upang Matupad ang Kasulatan.

 

Ang salitang “upang matupad ang kasulatan” ay pitong (7) beses na ginamit sa Ebanghelyo ni San Juan.

·         Juan 5:39; Juan 13:18; Juan 17:12; Juan 18:9; Juan 19:24; Juan 19: 28; Juan 19:36.

 

Ang Juan 19:28, ay ang ika-anim na naganap upang matupad ang  Kasulatan.

 

     Magbulay po tayo.

    

1.       Ang Panginoong Jesus ay tunay na nauhaw.

·         Ang mga ipinapako sa krus ay hindi pinatutulog sa gabi,

·         Nilalatigo hanggang mawakwak ang kanilang balat ng mga sugat sa buong katawan.

·         Nagbubuhat sila ng mabigat na pahalang na bahagi ng krus.

·         Walang pagkain o inumin, at

·         Ipinapako sa krus ang mga paa at itinatali at ipinapako rin ang mga kamay sa init ng araw.

 

Mga hampas ng latigo at pagbubuhat ng dalawang araw, torture na magdamagan, at pagpapako sa susunod na araw. Ang ganitong pahirap ay magdudulot ng matinding pagka-uhaw.

 

2.       Tinupad ni Jesus ang Kasulatan sa Kanyang Pagka-uhaw

  

Ang tinutukoy na Kasulatan ay ang Awit 69:21. Ganito ang nasusulat.

 

“Sa halip na pagkain, nang ako'y magutom, ang dulot sa aki'y mabagsik na lason. Suka at di tubig ang ipinainom.”

    

Alam natin kung ano ang magagawa ng kaunting tubig sa isang   pagod, gutom, at uhaw.

 

Ayon sa www.eatingwell.com, ang uhaw ay nag-reresulta ng dizziness at kapaguran. Panghihina ng kalamnan at antok. Kung makakainom ng kaunting tubig ang isang dehydrated, makakaramdam ito ng lakas.

 

Ngunit, sa halip na tubig, ang pinainom sa Panginoon ay suka.

Hindi ang hinihinging tubig ang ibinigay sa kanya. Ang hirap ng pagka-uhaw ay dinagdagan pa nila ng hirap sa pina-inom na suka.

 

3.       Nangyari ang Kalooban ng Diyos

 

Ayon sa Isaiah 53:10a, “Sinabi ni Yahweh, “Ang kanyang paghihirap ay kalooban ko; ang kanyang kamatayan ay handog para sa kapatawaran ng kasalanan.”

 

Ang sakripisyo ng Panginoon ay naging pagpapala.

 

“Namatay si Cristo, sa takdang panahon para sa ating mga makasalanan.” (Roma 5:6)

 

Sa oras na ito, muling tumatawag ang Panginoon sa atin.
Sabi sa Mateo 11:28, “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatang lubha sa inyong pasanin, at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan.”

 

Huwag sana natin siyang bibiguhing muli.

Humihingi siya ng tubig, huwag natin siyang bibigyan ng suka.

Nawa’y mapangiti natin ang Panginoon ngayon.

VII.  Ang Pagpapala ng Kaganapan ng Misyon ng Panginoon

 

Juan 19:30-31

29May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Inilubog nila rito ang isang espongha, ikinabit iyon sa isang tangkay ng hisopo at idiniit sa kanyang bibig. 30Nang masipsip na ni Jesus ang alak, sinabi niya, “Naganap na!” Iniyuko niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.

 

“Mission accomplished!”, ganito ang saludo ng isang sundalo na nakatapos sa kanyang ginampananag misyon.

“Binayaran na!” Ganito ang report ng isang inutusan na magbayad na utang.

“Nagawa ko ang dapat gawin.” Nakangiting sinabing isang ama,

  na kuntentong nagpa-alam sa kanyang pamilya.

 

Sa pamamagitan ng krus, nagampanan ng Panginoong Jesus ang kanyang misyon sa lupa.

 

1.       Kamatayan ni Jesus sa Krus

 

Sa isang banda, ang krus ay isang pangit na imahen. 

Simbolo ito ng kasalanan ng tao na magbubunga ng kamatayan.

 

Sa kabilang banda, ito ay ginamit ng Diyos upang matupad ang kanyang kalooban na maligtas ang mga makasalanang tulad natin, sa pamamgitan ng pananampalataya. Kaya nga, 

 

“Ngunit dahil sa ating mga kasalanan kaya siya nasugatan;

siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan.

Tayo ay gumaling dahil sa pahirap na dinanas niya

at sa mga hampas na kanyang tinanggap.” (Isias 53:5)

 

“Ngunit ipinataw ni Yahweh sa kanya

ang kaparusahang tayo ang dapat tumanggap.” (Isaias 53:6a)

 

Napakaganda ng nasusulat sa Ecclesiastes 3:11, “He makes all things beautiful, in His time.” Kahit ang pangit na krus ay naging maganda, dahil sa ginawang pagliligtas ng Diyos.

 

2.         Ang Krus ay Naging ng Pagpapala

 

Ang pangit na krus ay naging pagpapala dahil naganap dito ang pagliligtas ng Diyos. Ang ginampanang paghihirap ni Cristo ay nakatulong sa lahat. Ito ay makabuluhang sakripisyo para sa marami.

 

Kaya nga, kung mananalig ka kay Cristo Jesus, na siya ay namatay at muling nabuhay alang-alang sa iyo – ikaw ay maliligtas!

Tapos na ang pagliligtas ng Diyos! Naganap na!

Ikaw na lang hinihintay ng Diyos kapatid!

Tatanggapin mo ba ang pagliligtas ng Diyos?

 

3.       Binayaran na ang ating mga Kasalanan

 

Sabi sa Galacia 3:13,

'Ngunit hindi natin masunod ang lahat ng iniuutos ng Kautusan, kaya sinumpa tayo ng Dios. Pero ngayon, tinubos na tayo ni Cristo sa sumpang ito. Sinumpa siya alang-alang sa atin, dahil sinasabi sa Kasulatan, “Isinumpa ang sinumang binitay sa puno.” '

 

Ang kamatayan ni Cristo ay pagpapala sa atin dahil sa ating katubusan. Bayad na ang ating mga kasalanan!

Sa Ngalan ni Jesus, pinatawad na po tayo!

 

Ayon sa isang kwento ng mga Judio noong mayroon pang templo,

Ang pinakamalungkot na tao ay ang pumapasok sa templo.

Ang pinakamasayang tao ay ang papalabas mula sa templo.

 

Ang papasok sa templo ay may dalang handog para sa kasalanan.

Hindi lamang hayop ang kanyang dala. Dala rin niyang papasok sa templo ang kanyang mga kasalanan.

 

Ngunit sa loob ng templo, ang kanyang mga kasalanan ay babayaran ng buhay at dugo ng isang batang tupa.

Lalabas siya mula sa templo, na nagsasabing, “Pinatawad na ako ng Diyos!”

 

Si Jesus ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan.

Natapos na niya ang kanyang misyon.

Kung tatanggapin mo siya ngayon – aalis kang malinis at pinatawad.

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...