Martes, Agosto 23, 2016

UMC-DOC ADC5 (Methodist Doctrines Tagalog)

Lesson 1: Prevenient Grace
Roma  5:6-11 

“Therefore in as much as God works in you, you are now able to work out your salvation. It is possible for you to love God, because he has first loved us and to walk in love, after the pattern of the Great Master. (John Wesley, On Working out Your Salvation)

Ang taong makasalanan ay patay sa harapan ng Diyos. Wala siyang kakayanang maabot ang Diyos. Maging ang kanyang pangangailangang maligtas ay hindi niya namamalayan. Saan nagsisimula kung gayon ang pagliligtas? Paano nagkakaroon ng kamalayan ang isang tao upang magsisi, at muling tumawag sa Diyos upang siya ay iligtas? 

ANG UNANG PAGKILOS NG DIYOS

Noong panahon ni Wesley, may dalawang magkalabang kaisipan kung paano naliligtas ang taong makasalanan. Ang isa ay ang kaisipan na ang tao ay may sapat na lakas upang iligtas ang sarili sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti. Ang ikalawang kaisipan ay nagsasabi na lubusang walang kakayahan ang tao upang iligtas ang sarili, kung kaya’t nasa sa Diyos ang lahat desisyon kung sino ang maliligtas at kung sino ang mahuhulog sa impierno. Ito ay tinatawag na “predestination”. Ayon sa turong ito, kahit magsisi pa ang isang tao, at magbagong buhay, subali’t kung itinalaga na siya ng Diyos sa impierno, siya ay mapaparusahang pang walanghanggan.

Para kay Wesley, ang unang kaisipan ay hindi itinuturo ng Biblia, samantalang sa pangalawa, lumilitaw na ang Diyos ay hindi makatarungan. Bukod pa rito, lumilitaw din na ang tao ay walang kakayahang mamili para sa kanyang kaligtasan (freewill), at nagiging walang kabuluhan ang pagsunod (obedience) at mabuting gawa, dahil tanging ang Diyos lamang ang gumagawa sa pagliligtas. 

Sa pananaw ni Wesley, ang dalawang turong ito ay hindi totoong magkasalungat, kundi parehong mahalaga. Ang paghihiwalay ng mga ito ay nagreresulta sa maling turo at hindi balanseng kaisipan tungkol sa pagliligtas. 

PREVENIENT GRACE

Sa ating pagiging makasalanan, totoo na tayo ay walang lakas upang iligtas ang sarili, kaya dapat tayong umasa ng lubusan sa Diyos. Subali’t tayo ay may kakayaang tumugon sa tawag ng Diyos. Ito ay ang biyayang kaloob ng Diyos sa bawat tao na tinawag na prevenient grace ni Wesley. Na bagama’t patay dahil sa kasalanan, ang bawat tao ay pinagkalooban pa rin ng Diyos ng kakayaang tumugon sa Kanyang pagtawag. Hindi tayo ang unang kumilos, at hindi tayo ang nagpasya, sa halip ang Diyos ang unang gumawa ng paraan upang tayo ay maligtas. Kapag ang isang tao ay tumawag na sa Diyos at nakaroon siya ng pagnanais na maligtas, ang biyaya ng Diyos ay kumikilos na sa taong ito.

Ang prevenient grace ay hango sa salitang prevent na sa kasalukuyan, ang kahulugan ay pigilan, Ngunit noong panahon ni Wesley, ang kahulugan ng salitang ito ay to anticipate, o to go before, kung kaya’t ito ay nangangahulugan ng “paunang biyaya ng Diyos na ipinagkaloob sa tao tungo sa kaligtasan”. Ang binalangkas ni Wesley ay isang balanseng turo, na ang Diyos ang gumawa ng lahat ng paraan upang tayo ay maligtas. Subalit ang tao ay may sariling pagpapasya. Ang kakayahang ito upang magpasya para sa kanyang ikaliligtas ay tugon na tanging sa tao lamang manggagaling, hindi dinidiktahan ng Diyos ang tao na mahalin Siya, kundi binigyan tayo ng Diyos ng kakayahan upang mahalin at sundin Siya, sa pamamagitan ng pagmamahal Niya sa atin. Ang kakayahang ito ay biyaya ng Diyos.

ANG KALAGAYAN NG TAONG MAKASALANAN 
(Roma 5.6-11)

Ganito ang kalagayan ng taong makasalanan sa harap ng banal na Diyos. Wala siyang kakayaan para iligtas ang kanyang sarili, maliban na lamang kung may magliligtas sa kanya, dahil: 

1. Kaaway ng Diyos dahil sa kasalanan (Roma 5:10)
2. Patay siya dahil sa kasalanan (Efeso 2:1)
3. Mahina siya bunga ng kasalanan. (Roma 5:6)

Tanging si Jesus ang makapagliligtas. Nais ng Diyos ng Diyos na maligtas ang lahat ng tao mula sa pagkakasala. Nagsimula sa Diyos ang pagpapasya para sa kaligtasan, at ang taong patay sa kasalanan ay mabiyayang binigyan ng Diyos ng kakayaan upang tumugon sa tawag ng Diyos. Ito ang tinatawag na 'prevenient grace', isang biyayang kaloob ng Diyos. Inihanda ng Diyos ang bawat tao para sa kanyang pagtawag. At dahil may sariling pagpapasya ang tao, nasa kanya ngayon kung tutugon siya o hindi sa tawag ng Diyos. 

ANG KALIGTASAN AY KALOOB NG DIYOS 

Ang kaligtasan ay hindi bunga ng gawang kabutihan ng tao, dahil, patay ang taong makasalanan, at hindi maaring umasa sa sarili. Ang kaligtasan ay makakamtan lamang sa pamamagitan ng biyaya ayon sa pananampalataya (Efeso 2.8-9). 

Subali’t hindi rin tinanggap ni Wesley ang doktrinang predestination na nagsasabing, pili lamang ang maliligtas at walang halaga ang pagtugon ng tao sa tawag ng Diyos. Sa halip, panig siya sa paniniwala na ang kaligtasan ay para sa lahat (Jn. 3.16). At mayroong halaga ang pagtugon ng tao para piliin niya kung nais niya o hindi na tanggapin ang alok ng Diyos para sa kanya. May kakayahan at kalayaan ang tao para tanggapin o tanggian ang alok ng Diyos (freewill). 

Sa ganitong dahilan naiiba ang Metodismo sa mga Kristianong nagtuturo na 'hindi maaring tanggian ang kaloob na kaligtasan ng Diyos' (irresistable grace).

ANG PAGPAPAHAYAG NG DIYOS 

1. Ang Diyos ang unang nagpahayag sa atin ng kanyang pagliligtas, hindi tayo ang humingi ng saklolo (Hebreo 2.3).

2. Ang Diyos ang unang umibig sa atin, noong tayo’y makasalanan pa  (1 Jn. 4.10).

3. Ang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus ay kusang pagkilos ng Diyos. Hindi ito bunga ng ating gawa, dahil patay tayo sa kasalanan. 

BUNGA NG PAGPAPAHAYAG NG DIYOS 

1. Nagkaroon tayo ng kamalayan, sa ating kawawang kalagayan 
sa harap ng banal na Diyos (Isaias 6.5; Efeso 2.4-5).
2. Nakita natin na malayo nga tayo sa Panginoon, na imposible para sa atin ang magbigay lugod sa Kanya dahil sa ating pagiging makasalanan. 

Ang ating pag-asa ay si Cristo Jesus, ang Tagapagligtas. 
Sinasabi sa Pahayag 3.20, “ Ako ay kumakatok sa inyong pinto at kung ako ay inyong pagbubuksan, ako ay papasok at makikisalo sa inyong.” Ang pagpapasya ay nasa sa atin, dahil iginagalang ng Diyos ng desisyon ng tao. Subalit, batay sa karanasan ng maraming Kristiano, mainam na tayo ay magpasya ng maaga upang tanggapin si Jesus at papasukin siya sa ating buhay. 

Ipinakita ni Wesley ang turo sa Biblia hindi maaring magsimula sa tao ang kaligtasan kundi sa Diyos. Na habang ang tao ay patuloy na lumalayo sa Diyos, patuloy pa rin ang Diyos na tumatawag. Na kahit hindi natin mahal ang Diyos, Siya ay patuloy na nagaalok ng Kanyang pag-ibig. Ano ang iyong tugon sa alok na ito?

Mga Tanong:

1. Bakit itinulad sa patay, mahina at kaaway ng Diyos ang isang makasalanan? 
2. Paano tumatawag ang Diyos sa mga makasalanan sa ating panahon?
3. Paano ka tinawag ng Diyos mula sa kasalanan? 
4. Bakit ganito na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa mga makasalanan?

Conclusion:

Ang buhay ng tao ay hiningang pinahiram ng Diyos, ayon sa Aklat ng Genesis. Ang ating buhay ay Buhay ng Diyos. Baon natin ang kanyang hininga. Ito ang dahilan kung bakit napakahalaga natin sa kanya, bahagi tayo ng kanyang Buhay. Subali’t ang buhay na ito ay hindi natin pinahalagaan, ito ay sinira natin sa pamamagitan ng paggawa ng masama. Ng mamatay si Jesus sa krus, ang Diyos ay nagkaloob ng buhay. Hindi na ito pagpapahiram kundi pagkakaloob ng sariling buhay. Hindi pagpapahiram ng kapirasong hininga tulad noong una, kundi pagkakaloob ng buong buhay niya, kaya siya namatay. Ito ay kusa niyang ginawa upang bigyan ka ng bagong buhay, buhay na hindi maaring wasakin ng kamatayan. Ito ay kusa niyang ginawa, “kahit noong tayo ay makasalanan pa.” Hindi natin ito hininge at hindi natin ito kayang bayaran, ito ay tunay na biyaya, isang regalo. Ito ay libreng iniaalok para sa iyo. 

Ginigising tayo ng Diyos sa katotohanang tayo’y mahal niya sa kabila ng ating mga nagawang kasalanan. Maaring hindi natin ito pansin noon pa. Sa hindi natin namamalayan, maaring maraming beses na tayong tinawagan ng Diyos. At ngayon muli siyang nagpapahiwatig. Kailan ka tutugon?

Lesson 2:  Pagsisisi (Repentance)
 2 Cor. 7.8-12, Gawa 2.38

Having now the desire to flee from the wrath to come, he purposely come to
hear how it may be done. (John Wesley, Sermon, Means of Grace)

Ang tugon sa alok na biyayang nagliligtas ng Diyos ay maaring magbunsod ng damdamin ng pagsisisi, depende sa tugon ng tao. Ang pagsisisi ay ang pagtugon natin bilang makasalanang tao sa ipinapahayag na pag-ibig ng Diyos, matapos na tayo ay magkamalay at makita ang ating tunay na kalagayan. 

TUNAY NA PAGSISISI

Ang pagsisisi ay hindi lamang pagpapakita ng kalungkutan dahil sa nagawang kasalanan. Maaring ito’y bahagi ng pagsisisi, subalit hindi maaring maging kabuohan nito. Dahil ang tunay na pagsisisi ay ang lubusang pagtalikod sa kasalanang nagawa. Hindi ito maaring maging mababaw na paghingi ng tawad at pagkatapos ay magbabalik sa dating gawi. Kundi isang lubusang pagbabago ng direksyon sa buhay, mula sa pagiging kalaban ng Diyos dahil sa pagiging makasalanan tungo sa pagiging anak ng Diyos na nagsusumikap sa pagsunod. 

Ang tunay na pagsisisi ay may kalakip na kasiguruhan ng kapatawaran (I Juan 1.9). Ang pagpapatawad ng Diyos ay may nakapaunang pangako, na pinatawad na ang magsisisi. Nauna ang pagpapatawad sa pagsisisi. Ito ang katibayan ng pag-ibig ng Diyos sa mga makasalanang tulad natin. 

PAANO ITO ISASAKATUPARAN? 

1. Mapagpakumbaba nating aminin ang ating mga kasalanan
2. Hilingin ang pagpapatawad ng Diyos (2Cor. 7.10)
3. Lubusang tumalikod sa kasalanan (Ezekiel 18.30-32),
4. Magbalik loob sa Diyos (Gawa 3.19; Lukas 3.

Ang tunay na pag-sisisi ay hindi natatapos sa pahingi ng kapatawaran. Ito ay nangangailangan ng lubusang pagtalikod sa kasalanan na pagpapatuloy sa pagbabagong buhay hanggang sa maging ganap na Kristiano ang isang tao. 

Malaki ang pagkamuhi ng Diyos sa kasalanan. Ito ang dahilan kung bakit itinaboy sina Adan at Eba sa Hardin, at ang naging dahilan sa pagkalipol ng mga tao noong panahon ni Noe. Subalit nanaig parin ang pag-ibig ng Diyos sa tao, at ibigay niya ang bugtong niyang anak, upang mamatay para sa ating kaligtasan. 

BUNGA NG PAGSISISI

1. pagpawi sa galit ng Diyos (Lukas 13.3; Lukas 3.7)

2. kapatawaran sa kasalanan. Dahil tapat ang ating Diyos upang tayo’y patawarin sa ating pagkakasala. (I Jn. 1.9; Mk. 1.4; Lk. 24.47). Noong unang panahon, sinasabi na ang pinakamasayang tao sa Jerusalem ay ang taong nanggaling sa templo, matapos mag-alay ng handog ng pagsisisi sa Panginoon. Dahil dama niya ang pagpapatawad ng Diyos.

3. Kagalingan mula sa espiritual na pagkabulag. Ang espiritual na sakit na ito ay ang pag-aakala na tama ang ating ginagawang kasalanan. Ang taong nangangatuwiran sa kanyang mga kasalanan ay bulag, at nanatiling matigas ang puso. Samantalang ang nagsisisi ay nakakakita (Mt. 23.28; Jn.12.37-46). Ang nag-sisisi ay tumitingin sa sariling kalooban, Binibilad niya ang sarili sa liwanag ng Diyos upang makita ang sariling karumihan (Salmo. 139.23-24) at humihingi ng paglilinis mula sa Diyos. 

3. Kaligtasan. (2Cor.7.10) Nakakatuwa na sa kabila ng ating pagsuway, nais parin tayong iligtas ng Diyos. 

Mga Tanong:

1. Ano ang kasalanan? Paano nagiging kasalanan ang isang gawa?
2. Sa iyong palagay, paano maaring makipagtulungan ang tao sa Diyos para sa kanyang kaligtasan?
3. Kailan dumarating ang pag-sisisi sa buhay ng tao? 
4. Magbigay ng mga halimbawa ng kasalanan na sa pag-aakala ng iba ay mga libangan lamang. 
5. Kung mayroong tao na napakabuti ng kanyang tingin sa sarili, at sinasabi niya na wala siyang dapat pagsisihan. Paano natin siya matutulungan? 
6. Bakit hindi nagiging tunay ang pagsisisi na walang kalakip na pagbabago?

Conclusion:

Ang alok na pagpapatawad ng Diyos ay tunay. Maaring isipin ng isang makasalanan na hindi madali ang patawarin siya, maaring dahil sa dami ng kanyang kasalanan. Halos imposible na marahil para sa isang kriminal ang magkamit ng kapatawaran. 

Ito ang magandang balita para sa lahat ng may pasang kasalanan sa kalooban, nagpapatawad ang Diyos! Ito ang dahilan kung bakit sinabi ng Biblia, “ganoon na lamang ang pag-ibig ng Diyos”. Dahil mahirap ibigin ang isang makasalanang tulad natin, subalit ginawa ito ng Diyos, minahal niya tayo sa kabila ng kung sino tayo.


LESSON 3: Pagpapatawad ng Diyos (God's Forgiveness)
Roma 5:1-11

The plain scriptural notion of justification is pardon, the forgiveness of sins. It is that act of the Father, whereby for the sake of the propiation made by the blood of His Son, He showeth forth His righteousness (or mercy) by the remission of the sins that are past. (John Wesley, Sermon, Justification By Faith)

Ang prevenient grace ay ang pagtawag ng Diyos sa taong makasalanan, upang makita ng tao ang tunay niyang kalagayan bilang “minamahal na kaaway ng Diyos”. Na sa kabila ng ating mga kasalanan, patuloy tayong inaabot ng Diyos upang muling ilapit sa Kanya. Na Diyos ang unang tumawag sa atin upang magbalik loob sa Kanya.

Bilang tugon, ang tao ay kailangang magsisisi. Ito ang kinakailangan upang tanggapin niya ang nakahandang pagpapatawad ng Diyos. 

PAGPAPAWALANG SALA

Ang doktrinang ito ay muling nabigyan ng pansin, sa pangangaral ni Martin Luther, bilang pagtutuwid sa turo tungkol sa indulgencia (ang pagbabayad sa misa para sa kaligtasan ng isang yumaong kamag-anak) at sa katuruan na ang kaligtasan ay makakamit bilang bunga ng mabuting gawa. 

Sang-ayon si Wesley sa turo ni Luther, bagamat ang justification para sa kanya ay hindi ang kabuohan ng kaligtasan. Para kay Martin Luther, ang pagpapatawad ng Diyos ay minsanang pangyayari sa buhay ng Kristiano siya ring kaganapan ng kaligtasan. Para kay Wesley, ang pagpapatawad ng Diyos ay isang mahalagang pagpasok sa kaligtasan. Wika nga ng isang paglalarawan, “Ang pagpapatawad ay hindi ang bahay kundi pinto papasok sa bahay o pagkaligtas.”

Ang dahilan kung bakit ganito ang paliwanag ni Wesley ay upang makaiwas sa turong Antimonianismo, ang kaisipan na matapos magkamit ng kapatawaran, ang pagsunod sa Diyos at paggawa ng mabuti ay wala na ring kabuluhan. Seryosong nilabanan ito ng Metodismo, dahil ang mabubuting gawa ay karampatang bunga na dapat makita sa isang pinatawad. Ang pagpapawalang sala ay totoong makakamit lamang sa pamamagitan ng pananampalataya, at ang mabubuting ay hindi kabayaran. Totoo na tanging Diyos ang nagpapawalang sala at ginawa na ni Kristo ang lahat para tayo iligtas, subalit mali kung sasabihin natin na walang halaga ang mabubuting gawa. 

Gumagawa tayo ng mabuti hindi para patawarin tayo ng Diyos kundi dahil pinatawad na tayo ng Diyos (Efeso 2.10).

MGA BUNGA NG PAGPAPAWALANG SALA NG DIYOS 
(Roma 5.1-11)

Ang pagpapawalang sala ay kusang ipinagkaloob ng Diyos, hindi natin ito karapatan. Ayon kay John Wesley, kapag nararasan natin ang pag-papawalang sala ng Diyos, “mararamdaman natin na may nagbabago sa ating puso”. 

1. magkakaroon tayo ng kapanatagan sa harapan ng Diyos. 
2. mayroon tayong pag-asa na makakasama tayo sa Kanyang kalwalhatian
3. mayroon tayong kasiguruhan ng kaligtasan
4. ituturing tayong mga kaibigan at anak ng Diyos. 
Ang pagpapawalang sala ay batay sa sariling pag-papasya ng Diyos para sa taong nag-sisisi. Nagpapatawad Siya ayon sa kanyang kagandahang-loob (Efeso 2.8-9). Ang Diyos ay hindi nasusuhulan ng mga mabubuting gawa, kung kaya hindi natin masasabing “Panginoon, pagbabayaran ko ang mga kasalanan ko, bawat masamang ginawa ko, tatapatan ko ng aking kabutihan”.

PANANALIG LAMANG KAY KRISTO

1. Alam ng tao na dapat pagbayaran ang kasalanan (Roma 3.23) kung kaya’t nagpupumilit ang iba na bayaran ang Diyos sa pamamagitan ng mabuting gawa. Subali’t walang kakayahan ang tao upang magbayad sa Diyos (Salmo 49.7-9). Tanging si Jesus lamang ang maaring magbayad para sa ating kasalanan dahil Siya lamang ang itinakda ng Diyos bilang kordero, para sa kasalanan ng tao. (Hebreo 9.15).

2. Pinatutunayan ng Biblia na ang ginawa ni Jesus ay sapat upang mapawalang sala tayo. Wala na tayong dapat idagdag pa dito. (Hebreo 10.14)

Mga Tanong:

1. Paano malalaman ng isang tao na pinatawad na nga siya ng Diyos? 
2. Ano ang nadarama ng isang pinatawad?
3. Sa pagpapatawad ng Diyos, ano ang ating napatunayan bilang katangian Niya?
4. May mga tao na nagaakalang hindi sila mapapatawad ng Diyos dahil sa laki ng kasalanang nagawa. Paano natin sila matutulungan?
5. Matapos patawarin ng Diyos, bakit mahalaga na patawarin na rin natin ang ating sarili?

Conclusion: 

Sabi sa Isaias 53.6b,”Ngunit inibig pa ni Yahweh na sa kanya ipataw ang parusa na tayo ang dapat magbata.” Tayo ay nagkaroon ng pagkakautang dahil sa ating mga ginawang kasalanan. Ang mga ito ay dapat nating pagbayaran, at ang bayad ay kamatayan (Roma 3.23). Subalit mahal tayo ng Diyos, at nais niya na tayo ay maligtas. Kaya namatay si Jesus upang bayaran niya ang mga kasalanang ating ginawa. 

Ang pagpapatawad ng Diyos sa atin ay hindi sa pamamagitan ng paglimot sa ating mga ginawa kundi pagbayad sa ating mga ginawa. Nangyari ito, hindi dahil tinalikuran ng Diyos ang ating nakalipas, kundi dahil hinarap niya ang mga ito, at tayo ay kanyang tinubos. 

ANG PAGPAPATAWAD NG DIYOS AY TUNAY

Maaring maranasan ang kapatawarang ito kung lalapit ka sa Diyos at humingi ng kapatawaran. Wala kang dapat gawin kung hindi ang magsisisi ng taos. Gaano man kalaki ang nagawa mong kasalanan, kaya kang patawarin ni Jesus. Patawarin mo rin pala ang iyong sarili, matapos mong manalangin sa Diyos. Paniwalaan mo hinugasan na ni Jesus ang mga mantsa mo sa buhay. 

“Kung ipahahayag natin ang ating mga kasalanan, maasahan nating ipatatawad sa atin ng Diyos ang mga ito at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasamaan sapagkat siya’y matuwid.” – 1 Juan 1.9

LESSON 4: Isinilang na Muli (Born Again Experience)
Juan 3:3

If any doctrine within the whole compass of Christianity may be properly termed “fundamental”, they are doubtless these two, - the doctrine of justification and that of a new birth; the former, relating to that great work of God for us, in forgiving our sins; the latter to the great work which God does in us, in renewing our fallen nature. (Sermons, The New Birth)

Ang pagpapatawad ay ginawa ng Diyos para sa ating kapakanan, dahil ayaw niya na tayo ay mapahamak. Ang susunod na hakbang ng Diyos ay ang pagsisimula ng pagkilos ng Diyos sa atin, pagkakalooban niya tayo ng bagong buhay! 

Minsan nagwika si Pablo, “mag-hahari ang Diyos sa pamamagitan ng pagpapawalang sala. Ano ngayon ang sasabihin natin, patuloy ba tayong magkakasala? Hindi!“ (Roma 6.1) Matapos tayong patawarin, hindi nararapat na bumalik pa tayo sa kasalanan (Hebreo 10.26). Ang buhay Kristiano ay hindi nananatili sa pabalik-balik na pag-gawa ng kasalanan at pagsisisi. Matapos patawarin, ang tao na tunay na nagsisisi ay nahahangad ng pagbabago, at hindi na siya magnanais na magkasalang muli.

ANG KAPANGANAKANG MULI

Ang kapangakang muli ay itinuturing ni Wesley na paggawa ng Diyos sa atin. Ito ang simula ng pagkilos ng Diyos sa ating kalooban. Dito tayo nagsisimulang magbago, matapos na tayo ay patawarin. Sa pagpapawalang sala, tayo ay nilinis, subalit sa kapangakang muli, tayo bibihisan ng panibago. Masasabi natin na ang pagiging “born again” ay: 

1. pagsisimula ng bagong buhay kay Kristo (2Cor. 5.17). Pinto ito palabas sa buhay ng pabalik-balik sa pagkakasala. 

2. Pagpapasakop sa Diyos (Roma 6.13). Dahil sa ating pagtanggap kay Kristo bilang Panginoon, ang Diyos na ngayon ang maghahari sa ating buhay. 

3. Bagong pagkilala ng Diyos sa atin: 
a. Ituturing tayo bilang mga anak ng Diyos (Jn.1.12)
b. Ibibilang tayong kaibigan ng Diyos (Roma 5.10)

Ang muling isinilang ay hindi na nakakulong sa dilim ng kasalanan, siya ay ipinanganak nang muli, malaya na sa paggawa ng mabuti at hindi na alipin ng kasalanan. Maliwanag na sa kanya kung ano ang pagkakaiba ng dating pamumuhay at ang bagong buhay kay Kristo. Nais na niyang mamuhay sa pagsunod sa Diyos (Hebreo 10.26). 

PAANO MAIPAPANGANAK NA MULI?

Malaki ang bahagi ng tao sa kanyang ikaliligtas. Bagamat ang kaligtasan ay mula sa Diyos, ang tugon ng tao ay lubhang mahalaga dahil ang tao ang magpapasya kung tatanggapin niya ang alok ng Diyos. Ang Diyos ayon sa Pahayag 3.20 ay kumakatok, ngunit tao ang magpapasya kung pagbubuksan niya ang Panginoon at kung papapasukin Siya sa kanyang puso. 

Matapos madama na mahal ka ng Diyos sa kabila ng iyong mga kasalanan, ikaw ay maaring maipanganak ng muli, kung magpapasya ka na:

1. pag-sisihan ang iyong mga kasalanan
2. papasukin si Jesus sa puso mo
3. tanggapin si Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas
4. iwanan ang dating pagkatao at magbagong buhay
5. magsimulang maglingkod sa Diyos. 

Ang kapanganakang muli ay desisyon ng tao na papaghariin si Jesus sa kanyang buhay. Ang tunay na naipanganak na muli ay dapat na kakitaan ng pagbabago at hindi siya dapat tumigil sa paglago bilang bagong mananampalataya.

Mga Tanong: 

1. Bakit hindi sapat ang magsisi lamang kung walang pagbabago? 
2. Kailan natin masasabi na ang isang tao ay tunay na nagsisi? Bakit hindi sapat ang pagsisi lamang upang maligtas? Bakit kailangan pa ang maipanganak na muli?
3. Ano ang kinabukasan ng taong hindi nagpapasakop sa Diyos?


Ang taong nagsisi at nagkamit ng kapatawaran subalit hindi naipanganak na muli (dahil nanatili sa dating pagkatao) ay maitutulad sa isang pinagkalooban ng isang mahalagang handog, ng pagkakataon para magbagong buhay ngunit hindi niya ito ginamit at pinahalagaan. Para siyang isang sanggol sa sinapupunan ng ina ngunit hindi nakaranas ng pagsilang. 

Sa isang banda, ang taong naipanganak na muli ay kuntento sa kanyang tinanggap na regalo. Binuksan niya ito at isinuot. Alam niya na kumilos na ang Diyos para sa kanya noon sa Kalbaryo. Subalit hindi pa ito ang kaganapan. Hindi pa tapos ang Panginoon sa kanyang buhay, kundi nagsisimula pa lamang. Nais niyang manatili si Jesus sa kanyang puso. Hindi lamang kapatawaran ang kanyang hanap mula sa Ama na kanyang nilapastangan, kundi ang ganap na maibalik ang wangis ng Diyos sa kanya, ang ganap na pagpapanumbalik ng dating kaugnayan niya sa Diyos bilang anak.

LESSON V. Pag-unlad sa Kabanalan (Sanctification)
 Juan 14.26 

Sanctification: it is by slow degrees that he grows to the full measure of the stature of Christ.- John Wesley

Ang pagunlad ng mga mananampalataya ay kasunod ng kanilang kapanganakang muli. Sa ganitong paraan makikita na ang mga Kristiano ay patuloy na binabago ng Diyos. 

Patuloy sila sa paglago hanggang sa maging kalarawan nila si Kristo (Efeso 4.13). Hindi natatapos sa kapanganakang muli ang kaligtasan, para kay Wesley, sapagkat sa puntong ito, ang mga Kristiano ay nagsisimula pa lamang, sila ay bagong panganak at hindi pa nila lubos na nauunawaan ang lahat na binabalak ng Diyos para sa kanya (Hebreo 5.12-13).

Nilinaw ni Wesley na ang “justification” ay iba sa “sanctification”. Minsan, ginagamit ang dalawang salitang ito na para bang iisa ang kanilang kahulugan. Para kay Wesley, ang dalawang ito ay mag-kaiba subalit hindi maaring paghiwalayin bilang kahulugan ng tunay na kaligtasan. Ang justification o pagpapawalang sala ay pagsisimula, bilang gawain ni Kristo para sa kapatawaran ng mga kasalanan at ang sanctification ay ang pagpapatuloy sa kaligtasan, ito ay ang pagkilos ng Banal na Espiritu sa mga naligtas. Hindi tayo maaring magsimula na hindi nagpapatuloy. Ito ang dahilan kung bakit hindi tinaggap ni Wesley ang doktrinang “Once saved always saved”, dahil ang ganitong doktrina ay maaring gamitin upang ipagtanggol ng mga tumatalikod sa pananampalataya, na: sila ay ligtas parin kahit na ano pa ang susunod na gagawing pagkakasala, matapos na tanggapin nila ang Panginoong Jesus sa buhay.

Ang pagliligtas ay gawain ng Diyos na may Tatlong Persona. Ang Ama na umiibig, ang Anak na nagliligtas, at ang Banal na Espiritu na pumapatnubay. Ang paglago sa kabanalan ay gawain ng Banal na Espiritu. 

Ang pagtigil sa paglagong espiritual, ay nangyayari dahil sa pag-aakalang matapos magkamit ng kapatawaran, ay wala ng tungkuling dapat gampanan ang isang Kristiano. Katulad ng isang bagong panganak na sanggol, tama ba na matapos ipanganak, ay pababayaan na lamang ito at hindi na aarugain upang lumaki? Alam natin na dapat siyang lumaki, lumakas at pagdating ng wastong panahon, siya ay magtatrabaho at maglilingkod sa kanyang mga minamahal. 

ANG PAGKILOS NG ESPIRITU SA BUHAY NG MGA KRISTIANO 

Ang pagliligtas ay gawain ng Santa Trinidad, at hindi limitado sa ginawa ni Kristo sa krus. Pagkatapos ng kapatawaran at bagong kapanganakan, patuloy pa rin ang Diyos sa pagkilos sa buhay ng mga Kristiano sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Ayon sa Biblia, ang paggabay, at pagtuturo ay mga ministeryo ng Banal na Espiritu. Sa paglago ng isang mananampalataya, ang pagkilos ng Banal na Espiritu ay lubhang kailangan upang umunlad sila sa relasyon sa Diyos at kapwa. 

Tingnan at unawain ang mga bunga ng Espiritu na dapat makita sa mga lumagong mananampalataya sa Gal. 5.22. Ang kapanganakan (Juan 3.5) at paghubog sa katauhan ng mga Kristiano ay pagkilos ng Espiritu, kung kaya’t dapat silang ipanganak sa Espiritu. 

ANG PAG-UNLAD NG MANANAMPALATAYA

1. Pag-unlad sa kabanalan (1Ped. 1.15)
2. Pag-unlad sa kabutihan at pagkilala sa Diyos (2Ped. 3.18)
3. paglago sa pag-ibig sa kapwa (1Jn. 3.16)
4. paglago sa paglilingkod sa loob ng iglesia (Efeso 4.12)

MGA BALAKID SA PAGLAGONG ESPIRITUAL

1. pagbalik sa pagkakasala (1Jn. 3.8; Hebreo 4.2)
2. pagwawalang-bahala sa mga Salita ng Diyos (2 Thes. 1.
3. pananatili sa mga saligang aral (basic teachings) at walang pag-unlad sa kaalaman tungkol sa Salita ng Diyos (Heb.6.1). 

Upang patuloy tayong lumago, tayo ay dapat na magpatuloy sa: 

1. pananalangin
2. pag-aaral sa mga Kasulatan
3. pakikinig sa mga ipinapahayag na salita ng Diyos, 
4. Pakikisalamuha sa kapwa Kristiano
5. Paghahangad sa mga kaloob na espiritual (1Cor. 14.1)
6. Pag-gamit sa mga kaloob ng Espiritu (1Pedro 4.10-11)
7. Pagiging masigasig sa paglilingkod sa iglesia (2Tim. 1.6)
8. Sikaping mamuhay sa kabanalan, katuwiran, pananalig, pag-ibig, pagtitiis, at kaamuhan-upang maging saksi sa pananampalataya (1Tim. 6.11). 

MGA LAYUNIN NG PAGLAGONG ESPIRITUAL

1. Upang lumago ang bawat Kristiano sa kabanalan, 2Cor.3.18 
2. Upang maging saksi sa pananampalataya, 1Tim. 6.12
3. Upang maging lingkod ng Diyos.
4. Upang lumago ang iglesia at lumawak ang kaharian ng Diyos sa lupa

Mga Tanong:

1. Posible ba na ipanganak na muli ang isang tao subalit hindi lumalago sa buhay espiritual? 
2. Ligtas pa rin ba ang mga tumanggap ng minsan sa Panginoon subalit nagbalik sa makasalanang pamumuhay?
3. Ano ang kaugnayan ng pag-unlad ng mga mananampalataya sa pag-unlad ng iglesia? 
4. Paano mo pinatutunayan ang iyong kapanganakang muli? 
5. Sa anong paraan tayo maaring gamitin ng Diyos sa ating iglesia pagkatapos nating maligtas? 
6. Gaano kahalaga ang pagkakaisang Kristiano sa paglago ng bawat isa sa pananampalataya?

Conclusion:

Ano ang tatak ng isang umuunlad sa pananampalataya (growing Christian)? 

Ang sagot ay ito: pananatiling tapat, nagkakaisa at pagiging responsableng mga lingkod ng Diyos sa ating pagtupad sa ministeryong ipinagkakaloob sa atin. Sa ano mang larangan, ang matured person ay may kakayahang tumupad sa tungkulin. Ang mga matured Christians ay maligayang naglilingkod sa Diyos dahil alam nila na ito ang pinakamabuti. Maitutulad sila sa isang ama na masayang nagtatrabaho para sa pamilya o isang anak na masayang tumutupad sa kanyang mga tungkulin sa bahay at paaralan. 

Upang magawa natin ito, kailangan natin ang sapat na katalinuhan (wisdom), upang malaman kung alin ang tama at mali. Kailangan ang Banal na Espiritu, na nagtuturo sa atin ng kalooban ng Diyos para tayo maglingkod. Ang susi sa pag-unlad sa buhay espiritual ay ang pananatili ng Banal na Espiritu sa buhay ng mga mananampalataya, at pakiki-isa natin sa gawain iglesia bilang paggawa ng misyon ni Cristo.

LESSON VII - Christian Perfection (Pagiging Ganap) 
1Pedro 1:16; 1 Tesalonica 4.7

Now, when this is done, when we are delivered from all evil, there can be no sin remaining. (Wesley Minutes, June 17, 1747)

Ang pagiging ganap ang hangarin ng isang mananampalataya. Ito ang doktrina ng mga Methodista na madalas mapagkamalan! Posible nga ba na makarating tayo sa ganitong antas ng kabanalan? 

Madalas na mapagkamalan ang doktrinang ito sapagkat ang akala ng iba, ang pakahulugan ni Wesley sa salitang “ganap” ay ang: hindi na nagkakasala ang Kristiano kapag ito ay ipinanganak na muli. Subalit hindi ito ang tinutukoy niya, dahil; 

1. Ang Kristiano, gaano man kabuti ay hindi ganap sa karunungan, kung kaya’t maari pa rin siyang magkasala. 

2. Hindi rin maaring maging ganap ang tao, dahil siya ay may katutubong kahinaan o “infirmities” wika ni Wesley, sa kanyang lupang katawan. Wika nga ng kasabihan: Both ignorance and error belong to humanity. 

Ang pagiging ganap na Kristiano ay hindi paglabas sa kalikasan natin bilang tao. Ito ay antas na makakamit ng isang Kristiano sa patuloy niyang pakikibaka sa kasalanan. Tatlong bagay ang sinasabi ni Wesley bilang mga pagbabago sa isang tunay na ipinanganak na muli: 

1. Hindi na niya naisin ang magkasala (He sinneth not willfully.)
2. Hindi na niya gawi ang magkasala(He sinneth not habitually.) 
3. May pagtatagumpay siya sa masamang kaisipan at nakaugalian (He triumps over evil thoughts and temper.) 

Malaki na ang pagbabago ng isang Kristiano mula ng tanggapin niya si Kristo, dahil hindi na siya makasalanan, bagamat siya ay maari pang magkasala. Ibig sabihin, hindi na siya nasisiyahan sa kasalanan. (2Cor.7.10). Dati, maaring kaligayahan niya ang magsugal, maglasing, ang gumawa ng ibat-ibang kasalanan. Ngayon, wala na siyang kaligayahang madarama sa mga ito. Namumuhi siya ngayon sa kasalanan at nakadarama siya ng matinding kalungkutan kapag nagagawa niya ito. Dahil sa mga pagbabagong ginawa ng Diyos sa kanya, ang kaligayahan niya ngayon, ay ang ihandog ang pinakamabuti para sa Diyos. 

Ang kaganapang Kristiano ay nagsisimula sa “ganap na pag-ibig” ng tao sa Diyos. At kung tayo ay may ganap na pag-ibig sa Diyos, hindi natin pinababayaang masira ang ating relasyon sa Diyos. Ito ay ang tinatawag ni Wesley na: kabanalan sa puso. Isang kabanalan na bunga ng walang humpay na pag-ibig ng Diyos sa atin at ang lumalagong pag-ibig natin sa Diyos maging sa kabila ng ating kahinaan. 

At kung may kabanalan sa puso bunga ng ating lumalagong pag-ibig sa Diyos, natural lamang na susunod na rin ang kabanalan sa ating buhay. 

Ang pagsisikap sa kabanalan ay nararapat lamang sa isang Kristiano, dahil ito ang paraan upang makita natin ang Diyos (Heb. 12.14). Tandaan, mula ng tanggapin natin si Jesus, hindi na tayo makasalanang naghahangad ng kabanalan, kundi, tayo ay mga anak ng Diyos na nagkakasala magkaminsan (We are not sinners aiming to become saints but saints who ocassionally sins.). Paano ito matatamo? 

1. linisin ang sarili sa lahat ng makapag-paparumi sa katawan at espiritu (2Cor. 7.1)
2. mamuhay na may takot sa Diyos (Deut. 6.13)
3. maging matatag sa pananampalataya (Jn. 1.4)
4. manatiling matatag sa kabila ng mga pagsubok (Santiago 1.12; Filipos 2.12)
5. Ituon ang paningin sa kay Hesus ang nagpasimula at magpapasakdal sa ating pananampalataya (Heb 12.2). 

Ang pagiging ganap ng isang Kristiano ay maaring biglaan o unti-unti. Ang paglisan sa kasalanan ay madali para sa iba, at mabagal naman para sa iba. Ganoon pa man, kung tayo ay nanatili sa ating kaugnayan sa Diyos (sa kabila ng ating kahinaan bilang tao) naniniwala tayo na magiging ganap tayo pagdating ng wastong panahon (Pahayag 22.11). 

Marami ang bumatikos sa turong ito ng Metodismo. Imposible raw at walang makakaabot sa ganitong antas ng kabanalan. Subalit pag-isipan natin, bakit iniutos pa ng Panginoon na tayo’y magpakabanal? 

Ang nakahikayat kay Wesley upang pag-isipan niya ng masinsinan ang kaligtasan at kabanalan ay ang sinabi ni Peter Bohler (isang pastor na nag-akay sa kanya sa wastong pagkilala sa Panginoon) na: ang Kristiano ay may dalawang katangian: 

1. kapayapaan na bunga ng pagpapatawad ng Diyos sa lahat ng kasalanan
2. pagtatagumpay ng Kristiano laban sa kasalanan.

PAGTATAGUMPAY SA KASALANAN 

May kwento tungkol sa isang tao na nagpunta sa Cornwall, England, isang daang taon pagkatapos ni John Wesley. Isa siyang lasenggo kaya pagdating niya sa bayang nabanggit agad siyang naghanap ng alak. Subalit sa kanyang pagkamangha, wala siyang nakitang nagbebenta ng alak sa buong bayan. Sa kanyang pagtataka na may kasamang pagkainis, siya ay nagtanong kung bakit wala siyang mabiling alak. Maraan siyang sinagot ng isang namamayan sa Cornwal, “Ginoo, ang dahilan po kung bakit walang alak dito ay dahil, isang daang taon na ang nakararaan, dumaan sa aming bayan si Ginoong John Wesley at nangaral siya dito tungkol sa pagliligtas ng Diyos.”

BAKIT TAYO KAILANGANG MAGPAKABANAL?

Katibayan ng ating pagkaligtas ang madama natin sa ating puso ang lubusan na nga tayong binago ng Diyos bunga ng paglilinis ng banal ng dugo ni Kristo. Ang paglilinis na ito ay gawain ng Banal na Diyos sa ating buhay. Ito ay alam ng isang naligtas. Hindi na ito kailangang sabihin sa kanya o ipaalam pa sa kanya. Alam niya na may ginagawa ang Diyos sa kanyang buhay. At ang kumikilos na Diyos nasa kanyang puso ay Banal. Bilang anak, hindi ba tayo kailangang sumunod sa yapak ng ating Ama? Ang sumunod sa kanya, ang makitulad sa kanyang wangis? Ang dahilan kung bakit kailangan tayong magpakabanal ay dahil, “Ako’y banal” wika ng Panginoon (1 Peter 1:15-16). 

Mga Tanong: 

1. Anong uri ng perfection ang tinutukoy ng Biblia na dapat nating maabot? Paano ito makakamit ng isang mananam-palataya?

2. Bakit hindi dapat tumigil ang isang Kristiano sa paglago? 

3. Sa palagay mo, hindi kaya masyadong mabigat ang kahilingan ng Diyos para sa mga Kristiano: na magpakabanal?
4. Ibahagi kung paano ka nanatiling matatag upang makaiwas ka sa kasalanan.

5. Ano ang dapat nating gawin kung nagkakasala tayo bagamat tayo ay Kristiano na?

6. Tinututulan ng ating iglesia ang paninigarilyo at paglalasing, dahil wala itong maibibigay na kabutihan sa katawan kundi karamdaman (Social Principles, Aklat ng Disiplina). Paano natin ito masusugpo sa loob ng ating iglesia? Paanong nakakasira ang mga bisyong ito sa magandang imahen ng mga Metodista?

Conclusion:

Ang ating pagkilala sa Diyos ang ating gabay sa ating pagka-Kristiano. Sa napakaraming katangian ng Diyos, may dalawang binigyan ng pansin si Wesley: ang una, ang Diyos ay pag-ibig at ang pangalawa, ang Diyos ay banal. Ang Metodismo ay kinilala na isang holiness movement sa kasaysayan ng Kristianismo. Layunin nito ang palaganapin ang kabanalan, personal man o panlipunan (social holiness). Ang tunay na Kristianismo ay makapagpapabago ng isang tao at gayun din sa isang lipunan. Ito ay nakikita hindi lamang sa mga ritual ng pagsamba kundi pa naman sa paraan ng pamumuhay (practical religion). Ito ay nararanasan sa kalooban at nakikita sa panlabas na katauhan. Sa ganoon, ito ay parang sakit na nakakahawa, kumakalat at hindi mapigilan. Dahil habang kumakalat ang tunay na Kristianismo, patuloy na kumikilos ang kapangyarihan nagliligtas ng Diyos sa mga tao.

Ang kabanalan ay isang displinadong paraan ng pamumuhay na may matinding pag-ibig sa Diyos. Ang disiplinang Kristiano ay hindi pagpapailalim sa mga batas. Ito ay ang kaligayahan ng pagsunod sa Panginoon. Hindi ito pabigat kundi biyaya, sapagkat nahuhubog tayo sa larawan ng Diyos na Banal.


LESSON VIII - Assurance of Salvation
 1 Pedro 1.9; Roma 8.24

… by the testimony of the Spirit, I mean, an inward impression of the soul, whereby the Spirit of God immediately and directly witnesses to my spirit, that I am a child of God; that Jesus hath loved me and given himself for me, that all my sins are blotted out and I, even I am reconciled to God. (John Wesley, Witness of the Spirit)

Maari bang malaman ng isang tao kung mayroon siyang kaligtasan habang nabubuhay pa sa mundo?

Ito ay ang tanong na nagbigay ng kakaibang katangian sa mga ebanghelikong Kristiano. Ayon kay Wesley, 
“Wala akong ninais kundi ang malaman ang daan patungong kalangitan.” 

Ang tanong kung paano nagkakaroon ng kasiguruhan sa kaligtasan ang isang tao ay lubhang bumagabag kay Wesley kaya nasabi niya sa kanyang pagkabahala, 

“Hinihikayat ko ang mga Indians sa America, ngunit sino ang manghihikayat sa akin? Sino? Ano, ang makapagliligtas sa akin sa masamang pusong ito ng pagdududa?” (Journal, Jan.24, 1738). 

At noong May 24, 1738, natagpuan din ni Wesley ang sagot sa kanyang paghahanap. Sabi niya, 

"Naramdaman ko ang kakaibang init sa aking puso, naramdaman kong nagtiwala ako kay Kristo, tanging kay Kristo para sa aking kaligtasan; at ang kasiguruhan ay ipinagkaloob sa akin na inalis(pinatawad) na ang aking mga kasalanan at iniligtas ako sa batas ng kasalanan at kamatayan."

Naniniwala tayo na ang Kristiano ay maaring magkaroon ng kasiguruhan ng kaligtasan habang nabubuhay pa sa mundo. 

Tatlong bagay ang ibinahagi ni Wesley bilang dahilan: 

1. kasiguruhan mula sa Salita ng Diyos (Jn. 3.16) 
2. Kasiguruhan dahil sa ginawa ni Cristo sa krus ng Kalbaryo (Hebreo 9.28)
3. Ang patotoo ng Espiritu Santo sa atin bilang mga anak ng Diyos (Roma 8.16)

May maling paniniwala ang ilan na hindi maaring malaman ng isang tao kung siya ay maliligtas sa kabilang buhay. Malinaw sa Salita ng Diyos na may katiyakan ang isang tunay na mananampalataya para sa kanyang pagkaligtas. Sinasabi halimbawa sa Juan 6.47, na “ang sinumang mananalig ay may buhay na walang hanggan.” Ang pagiging Kristiano ay hindi pagbabakasakali, kundi kasiguruhan na batay sa mga pangako ng Diyos. 

Ang kaligtasan para kay Wesley ay isang pangyayari na patuloy na nagaganap sa buhay ng isang Kristiano. Isa itong proseso at hindi maaring maging minsanang pangyayari. Hindi lamang ito bunga ng pagpapasya na tanggapin si Jesus kundi, kasama dito ang walang tigil na pamumuhay bilang anak ng Diyos. Hindi mumurain (cheap) ang ipinagkaloob na kaligtasan ng Diyos sa atin. Hindi ito ipinagkakaloob sa isang manananampalataya na walang kaakibat na kasiguruhan. 

Ang kaligtasan ay bunga ng pagpapatawad ng Diyos sa nakalipas na kasalanan, at nagbibigay ito ng kasiguruan sa kasalukuyan, at kakayahan upang magbagong buhay sa hinaharap. Ang kaligtasan ayon kay Wesley, ay ang araw-araw na kamalayan ng tao na siya ay anak ng Diyos at dahil dito siya ay mayroong lakas na lumaban sa makasalanang buhay at pag-asa na siya ay maliligtas pagdating ng pahuhukom (Roma 8.24-25). Ang taong naligtas na ay maari paring mahulog sa pagkakasala, at dahil dito maaring mawala sa kanya ang kasiguruhan. Ganun pa man, maari parin siyang magsisi at manumbalik sa Diyos, upang muling maranasan ang kasiguruhan ng kaligtasan. 

Ang kaligtasan, na siyang pinakamahalagang handog na Diyos sa tao ay dapat na bantayan at pangalagaan. Hindi kailanman nais ni Wesley na magkaroon ng mga tamad at maligamgam na Metodista. Ayaw niya nilalabanan niyang parati ang kaisipan na ang kaligtasan ay nagsisimula at natatapos sa isang pagtanggap lamang sa Panginoon. Mapapansin natin ito sa “General Rules for the People Called Methodists”. Kung ikaw ay nagnanais na maligtas, kinakailangan ipakita mo ang iyong pagnanais na maligtas sa iyong pamumuhay. Ang pananampalatayang nakapagliligtas ay nagbubunga ng pagbabagong buhay, pag-iwas sa kasalanan at pasusumikap sa kabanalan. 

MGA TANDA NG TUNAY NA PAGKALIGTAS

a. Totohanang na pagsisisi
b. Kailangang kakitaan ng tunay na pagbabago.
c. Ang Kristiano mismo, sa kanyang kalooban ay dapat kumbinsido na may nagbabago sa kanyang buhay. (John 5.24)
d. Nakikita at nadarama niya ang mga bunga ng Espiritu sa kanyang buhay, at ito’y nakikita rin ng iba. (Galacia 5.22)
e. Lubusang pagbabago sa panlabas na buhay. Paglisan sa mga makamundong gawain tulad ng pag-susugal, paglalasing, kalaswaan at iba pa (Gal. 5:19-22). 

Ayon sa General Rules, ang isang tunay na Metodista ay kailangang magpakita ng katibayan ng kanyang pagkaligtas sa pamamagitan ng:

a. Pag-iwas sa anumang uri ng kasalanan
b. Paggawa ng mabuti sa lahat ng pagkakataon
c. Tapat na pagdalo sa mga hayagan at pansariling gawain para sa Panginoon tulad ng pagsamba, o pananalangin. 

Ang kasiguruhan ng kaligtasan ay may ganap na epekto sa pamumuhay ng isang mananampalataya. Dahil ang Espiritu ng Diyos ay nagpapatotoo sa kanya, siya naman nanatiling patotoo para sa iba. 

Mga Tanong: 

1. Bakit kailangang magkaroon ng kasiguruan ng kaligtasan ang isang Kristiano? Ano ang kaibahan kapag ang isang Kristiano ay may kasiguruhan sa kanyang kaligtasan?
2. Bakit hindi sapat ang magkaroon ng relihiyon lamang upang manatili tayong nakaugnay sa Diyos? Maari bang magkaroon ng relihiyon na walang relasyon sa Diyos? 
3. Kung lubusang magbabago ang mga kaanib ng iglesia at nagsusumikap sa kabanalan, at sigurado na sila ay ligtas, ano ang ibubunga nito sa pagmimisyon? Ano ang magiging tingin ng ibang tao sa kanila?
4. Sabi ni Pablo, “Work out your salvation with fear and trembling.” Ano ang ibig sabihin nito? Paano natin ito isasakatuparan? 

Conclusion: Inner Witness

May palagiang sinasabi si Wesley tungkol sa patotoo ng Espiritu. Ito ay tinatawag niyang witness of the Spirit o patotoo ng Espiritu sa ating espiritu na tayo ay anak ng Diyos. Ayon sa kanya, ang kasiguruhan ay pagpapatotoo ng Diyos sa naligtas. Hindi ito patotoo ng tao sa kapwa tao kundi katibayan na mula sa Diyos. Ito ay katibayan na ang kaligtasan ay hindi bunga ng gawa ng tao. Ito ay gawain ng Diyos sa kalooban ng tao. Subalit habang nagaganap ito sa kalooban, mayroong nakikitang bunga sa buhay ng naliligtas na tunay na kakaiba. Ang lumalawig na pag-ibig sa Diyos, ang pagkamuhi sa kasalanan, ang kaligayahan sa paglilingkod, ang pagkauhaw sa kabanalan, ang kagalakan sa pakikisalamuha sa kapwa Kristiano, ang lahat ng ito ay hindi mga batas para sa isang ligtas kundi paraan ng pagiging disipulo. Ito ay hindi kabigatan kundi dagdag na biyaya na nagpapaligaya at nagpapalakas sa kanya bilang anak ng Diyos. 

Alam mo na ba kung ikaw ay ligtas?

Lectionary Sunday School:Hebrews 13:1-8, 15-16 (August 28, 2016)

Paglilingkod na Nakalulugod sa Diyos
Hebrews 13:1-8, 15-16

May kwento tungkol sa isang aqueduct, ito ay daluyan ng tubig na gawa sa mga bato at semento na itinayo noong AD 108 sa Segovia, Spain.  Sa loob ng mahigit isang libong taon, naging daluyan ito ng malamig at malinis na tubig mula sa bundok patungo sa  bayan ng Segovia.

Minsan, naisip ng mga engineers ng Spain na i-preserve na lamang ang aqueduct para makita ito ng mga susunod na generation.  Kaya ang daluyan ng tubig ay pinalitan ng mga modernong tubo. Ang aqueduct ay hindi na ginamit.

Hindi man umabot ng ilang taon, napansin nila na ang aqueduct ay natuyo sa init ng araw, at  ito ay unti-unting nadudurog.  Napatunayan nila na habang ito ay ginagamit, ito ay lalong tumitibay.  Ngunit kapag hindi na ito ginagamit,  ito ay nagiging mahina at nasisira.

Ang bawat Kristiano ay tinawag upang maglingkod sa Diyos at sa  kapwa.  At habang tayo ay naglilingkod, lalo lamang tumitibay ang ating pananampalataya. Patuloy sana tayo sa paglilingkod, at ang Diyos mismo ang magbibigay sa atin ng tibay na tatagal ng mahabang panahon.

Paano Tayo Maglilingkod?

1. Patuloy kayong magmahalan bilang magkakapatid kay Cristo (v.1).   Tayo ay hindi lamang miembro ng isang sekta, kundi pa naman, tayo ay miembro ng  pamilya ng Diyos.  Ang utos ng Panginoon ay ang mahalin natin ang isa’t-isa bilang patunay na tayo ay alagad ng Panginoon.

2.   Maging bukas ang ating pinto sa ibang tao  (hospitable) at damayan ang mga nahihirapan.   Tungkulin natin bilang simbahan ang tumulong sa;

a. mga mahihirap at maysakit.  Sa talatang 16, sinasabi rin na, “ At huwag nating kaligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pagtulong sa kapwa, sapagkat iyan ang alay na kinalulugdan ng Diyos.”

b. mga balo - sa Santiago 1:27, ganito ang sabi, “Ang pagiging relihiyoso na dalisay at walang dungis sa harap ng ating Diyos at Ama ay ang pagtulong sa mga ulila at sa mga biyuda sa kanilang kahirapan, at pag-iingat sa sarili upang huwag mahawa sa kasamaan ng mundong ito.”

3. Dapat igalang ng lahat ang pagsasama ng mag-asawa at maging tapat kayo sa isa't isa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakikiapid at nangangalunya.  Ang pinakamahalagang paglilingkod na maari nating gawin para sa ating pamilya ay ang pagiging tapat sa ating asawa.  Sa ganitong paraan, hindi natin sasaktan ang kalooban ng ating mga anak, at mananatiling matatag ang pamilya.

Note para sa Youth: Maging ang mga kabataan na single pa, kung mananatili kayong “sexually pure” (no to pre-marital sex), iginagalang na ninyo at iniingatan na  ngayon pa lang ang kapakanan ng inyong magiging mga anak at magiging asawa sa future.  

4. Huwag kayong magmukhang salapi (v.5)

Sa Diyos tayo nagtitiwala at hindi sa pera. Ang ating pananampalataya ang nagbibigay sa atin ng kahulugan ng buhay at hindi ang salapi. Inaakala ng marami na kapag may marami kang pera, nasa iyo na ang lahat.  Ngunit hindi ito totoo! Sa katunayan, marami pa ring mayayaman ang nagpapakamatay dahil wasak ang kanilang relasyon sa pamilya at sira ang kanilang buhay espiritual.

5.  Alalahanin ninyo ang mga dating namumuno sa inyo, ang mga nagpahayag sa inyo ng salita ng Diyos. Isipin ninyo kung paano sila namuhay, at tularan ninyo ang kanilang pananampalataya sa Diyos. (v.7).

Ang pagiging Kristiano ay buhay na ligtas mula sa kasalanan.  At naligtas tayo dahil may mga taong naglilingkod sa Diyos na nagpahayag ng Salita ng Diyos sa atin.  Huwag sana nating kalilimutan ang mga taong iyon na naglingkod sa atin upang tayo ay maligtas.  

6. Kaya't  lagi tayong mag-alay ng papuri bilang handog sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus, papuring nagpapahayag ng ating pagkilala sa kanyang pangalan. (v.15).

Ang pinakamahalagang paglilingkod  na ating magagawa para sa  Diyos ay ang pagsamba. Ngunit madalas din itong mabalewala ng marami.   May iba naman na nagpapasalamat sa Diyos sa paraang gusto nila.  Ngunit may paraang hinihingi ang Diyos, at  ito ay ang magpunta tayo sa simbahan, sumamba at magkaloob sa kanya ng alay.   Hindi tama na tayo ang gagawa ng sarili nating paraan para purihin at pasalamatan ang Diyos.

Mga Tanong:

1. Ano sa palagay ninyo ang mga paraan upang magkaroon ng “impact” ang ating simbahan sa ating komunidad?  Aling ministeryo ang dapat nating bigyan ng pansin?
2. Maliban sa trabaho, bakit mahalagang paglilingkod sa pamilya ang maging tapat sa asawa?
3. Sinu-sino ang dapat nating paglingkuran ayon sa ating aralin? (Sagot: Kasama sa pananampalataya, kapwa, pamilya, at ang Diyos)







Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...