Huwebes, Agosto 27, 2015

Mga Pangako sa Ordination ng Isang Elder Pastor

DISCIPLINARY QUESTIONS FOR ORDINATION

Vows Before Ordination For a Candidate Aspiring for Full Connection
1) Have you faith in Christ?
2) Are you going on to perfection?
3) Do you expect to be made perfect in love in this life?
4) Are you earnestly striving after it?
5) Are you resolved to devote yourself wholly to God and his work?
6) Do you know the General Rules of our Church?
Will you keep them?
7) Have you studied the doctrines of The United Methodist Church?
8) After full examination, do you believe that our doctrines are in harmony with the Holy Scriptures?
9) Will you preach and maintain them?
10) Have you studied our form of Church discipline and polity?
Do you approve our Church government and polity?
Will you support and maintain them?
11) Will you diligently instruct the children in every place?
12) Will you visit from house to house?
13) Will you recommend fasting or abstinence, both by precept and example?
14) Are you determined to employ all your time in the work of God?
15) Are you in debt so as to embarrass you in your work?
16) Will you observe the following directions? a) Be diligent. Never be unemployed. Never be triflingly employed. Never trifle away time; neither spend any more time at any one place than is strictly necessary. b) Be punctual. Do everything exactly at the time. And do not mend our rules, but keep them; not for wrath, but for conscience’ sake.

Tungkulin ng Pagiging Kaanib sa United Methodist Church

Pagiging Kaanib sa UMC

Ang Nagkaisang Iglesia Metodista ay bukas para sa lahat na nagnanais maging kaanib. Isa itong inklusibong iglesia na hindi nagtatangi sa mga tao batay sa kanilang lahi, kulay, kasarian, edad o relihiyon.  Ang sinuman ay maaring dumalo sa mga gawaing pagsamba, pag-aaral, paglilingkod at sakramento ng iglesia.  Tinatanggap ng iglesia ang, sinumang nagnanais maging kaanib sa katawan ni Kristo na sumasampalataya sa Diyos, ang Amang makapangyarihan sa lahat, na Siyang lumikha ng langit at ng lupa, at kay Jesu-Kristo na bugtong Niyang Anak, at sa Espiritu Santo.

Sa kalagayan ng mga bata na hindi pa maaring mangako para sa kanilang sarili, ang kanilang mga magulang, ninang at ninong o iba pang tagapag-alaga ang kakatawan para sa kanila upang maging kaanib ng iglesia.

PAGKALINGA SA MGA KAANIB

Tungkulin ng iglesia na pangalagaan ang mga kaanib, na sila'y gabayan sa pamamagitan ng pagtuturo, pagsasanay at pangangaral ng Salita ng Diyos hanggang sa lubusang maihanda ang bawat kaanib sa pagka-alagad. Tungkulin ng iglesia ang bisitahin at ipanalangin ang mga kaanib, ang pangunahan sila sa matuwid na pamumuhay, at sanayin sa paglilingkod sa Diyos at kapwa tao.

Pangako Bilang Kaanib

Inaasahan sa bawat kaanib ang ipangako niya sa Diyos at sa mga kapatid:

1. Na lalabanan niya ang lahat ng kapangyarihan ng kasamaan, na itatakwil niya ang kasamaang naghahari dito sa mundo, at magsisisi sa kanyang mga kasalanan,

2. Na tatangapin niya ang kalayaan at kapangyarihang galing sa Diyos upang labanan ang kasamaan, kawalan ng katarungan at pangaabuso.

3. Ang ikukumpisal niya si Jesu-Kristo bilang kanyang Tagapagligtas, at lubusang magtitiwala sa biyaya ng Diyos, at    mangangakong maglilingkod kay Jesus bilang Panginoon.

4. Na siya'y mananatiling tapat na kaanib ng banal na iglesia ni Kristo at maglilingkod bilang kinatawan ni Kristo sa mundo.

5. Na mananatili siyang tapat sa Nagkaisang Iglesia Metodista at gawin ang lahat sa abot ng makakaya upang palakasin ang ministeryo ng iglesia.

6. Ang tapat na pakikibahagi sa mga ministeryo sa pamamagitan ng panalangin, pagdalo sa mga gawain, pagkakaloob at paglilingkod;

7. Ang tanggapin at ipahayag ang Ebanghelyo ayon sa pagkasulat nito sa Salita ng Diyos. Ang magpatotoo sa mga ginawa ng Diyos sa kanyang  buhay, lalo't tungkol sa kanyang kaligtasan.

Ang Ating Misyon

Ang iglesia ay may iisang misyon: ang tuparin ang utos ng Panginoong Jesus na gawing alagad ang mga bansa, ang bautismuhan sila sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at ituro sa lahat ang ipinaguutos ng Panginoong Jesus.

Pinatotohanan ng  ating pananampalataya na,

“Kapag nagiging malinaw sa iglesia ang kanyang misyon, ginagamit ng Diyos ang ating iglesia sa pagliligtas ng mga  kaluluwa, sa paghilom ng mga relasyon sa pagitan ng mga tao, nababago ang mga lipunan, at naikakalat ang kabanalang ayon sa Biblia, tungo sa pagbabago ng sanlibutan.(p. 88, Discipline)

Sa pangunguna ng Banal na Espiritu, ang bawat Metodista ay dapat maging saksi ng Panginoon (Gawa 1: 8).   Ang bawat Kristiano ay ilaw at asin ng sanlibutan, mga instrumento ng Diyos sa kanyang pagliligtas.  Ang Iglesia Metodista, bilang bahagi ng katawan ni Kristo ay inatasang magpapatuloy sa gawain ni Kristo.  Ang ating misyon ay ang magpahayag sa katotohanan na iniibig ng Diyos ang sanlibutan, maging ang mga makasalanan, at nais niyang iligtas ang lahat (1Tesalonica 5.9, Juan 3:16).

Bilang mga saksi ng Panginoon, ang ating katibayan sa pagpapatotoo  ay ang ating sariling buhay.   Ano ang ginawa ni Kristo para sa atin? Paano tayo naligtas?  Paano  binago ng Panginoon ang ating buhay?  Bakit tayo naglilingkod  sa ating Diyos?

Ang Paraan ng Pagtupad sa Ating Misyon

Sa paragraph 122 ng Aklat ng Disiplina, mababasa na ang ating iglesia ay may mungkahing paraan ng pagmimisyon;

1. ipahayag ang ebanghelyo, hanapin, tanggapin at tipunan ang mga tao upang mapabilang sa katawan ni Cristo.

2. gabayan ang mga tao upang italaga ang kanilang mga buhay sa Diyos sa pamamagitan ng bautismo at pangungumpisal ng pananampalataya kay Cristo.

3. turuan ang mga tao ng pamumuhay Kristiano sa pamamagitan ng pagsamba, mga sakramento, disiplinang espiritual at iba pang paraan ng paraan.

4. suguin ang mga kaanib sa mundo upang mamuhay na puno ng pag-ibig at katuwiran bilang mga lingkod ni Cristo sa pamamagitan ng pagpapagaling ng mga sakit, pagbibigay pagkain sa mga nagugutom, pagmamalasakit sa kapwa, pagpapalaya sa mga pinahihirapan,  gumawa para sa ikauunlad ng mga pamayanan ayon sa pamantayan ng Biblia, ipagpatuloy ang misyon ng paghahanap, pagtanggap at pagtipon ng mga tao upang maging kabahagi ng katawan ni Cristo.




Artikulo ng Pananampalataya

Artikulo ng Pananampalataya

Ang mga Artikulo ng Relihiyon ay pinili ni Wesley mula sa 39 na Artikulo ng Church of England  at ipinadala sa mga Metodista sa Amerika. Ang Iglesia Metodista Episcopal sa pasimula pa lamang ay tinaglay na ang mga artikulong ito sa pagpapahayag ng ating pananampalataya.

1. Tungkol sa Pananampalataya sa Banal na Trinidad

Mayroong iisang buhay at tunay na Diyos, walang pinagmulan at walang katapusan, walang katawan o mga sangkap man, nagaangkin ng walang hanggang kapangyarihan, karunungan at kabutihan; ang lumikha at kumakalinga ng lahat ng mga bagay na nakikita at di nakikita. At sa pagkakaisa ng ka-Diyosang ito ay may tatlong persona, na nagtataglay ng iisang kalikasan, kapangyarihan at pagkawalang hanggan- ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo.
Referensya - Deut. 6:4; Jer. 10:10; Jn. 4:24; 1 Tim. 1:17
 
2.  Tungkol sa Salita o Anak ng Diyos

Ang Anak, na siyang Salita ng Ama, ay tunay at walang hanggang Diyos, kaisa sa kalikasan ng Ama, ay naging tao sa sinapupunan ng pinagpalang Birhen; anupa't ang dalawang buo at ganap na kalikasan ng pagka-Diyos at pagkatao ay nagsama sa iisang persona na kailanman ay hindi mapaghihiwalay; kaya't may iisang Kristo, tunay na Diyos at tunay na tao, na tiyak na naghirap, napako sa krus, namatay at inilibing upang ipakilala ang Kanyang Ama sa atin at upang maging handog hindi lamang para sa katutubong kasalanan (original sin) kundi para din naman sa mga nagawang kasalanan (actual sin) ng tao.

Referensya: Juan 10:30 - “Ako at ang Ama ay iisa.” ; Juan 8:24; Filipos 2:6, Isias 9:6; Ang Alpha at Omega sa Pahayag 1:8 ay ang Diyos Ama, at siya rin ang Panginoong Jesus sa 1:18.  Colosas 1.15-20;  Si Jesus ay ang Alpa't Omega - Pahayag 22.12; Juan 10.30; sa Mateo 2.11 at 28.17 si Jesus ay sinamba, at walang pagbabawal na ipinapahayag ang Biblia tungkol dito. Col. 2:9; Jn. 14:9

3. Tungkol sa Pagkabuhay na Muli ni Kristo

Si Kristo ay tunay na nagbangon mula sa mga patay, at muling nanumbalik sa kanyang katawan, kasama ang lahat ng mga bagay na may kinalaman sa kasasakdalan ng kalikasan ng tao, na sa ganitong anyo siya ay umakyat sa langit at doo'y nakaluklok hanggang sa siya'y bumalik na muli upang hukuman ang lahat ng mga tao sa huling araw.   Referensya - 1Cor.15.20; Mateo 28.7; Roma 8.34

4. Tungkol sa Espiritu Santo

Ang Espiritu Santo na nagbuhat sa Ama at Anak ay kaisang kalikasan, karilagan at kalwalhatian ng Ama at ng Anak, tunay at walang hanggang Diyos.

Referensya- Luke 11.13; 2Cor. 3.17; Ang Espiritu Santo ay ang Espititu ni Jesus ang Anak, Gal.4.6; na siya ring Espiritu ng Ama -1Cor. 2.12

5. Tungkol sa Kasapatan ng Banal na Kasulatan Para sa Kaligtasan

Ang banal na Kasulatan ay naglalaman ng lahat ng mga bagay na kinakailangan para sa ikaliligtas, kaya't anumang hindi nababasa doon, o hindi napapatunayan sa pamamagitan nito ay hindi masasabi sa sinumang tao na isang bagay na dapat sampalatayanan, o isiping ituro na kailangan para sa kaligtasan.  Sa tawag na kasulatan ang tinutukoy ay yaong mga aklat na pinasiyahang bumuo ng canon ng Matandang Tipan at Bagong Tipan, na ang kanilang kapangyarihan ay hindi kailan man pinag-alinlangan sa iglesia.

Referesnya: Jn. 5:39; Santiago 1:21

6.   Tungkol sa Matandang Tipan

Ang Matandang Tipan ay hindi salungat sa Bagong Tipan, sapagkat maging sa Matandang Tipan at Bagong Tipan, ang walang hanggang buhay ay iniaalok sa sangkatauhan ni Kristo, na siyang tanging Tagapamagitan sa Diyos at tao, sapagkat siya'y Diyos at tao. Kaya nga hindi dapat pakinggan yaong nagsisipagsabing  ang mga naunang ama (sa pananampalataya) ay nagsisipaghanap lamang ng mga pangakong pansamantala.  Bagamat ang batas na ipinagkaloob ng Diyos kay Moises na tumutukoy sa mga seremonyas at mga ritual ay hindi para sa mga Kristiano, ni ang mga utos pampamahalaan nuon ay hindi kailangang tanggapin ng alinmang bansa, ganun man, walang Kristianong makapagsasabing siya ay labas sa pagtalima sa mga kautusang tinatawag na moral.
   
7.   Tungkol sa Kasalanang Orihinal

Ang kasalanang orihinal ay hindi minana kay Adan, kundi yaon ang kahinaan ng kalikasan ng bawat tao, na katutubong likas ng mga anak ni Adan, na sa pamamagitan nito ang tao ay nalayo sa dating pagkamatuwid at napahilig ang sarili sa kasamaan at sa ganito ay nagpapatuloy.

Referensya: Romans 5:12; 19

8. Tungkol sa Malayang Kalooban (Of  Free Will)

Ang kalagayan ng tao pagkatapos magkasala ni Adan ay gayon na lamang, na sa kaniyang sariling lakas at mga gawa ay hindi siya maaring manampalataya at tumawag sa Diyos; kaya nga wala tayong lakas upang gumawa ng mabuti na kalugodlugod at katanggap-tanggap sa Diyos, kung wala tayo sa biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pag-akay ni Kristo, upang tayo'y magkaroon ng mabuting kalooban.

9. Tungkol sa Pagiging Matuwid ng Tao (Of the Justification of Man)

Tayo ay kinikilalang matuwid sa harap ng Diyos alang-alang lamang sa ginawa ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo, sa pamamagitan ng ating pananampalataya at hindi dahil sa sarili nating mga gawa o mga karapatan.  Kaya nga ang paniniwala na tayo'y inaaring matuwid sa pamamagitan lamang ng pananampalataya ay isang makabuluhang aral at tunay na puspos ng kaligayahan.

Referensya- Efeso 2.8-9; Juan 3.16; Roma 3.28
10.    Tungkol sa Mabuting Gawa 

Bagamat ang mga mabubuting gawa, na mga bunga ng pananampalataya at kasunod ng pagkaaring matuwid ay hindi makapagaalis ng ating mga kasalanan at hindi makapipigil sa kabagsikan ng paghuhukom ng Diyos; gayun man, ang mga ito ay nakalulugod at katanggap-tanggap sa Diyos, kay Kristo at nagmumula sa isang tunay at buhay na pananampalataya, anupat sa pamamagitan nito, ang isang buhay na pananampalataya ay nakikilala, gaya ng pagkilala sa isang punong kahoy sa pamamagitan ng kanyang bunga. 

11.Tungkol sa Gawang Hindi na Kailangan (Supererogation)
     
Ang mga gawang kusang loob - tangi, higit at labis sa mga ipinaguutos ng Diyos - na tinatawag na mga gawang supererogation ay hindi maaring ituro ng walang pagmamataas at pagbabanalbanalan.  Sapagkat sa pamamagitan nito, ang mga tao'y nagsasabing sila'y hindi gumagawa para sa kanyang sarili ng higit sa tungkuling kinakailangan; gayong maliwanag na sinasabi ni Kristo; kung nagawa na ninyo ang lahat ng ipinaguutos sa inyo ay sabihin ninyo, "Kami'y walang kabuluhang mga alipin."

12.  Tungkol sa Kasalanan Pagkaraang Ariing Matuwid (Sin After Justification)

Hindi  ang lahat ng kasalanang nagawa pagkaraan ng karanasan ng pagkaaring matuwid ay kasalanan laban sa Espiritu Santo, at hindi mapapatawad.  Kaya nga, ang pagsisisi ay hindi dapat itanggi sa mga nahuhulog sa pagkakasala matapos makaranas ng kapatawaran. Pagtanggap natin sa Banal na Espiritu, tayo'y maaring mawalay sa biyayang tinanggap at mahulog muli sa kasalanan, subalit sa biyaya ng Diyos muling makababalik at magbago ng ating mga buhay. 

      At dahil dito, dapat ngang itakwil yaong mga nagsasabing sila'y hindi na mahuhulog sa kasalanan sa buong buhay nila sa lupa; o nagkakait naman ng kapatawaran sa mga tunay na nagsisisi.

13.  Tungkol sa Iglesia

Ang nakikitang iglesia ni Kristo ay isang kalipunan ng mga taong tapat, at ipinapangaral ang dalisay na salita ng Diyos at ang mga sakramento ay tiyak na ginaganap alinsunod sa utos ni Kristo sangayon sa lahat mga bagay na kinakailangan. 

Ang mga simbahan hindi nananampalataya sa pagka-diyos ng Panginoong Jesus at hindi sumusunod sa mga kautusan ng Diyos ay hindi natin ibinibilang na sangay ng Kristianismo. 

14.   Tungkol sa Purgatoryo

Ang aral ng Iglesia Romana tungkol sa purgatoryo, pagpapatawad ng pari, pagsamba at pagluhod sa mga larawan, relikyas o sampu ng pananalangin sa mga santo, ay isang musmos na haka, kathang walang turing at hindi lamang walang saligan sa Kasulatan kundi labang laban sa Salita ng Diyos. 

Referensya: Exodo 20:1-4

15.  Tungkol sa Pagsasalita sa Kalipunan sa Wikang Nauunawaan ng Mga Tao

Isang bagay na labang laban sa Salita ng Diyos ang  nakaugalian ng unang iglesia (Iglesia Romana) ang manalangin ng hayagan sa loob ng iglesia o kaya'y gumanap ng sakramento sa wikang hindi nauunawaan ng mga tao (e.g.Latin).
Ang artikulong ito ay sinulat ng mga Protestant Reformers at bumanggit sa 1 Cor. 14.2,19 upang patunayan na hindi wasto ang manalangin, mangaral, o gumanap ng sakramento sa salitang hindi naiintindihan ng mga tao (Hal. Latin). Ang sabi ni Origen, isa sa mga matanda ng unang iglesia noong 202 A.D.  Ang taga Grecia ay nagdarasal sa salitang Griego, ang mga Romano sa wikang Romano, bawat isa sa kanyang sarilng wika."  Ang pananampalataya ay walang kahulugan kung ito'y hindi maisasalin sa buhay, wika at damdamin ng mga tao. 

16. Tungkol sa Sakramento

Ang sakramentong iniutos ni Kristo ay hindi lamang mga sagisag ng pananampalataya ng mga Kristiano kundi tanda rin naman ng mga tiyak na biyaya at ng mabuting kalooban ng Diyos sa atin, na sa pamamagitan nito, siya'y gumagawang hindi nakikita sa atin at hindi lamang nagbibigay buhay, kundi nagpapalakas din at nagpapatibay sa ating pananampalataya sa kanya. 

17. Tungkol sa Bautismo

Ang bautismo ay hindi lamang pagsaysay ng pananampalataya at tatak na dapat pagkakilanlan ng mga Kristiano sa mga hindi nabautismohan, kundi ito rin naman ay tanda ng kapanganakang muli. Ang bautismo sa maliliit na bata ay pasimula sa ebanghelio at mananatili sa iglesia. 

18.  Tungkol sa Hapunan ng Panginoon     

Ang Hapunan ng Panginoon ay hindi lamang tanda ng pag-ibig na dapat masumpungan sa mga Kristiano kundi ito'y isang sakramento ng pagkatubos sa atin sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo; ano pa't sa kanilang mga matuwid, may karapatan sila sa pamamagitan ng pananampalataya na tumanggap nito.  Ang pagtanggap natin ng tinapay ay pakikibahagi sa katawan ni Kristo at gayon din ang saro ng pagpapala ay isang pakikibahagi sa dugo ni Kristo. 

Ang turo sa transustansiyasyon o ang pagbabagong likas ng tinapay at alak sa Hapunan ng Panginoon (upang maging literal na katawan ni Kristo) ay walang katotohanan at walang batayan sa Banal na Kasulatan, malinaw na sumisira ito sa tunay na kahulugan ng Banal na Komunyon, at nagbibigay pagkakataon para sa maraming haka-haka. Ang katawan ni Kristo ay ipinagkakaloob, tinatanggap, at kinakain sa Hapunan, tanging sa paraang makalangit at espiritual.  At ang tanging paraan sa pagtanggap sa katawan ni Kristo at pagkain nito sa Hapunan ay sa pamamagitan ng pananampalataya. 

Ang Sakramento ng Banal na Hapunan ay hindi iniutos ni Kristo upang sambahin.

19.  Tungkol sa Dalawang Bahagi (Ang Saro at Tinapay)   
Ang  saro ng Panginoon ay hindi dapat ipagkait sa mga layko o mga kaanib;  sapagkat ang dalawang bahagi ng Hapunan ng Panginoon, sa utos ni Kristo ay dapat na ipagkaloob sa lahat ng Kristiano. 

20.  Tungkol sa Isang Hain ni Kristo na Ginanap sa Krus

Ang handog ni Kristo, na minsang ginawa, ay siya lamang ganap na katubusan, hain at kabayaran para sa lahat ng mga kasalanan ng buong sanlibutan maging katutubo (original sin) o ginagawa man  (actual sin); at wala ng iba pang  makapagpapa-tawad sa kasalanan maliban doon.  Kaya nga, ang paghahain ng mga misa, na dito'y sinasabing iniaalay na muli ng pari si Kristo para sa mga buhay at patay, upang maalis ang sakit o pagkakasala ay isang gawang pamumusong at pandarayang mapanganib.

21.  Tungkol sa Pag-aasawa ng mga Ministro

Ang mga ministro ni Kristo ay hindi inaatasan sa kautusan ng Diyos na ipangako ang hindi pag-aasawa; kaya nga matuwid sa kanila, gaya ng lahat ng Kristiano na mag-asawa ayon sa kanilang minamagaling, na ang gayon ay lalong makatulong sa kanila tungo sa kabanalan. 

22. Tungkol sa mga Ritual at Seremonya ng mga Iglesia 

Hindi karapat-dapat na ang mga ritual at seremonyas ay magkakatulad sa lahat ng mga lugar, sapagkat ang ito'y tunay namang magkakaiba at nagbabago ayon sa pagkakaiba ng mga bansa, panahon, at kaugalian ng mga tao, basta't hindi ito salungat sa Salita ng Diyos.   Sinuman, ayon sa kanyang sariling palagay, ay magnanais at sadyang lalabag sa mga ritual at seremonya ng iglesia na kanyang kinabibilangan, at salungat sa Salita ng Diyos, kung ang mga ito'y itinatag at pinapatupad ng mga namumuno sa iglesia, ay kailangang ituwid ng lantaran, upang ang iba ay tumakot na tumulad sa kanya, sapagkat ang mga ganito ay makagugulo sa kaayusan ng iglesia at maaring makatisod sa mga mahihinang kapatid.

Ang bawat iglesia ay maaring gumawa, bumago at magalis ng mga ritual at seremonya, upang ang lahat ng bagay ay magkaroon ng kaayusan. 

23.  Tungkol sa Tungkulin ng mga Kristiano sa Pamahalaan
Tungkulin ng lahat ng Kristiano, lalong lalo na ng mga ministro na igalang at sumunod sa mga batas at sa mga utos ng mga namamahala at pinakamataas na kapangyarihan sa kanilang bayan, kung saan sila ay mga mamamayan, o kaya'y kanilang tinatahanan; at gawin ang lahat upang makatulong at makasunod sa mga may kapangyarihan.
24.  Tungkol sa Ari-arian ng mga Kristiano

Ang kayamanan at mga ari-arian ng mga Kristiano ay hindi kanila, maging sa karapatan, titulo at pagkamay-ari, gaya ng maling pagmamalaki ng ilan.  Gayon man, ang bawat tao ay nararapat, sa mga bagay na kanyang tinatangkilik ay magbigay ng sagana sa paglilimos sa mga dukha, ayon sa kanyang kakayahan.

25. Tungkol sa Panunumpa ng Isang Kristiano

Kung paanong tayo'y naniniwala na ang walang kabuluhan ang bigla-biglang panunumpa, ay ipinagbabawal sa mga Kristiano ng ating Panginoong Jesu-Kristo at ni Santiago na kanyang apostol, ganun pa man sinasabi natin na hindi ipinagbabawal ng pananampalatayang Kristiano ang pagsumpa sa harap ng husgado sa ngalan ng katapatan at pag-ibig, alinsunod sa mga turo ng mga propeta para sa katarungan, wastong paghatol at katotohanan.

Tungkol sa Pagiging Banal  (On Sanctification)

Ang pagiging banal ay tumutukoy sa pagbabagong ginagawa ng Banal na Espiritu na paglisan natin mula sa pagkahulog natin sa kasalanan, tinatanggap ito sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Kristo, sa kanyang dugong tumubos, luminis sa lahat ng ating kasalanan; na hindi lamang nagligtas sa atin mula sa kasalanan kundi pa naman luminis sa lahat ng ating karumihan, nagligtas sa atin sa kapangyarihan ng kasalanan at nagbigay sa atin ng lakas, sa pamamagitan ng biyaya, upang ibigin natin ang Diyos ng buong puso at upang tayo ay ganap na makasunod sa kanyang mga  utos.  
Ang  artikulong ito ay paraan ng pagbibigay diin sa doktrinang Sanctification o Pagpapakabanal.  Tinatawag itong Pangalawang Kaloob (Second grace) dahil ang kaligtasan ay hindi lamang pagkamit ng minsanang kapatawaran (Justification) kundi nagpapatuloy ito sa walang humpay na pagkilos ng Diyos sa buhay ng mga naligtas.  




Mga Tatak ng PagigingTunay na Metodista.Ayon Kay John Wesley


(Sinulat ni John Wesley, Marks of a True Methodist)

Ang isang Metodista ay may pag-ibig ng Diyos sa kanyang puso na ipinagkaloob ng banal na Espiritu. Isa siyang umiibig sa kanyang Panginoon na kanyang Diyos ng buong puso, kaluluwa, isip at lakas.  Mayroon siyang walang hanggang kaligayahan, walang tigil sa pananalangin at nagpapasalamat sa lahat ng bagay.

Ang kanyang puso ay puno ng pagmamahal sa lahat ng tao, at nilinis na mula sa inggit, galit, karumihan at lahat ng mga bagay na walang idudulot na mabuti. Ang tanging hangarin niya at ang tanging pagnanais sa buhay ay hindi ang gawin ang sariling kagustuhan kundi ang kagustuhan Niya ng nagsugo sa kanya.  Sinusunod niya ang lahat ng utos ng Diyos mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaki.

Hindi niya sinusunod ang kamunduhan, dahil ang masamang bisyo ay hindi kailanman makabubuti kahit ito'y uso. Hindi siya kailanman nagpapabaya.  Hindi siya nag-iipon ng kayamanan dito sa lupa, ni hindi niya ginaganyakan ang sarili ng sari-saring alahas at mamahaling kasuotan.  Hindi rin siya sumasali sa anumang bisyo, gaano man kaunti ang idudulot na sama nito.  

Hindi siya nagsasalita ng laban sa kapwa o magpapahayag ng kasinungalingan. Hindi siya nangungusap ng nakakasakit sa kapwa o ng kasamaan.  Gumagawa siya ng kabutihan sa lahat ng tao, sa kapwa, estranghero, kaibigan o maging sa kaaway.

Ito ang mga prinsipyo at kasanayan sa ating pananampalataya. Ito ang mga tatak ng isang tunay na Metodista.   Sa mga ito maipakilala ng bawat Metodista na siya ay may kakaibang pamumuhay sa mga hindi mananampalataya.

Mga Doktrinang Binibigyang Diin ng Metodismo (Wesleyan Emphases)

MGA DOKTRINANG BINIBIGYANG DIIN

Katulad ng ibang kalipunang Kristiano ikinukumpisal natin ang Pananampalataya ng mga Apostol.  Sumasampalataya tayo sa iisang Diyos, kay Jesu-Kristo  at sa Banal na Espiritu. Ganun pa man, mayroon tayong pitong mahalagang binibigyang diin bilang mga  doktrinang Kristiano.

Ang mga sumusunod na doktrina ay katibayan ng layunin ng iglesia na palaganapin ang kabanalang ayon sa Biblia, upang maranasan ng mga tao ang nagliligtas na biyaya ng Diyos, at upang  anyayahan ang mga tao sa pagunlad ng kanilang kaalaman at pag-ibig  sa Diyos sa pamamagitan ng personal at sama-samang  pamumuhay bilang iglesia.
Ang ating mga pangunahing doktrina ay may malaking kaugnayan sa ating pananampalataya at pag-ibig sa Diyos.  

DOKTRINANG BINIBIGYANG DIIN

1. Ang Unang Biyayang Nakapagliligtas (Prevenient Grace)

Kinikilala natin na ang Diyos ang unang gumawa para sa ating ikaliligtas.  Sa pamamagitan ng biyayang ito, tayo ay binigyan ng kakayahang tumugon sa Kanyang pag-ibig  (dahil tayo ay patay sa kasalanan, Efeso 2:1) upang magsisi at manampalataya (Roma 5: 8).  Gayunman, tayo ay binigyan ng buhay mula sa kamatayang espiritual, kung kaya nagkaroon tayo ng kakayanang tumugon sa tawag ng Diyos (Efeso 2:5).

2. Kapatawaran at Kasiguruhan

Naniniwala tayo na may kapatawaran para sa sinumang tunay na nagsisisi (I Juan 1.9).  Ibinabalik ng Diyos ang dating kaugnayan Niya sa sinumang sasampalataya sa tulong ng Banal na Espiritu.  Siya ay ipapanganak na muli, dahil sa pagbabagong ginagawa ng Diyos sa kanyang buhay.  Hindi lamang kasalanan ang inaalis ng Diyos sa atin, kundi ang ating pagiging makasalanan.  Mararamdaman nating nagaganap na ito sa ating kalooban kapag nakadarama na tayo ng kalungkutan at pagsisisi tuwing tayo ay nagkakasala at nagkakaroon tayo ng kauhawan sa kabanalan at kaligayahan sa paglilingkod sa Diyos.

3.  Ang Kasiguruhan ng Kaligtasan

Ang kasiguruhang ito ay ang katotohanan na ang nananalig kay Jesu-Kristo ay anak ng Diyos (Juan 1.12).  Naniniwala tayo na maari tayong magkaroon ng katiyakan ng buhay walang hanggan habang tayo ay nabubuhay pa (Roma 5:9-10; 8.24; I Pedro 1.9, I John 5:13). Ang kasiguruhang ito ay ipanagkakaloob sa atin sa pamamagitan ng "patotoo ng Espiritu kasama ng ating espiritu na tayo ay mga anak ng Diyos" (Roma 8. 16).

4.  Kabanalan at Pagiging Ganap na Kristiano

Ang kahanga-hangang pagliligtas ng Diyos ay nagpapatuloy sa paglago sa kabanalan na humahantong sa pagiging ganap.  Sa tulong ng Banal na Espiritu, lilinisin niya tayo sa lahat ng ating karumihan, bababaguhin at uunlad ang ating kaalaman sa ating pag-ibig sa Diyos at kapwa.  Ang pag-unlad na ito ng isang Kristiyano ay nagpapatuloy "hanggang sa maging ganap na ang ating pagkatao ayon sa pagiging ganap ni Kristo" (Efeso 4.13). Ang mga anak ng Diyos ay nagpapakabanal "dahil ang ating Diyos ay banal".  Ang kabanalang  ito ay bunga ng ating lumalawig na pag-ibig sa Diyos.

agiging ganap din ang ating pagnanais na maging kawangis ng Diyos ayon sa kanyang kabanalan.

5. Pananalig at Gawa 

Patuloy nating nasasaksihan ang biyaya at ang panawagan ng Diyos sa lahat ng tao upang sumunod at gumawa ng mabuti.  Ang pananalig ang tanging kailangan upang maligtas, subalit ipinapaalala sa atin na ang wagas na pananalig ay nagbubunga ng ganap na pagbabagong buhay, pagkamuhi sa kasalanan at paggawa ng mabuti (Santiago 2.18, Efeso 2:10). 

6.  Misyon at Paglilingkod 

Kahit sinasabi nating ang kaligtasan ay personal, pinapatotohanan natin na ito ay may palagihang kaakibat na tungkulin upang maibahagi  sa iba sa pamamagitan ng pagpapatotoo at paglilingkod.  Alalahanin na ang pagliligtas ng Diyos ay hindi lamang para sa iilan kundi para sa lahat.

7.  Pagkalinga at Misyon ng Iglesia 
Ang pangangalaga sa mga mananampalataya ay ating binibigyang diin at gayun din ang ating tungkulin sa ating kapwa tao, bagama't hindi sila kaanib ng ating iglesia.  Katulad natin, kailangan nila ang pagliligtas ng Diyos.  Tungkulin natin na sila'y abutin at ipakilala sa kanila si Jesus.

GENERAL RULES OF METHODISM - Tagalog

Pangkalahatang  Patakaran
Sa Pagiging Kaanib


(Ang artikulong ito ay sinulat ni John Wesley bilang gabay sa mga nagnanais maging kaanib ng iglesia at kung paano nila patutunayan ang kanilang katapatan sa Diyos ayon sa paraan ng kanilang pamumuhay.)

Iisa ang hinihiling sa bawat nagnanais na maging kaanib ng kapulungan - ang tapat na pagnanais na makatakas sa kapahamakang darating, ang maligtas mula sa kasalanan.   Subalit habang ito ay nagaganap sa kanyang kalooban, ito ay dapat ding mapatunayan sa kanyang mga gawa. Inaasahan kung gayon sa bawat kaanib na patuloy siyang magpakita ng katibayan na siya ay nagnanais na maligtas:

Una, sa pamamagitan ng pag-iwas sa anumang uri ng kasamaan, lalo na ang kasalanang madalas makaugalian, tulad ng paggamit sa pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan, ang hindi pangingilin sa araw ng Panginoon, maging sa paggawa ng karaniwang trabaho o pangangalakal. Paglalasing, pagbili o pagbebenta ng mga nakakalasing na inumin. Pagbili o pagbebenta ng mga bagay na hindi binayaran ang buwis (puslit na kalakal at piracy). Pagpapautang na may labis na patubo. Paguusap na walang kapakinabangan tulad ng pagbibiro na nakakasakit sa damdamin at nakakapagpababa ng moral ng tao, ang pagwiwika ng laban sa kapwa, lalo na sa mga ministro o namumuno sa iglesia. Ang paggawa ng mga bagay na ayaw mangyari sa sarili, paggawa ng mga bagay na hindi nakapagbibigay lugod sa Panginoon, tulad ng labis na pagsusuot ng alahas. Paglilibang na hindi maaring iugnay sa pangalan ng Panginoong Jesus (tulad ng sugal). Pag-awit o pagbasa ng mga aklat na hindi naglalaman ng katuruan ukol sa Diyos at pag-ibig sa Panginoon; kalayawan, pagiipon ng kayamanan sa lupa; paghiram o pangungutang na hindi nagbabayad.

Inaasahan sa lahat na nagpapatuloy bilang kaanib na siya ay magpakita ng katibayan ng kanyang tapat na pagnanais na maligtas;

Pangalawa, sa paggawa ng lahat ng uri na kabutihan, maging mahabagin sa abot ng kanyang makakaya; sa tuwing may pagkakataon, gumawa ng mabuti sa kapwa para sa pangangailangan ng kanyang lupang katawan, sa pamamagitan ng pagbibigay pagkain sa nagugutom, pagbibigay ng damit sa walang kasuotan, pagbisita, pagtulong sa mga maysakit o sa mga nasa kulungan. Ang pagbabahagi ng Salita ng Diyos upang manghikayat ng ibang tao para sa kapakinabangan ng kanilang kaluluwa. Ang tapakan ang turo ng Diablo  na: hindi dapat gawin ang isang bagay na mabuti kung hindi ito nadarama. Paggawa ng mabuti lalo na sa mga kasama sa iglesia, kung maari sila ang unang tatawagan kung kailangan ang mga manggagawa; mamili sa kapwa kaanib at makipagtulungan sa kanila sa hanapbuhay. Kung mahal ng mundo ang kanya, mas lalo nating dapat mahalin ang ating kapwa Kristiano.

Mamuhay ng buong ingat at pagsusumikap upang ang Salita ng Diyos ay hindi mapintasan, sa pamamagitan ng matiyagang pagtakbo sa labanan ng buhay.  Kalimutan ang sarili, at pasanin ang krus sa araw-araw. Magbata kasama ng Panginoon, maging sa panlalait ng sanlibutan na nagturing na si Jesus ay masama at asahan na paratangan siya ng ibat-ibang kasamaan dahil sa Panginoon.

Inaasahan sa lahat na nagpapatuloy bilang kaanib na siya ay magpakita ng katibayan ng kanyang tapat na pagnanais na maligtas;

Pangatlo, sa tapat na pagdalo sa mga gawain para sa Panginoon. Tulad ng hayagang pagsamba; ang pagpapahayag ng Salita maging sa pagbasa nito o pagpapaliwanag; ang pagkuha ng bahagi sa Banal na Komunyon; gumawa ng pampamilya o pansariling pananalangin, pag-aaral sa Biblia at pagaayuno. Ito ang patakaran ng ating iglesia; na itinuturo ng Diyos maging sa kanyang Salita, na siyang tanging batas sa buhay at pananampalataya. Alam natin na ang lahat ng ito ay isinulat ng Espiritu sa puso ng bawat naligtas.

Kung mayroon sa atin na hindi susunod at palagiang nilalabag ang mga ito, ipinapa-alala sa nagiingat ng kaluluwang ito na may pananagutan siya. Papayuhan siya sa kanyang pagkakamali at bibigyan siya ng pagkakataon, subalit kung hindi siya magsisisi, wala na siyang lugar sa ating kapulungan.

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...